(Ikinasa sa Setyembre) TURNOVER NG NAIA SA PRIVATE PROPONENT

TARGET ng pamahalaan na mai-turn over ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa private proponent consortium na pinangungunahan ng San Miguel sa Setyembre 14, 2024.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, patuloy na nakikipagpulong ang pamahalaan sa NAIA Infra Corp. na binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp. kasunod ng paglagda sa landmark concession agreement noong Marso.

“Continuous ‘yung meeting namin for the turnover kasi maraming conditions, precedent tawag diyan, post-requirements ng MIAA after signing. Marami, ang daming dapat gawin,” pahayag ni Bautista sa GMA News Online.

Ang tinutukoy ni Bautista ay ang Manila International Airport Authority (MIAA), na naatasang mag-upgrade at magkaloob ng ligtas, episyente, at maaasahang airport facilities at bumuo ng internationally acceptable standards ng airport accommodation service.

“So September 14, on or before. ‘Pag naayos namin ng mas maaga, we will turn over before September 14, pero ‘yun na talaga ang deadline,” dagdag pa niya.

Lumagda ang DOTr sa  P170.6-billion concession agreement sa NAIA Infra Corp. —  tinatawag noon na SMC SAP & Co. Consortium — noong Marso makaraang magwagi ito sa bidding.

Ang grupo ay nag-alok ng hindi bababa sa P122.3 billion na capital investments para sa buong 25-year concession period, na katumbas ng P4.89 billion kada taon.

Inaasahan namang makalilikom ang pamahalaan ng P900 billion na kita mula sa public-private partnership (PPP) project, kasama anh upfront payment, annual payments, at ang ipinangakong government revenue share.