“ANG tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan, ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.” (Kawikaan 13:2)
Naiisipan mo bang magnegosyo subalit ang problema ay wala kang sapat na kapital? Naghahanap ka ba ng malinis na pagkakakitaan na hindi nangangailangan ng malaking puhunan? Mayroong ganyang klaseng mga negosyo. Malinis sila at hindi mo kailangang umutang sa bangko para magkaroon ng ipupuhunan. Kasama diyan ang negosyong pagtuturo, consultancy at tutorial. Ang kapital sa mga negosyong ito ay ang iyong talino, kaalaman, kakayahan, pinag-aralan, at matalas na pag-iisip. Hindi mo kailangan ng pera para magsimula ng negosyong ganito dahil kung magaling kang magturo o magpayo, kakalat ang balita, at dahan-dahang dadami ang sasangguni sa iyo; sila ang mga kliyente mo. Ang marami sa kanila ay magbabayad sa iyo ng tinatawag na “honorarium”. Ang honorarium ay pabuya o “pasasalamat na bayad.”
Hindi ito suweldo dahil hindi ka naman empleyado nila. Ikaw ay parang negosyanteng ang ipinagbibili ay ang iyong matalas na pag-iisip. Kailangan ay maging isa kang problem-solver o tagalutas ng problema. Maraming tao ay may mga problemang hindi nila kayang lutasin. Dahil sa kanilang pagkabalisa sa laki ng problema, hindi na sila makaisip ng malinaw; naguguluhan ang kanilang isip, kaya nahihirapan silang makahanap ng magandang solusyon. Kailangan nila ng isang consultant, isang taong makapagpapaliwanag ng sitwayson at makakapagmungkahi ng mabuting solusyon.
Si Haring Solomon ay naging global consultant. Ang mga kliyente niya ay mga pinuno ng mga bansa sa daigdig. Sinabi ng Bibliya na siya ay binisita at sinangguni ng lahat ng mga hari sa mundo. At nagregalo ang mga ito sa kanya ng samu’t saring kayamanan gaya ng mga kabayo, karwahe, ginto, pilak, tanso, mga hiyas, pampalasa ng pagkain, mga kakaibang hayop, mga sandatang panggiyera, atbp. Dahil binigyan ng Diyos si Solomon ng pambihirang karunungan, naunawaan niya ang dahilan ng halos lahat ng bagay sa daigdig. Napasakanya ang karunungan ng Maylalang ng langit at lupa. Nasuri niya ang dahilan ng lahat ng problema ng mga tao at nakapagbigay siya ng mga tumpak na lunas sa mga suliraning ito. Walang anumang problemang hindi niya kayang lutasin; at walang katanungang hindi niya kayang sagutin. Ang paraan niya ay simpleng pananalita o pagtuturo lamang. Kaya sinabi niya, “Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan.” Ang negosyo ni Solomon ay pagbabahagi ng bunga ng kanyang bibig; at ito ang
pinagmulan ng kanyang kayamanan na siyang naghatid sa kanya ng kanyang pagkain.
Ang mahusay na consultant o guro ay dapat mahusay na tagalutas ng suliranin ng iba. Purihin ang Diyos dahil ginawa rin niya akong isang matagumpay na consultant. May mga kompanya at ahensiya ng gobyerno ang nag-imbita sa aking tumulong lumutas ng kanilang mga problema. Kadalasan ang problema nila ay suliranin sa tao o empleyado. Dahil ako ay isang sikolohista at tagapagsanay, nakapagbibigay ako ng magandang solusyon sa problema sa tao. Nakapag-aral ako sa ibang bansa at ang naging tutok ng aking pag-aaral ay “work attitude.”
Nakita kong karamihan ng problema sa tauhan ay problema sa attitude. Ang paniwala ko: “Kung ano ang iyong attitude, siya mong magiging ugali. Kung ano ang iyong ugali, siya mong magiging resulta. Kung ano ang iyong resulta, siya mong magiging tadhana sa buhay.” Bakit may mga taong nabibigo at naghihirap sa buhay? Ang ugat niyan ay masamang attitude. Bakit may ilang taong umaasenso at yumayaman? Ang ugat niyan ay mabuting attitude. Bakit may mga palpak na empleyado? Ang problema nila ay masamang attitude. Bakit may ilang empleyadong mahusay at umaasenso? Ang dahilan niyan ay ang kanilang magandang attitude sa trabaho. Ang konsepto kong ito ang dahilan kung bakit ako naging epektibong consultant. Ito ang dahilan kung bakit iniimbitahan ako ng ilang kliyente at nagbabayad sila sa akin ng honorarium. Ang mga honorarium na ito ang nagpakain sa aking mga anak.
Ang iba pang negosyong kagaya ng consultancy ay tutorial. Maraming mga kabataan ang bagot sa pormal na edukasyon. Maraming mga anak ng mayayaman ay hindi motivated pumasok sa paaralan o hindi makasabay sa turo ng mga guro. Ang problema ng mga paaralan ay “mass production” ang sistema. Napakaraming estudyante sa iisang classroom, at may iisang gurong namamaos nang nagtuturo. Hindi nagugustuhan ng maraming mag-aaral ang ganitong sistema ng pagtuturo. Kailangan nila ng isahang pagtuturo. Dito pumapasok ang mga tutor. Maraming mga mayayamang magulang ang handang magbayad ng malaki para lang ma-motivate at maging maliwanag sa kanilang mga anak ang aralin.
Sinabi rin ni Solomon, “Ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.” Dahil sa pagnanasang magkapera, may ilang taong hindi marunong yumaman sa malinis na paraan ang gumagamit ng panloloko at pananakot para lang makahuthot ng pera sa ibang tao. Ang tawag sa kanila ay mga mangingikil. Mga kriminal sila, mga salot sa lipunan. Dapat lang talagang hulihin ng mga alagad ng batas ang mga taong ito.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)