TURNOUT NG BAKUNA VS TIGDAS DUMARAMI

BAKUNA

GUMAGANDA na ang turnout ng vaccination program ng Department of Health (DOH) laban sa tigdas.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, unti-unti na kasing dumarami ang mga magulang na nagpapabakuna ng kanilang mga anak sa nga-yon dahil nauunawaan na ng mga ito ang kahalagahan ng bakuna, lalo na laban sa tigdas na mabilis kumalat.

Dahil dito, kumpiyansa si Duque na mababawasan na ang mga batang nabibiktima ng tigdas sa bansa.

Aminado ang kalihim na nitong mga nakaraang linggo ay talagang nagkaroon ng mataas na bilang ng measles sa bansa at mahigit 200 sa mga ito ang binawian ng buhay dahil sa kum­plikasyon.

Batay sa datos na inilabas ng DOH-Epidemiology Bureau, nabatid na mula Enero 1 hanggang Pebrero 26 ay umaabot na sa 13,723 ang bilang ng mga tinamaan ng measles sa bansa, at 215 sa mga ito ang nasawi dahil sa kumplikasyon ng sakit.

Pinakamaraming nabiktima ng sakit sa age group na 1-4 years old na umabot sa 4,190 habang 26% naman ang mga sanggol na 9-buwang gulang pababa o 3,555 kaso.

Sa kabuuang bilang ng mga pasyente, 8,549 (62%) ang hindi nabakunahan; 235 (2%) ang na­bigyan ng isang dose ng bakuna; 76 (1%) ang may-roong dalawa o higit pang bakuna; 2,653 (19%) ang hindi alam kung nakailang dose ng bakuna at 2,210 (16%) ang hindi tukoy ang vaccination status.

Ayon sa DOH, pinakamarami rin namang nasawi sa sakit sa age group na 1-4 years old na umabot ng 109 kaso (51%), sumunod ang 9-buwang gu-lang pababa, na nasa 77 kaso (36%).

Sa measles death, 176 o 82% ang hindi nabakunahan; tatlo (1%) ang nabigyan ng isang dose ng bakuna; dalawa (1%) ang nabigyan ng dalawa o higit pang dose; 13 (6%) ang hindi batid kung ilang dose ang naibigay na bakuna at 21 (10%) ang hindi batid ang vaccination status.

Pinakamaraming nabiktima ng sakit sa Region 4A (Calabarzon) na umabot na sa 3,234 kaso na may 68 patay; sumunod ang National Capital Region (NCR), na may 3,068 kaso ng sakit at 57 patay; at Region 3 (Central Luzon), na may 2,010 kaso at 30 patay.

Kaugnay nito, patuloy namang hinihikayat ni Duque ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas upang hindi tamaan ng sakit at tuluyan nang makontrol ang pagkalat nito.

“Ang sinasabi ko nga, dapat ang mga magulang patuloy na pumunta sa kanilang mga health centers at magpabakuna ng kanilang mga anak,” ani Duque.

Nagbabala pa ang kalihim na ang tigdas kung hindi maaagapan ay maaaring magdulot ng kum­plikasyon na siyang mag-dudulot ng kamatayan sa pasyente.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.