TURO NI HARING SOLOMON: ANG KAYAMANAN AY BUNGA NG KARUNUNGAN

“MAPALAD ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.” (Kawikaan 3:13-16)

Noong bata pa si Haring Solomon, mapagkumbaba siya. Kinilala niya na wala pa siyang masyadong alam tungkol sa pamumuno ng isang dakilang bansang kagaya ng Israel. Dahil sa pagkilala niya sa kanyang kakulangan, nakiusap siya sa Diyos na bigyan siya ng karunungan. Napakaganda ng kanyang motibo. Hindi siya humingi ng karunungan para madaig ang ibang tao.

Humingi siya nito upang mapamahalaan nang mabuti ang bayan ng Diyos. Labis na kinalugdan ng Diyos ang kanyang mapagkumbabang saloobin. Sinabi ng Bibliya na malapit ang Diyos sa mga taong bagbag ang kalooban. “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6)

Malamang na ikinagulat din ni Solomon nang kanyang matuklasan na ang karunungan pala ay nagbubunga ng maraming pakinabang, kasama na ang pagyaman. Humingi siya ng karunungan para maging matagumpay na hari ng Israel. Hindi niya hinangad ang pagyaman o pagtatagumpay sa digmaan. Subalit nang magkaroon na siya ng karunungan, napagtanto niyang ito pala ay nagbubunga ng kayamanan at kapayapaan. ‘Pag marunong ka, nagiging tumpak ang iyong mga kapasyahan sa buhay. Tama ang mga pinipili mong landasin. Lumalakad ka sa matuwid na daan. Umiiwas ka sa mga gawain ng kasamaan. Umaayaw ka sa mga bisyong nakakasira ng kalusugan.

Tumatanggi ka sa gawa ng kasalanan, kasama na ang pagsamba sa mga diyos-diyosan o pagiging salawahan sa iyong asawa. Kung iimbitahan kang sumama sa mga gawaing magbibigay ng aliw sa katawan subalit magkakasala ka naman, hindi ka papayag sa paanyayang ganito. Dahil laging tumpak ang iyong desisyon sa buhay, malayo ka sa pariwara. Nakakaiwas ka sa mga aksidente, sakuna, sakit, karamdaman at anupamang masamang kahihinatnan. Dahil dito, nakakaiwas ka sa mga walang kabuluhang gastusin, nakakaipon ka ng malaki, nagkakaroon ka ng kapital na pampuhunan sa mga mabubuting kalakalan, lumalaki ang iyong kita, nalalayo ka sa kahirapan, at nararating mo ang pagyamang malinis. ‘Pag naabot mo na ang kaunlaran at kariwasaan sa buhay, malamang na magkokomento ang maraming taong namamasdan ang mga nangyayari sa iyo, “Tunay na pinagpala ka ng Diyos!” Dahil dito, masasabi natin na “Ang karunungan ay nagbubunga ng kayamanan” at “Ang taong may karunungan ay pinagpapala ng Diyos.”

Hindi ko layon ang magyabang, subalit gusto kong ibahagi sa aking mga mambabasa na ginabayan ako ng Diyos na maghanap at humingi ng karunungan. Dati kong hindi kilala ang Panginoong Jesus. Relihiyoso ako noong bata pa subalit hindi ko pa natatanggap ang Panginoong Jesus sa aking buhay. Kahit na relihiyoso ako noon, parang ang layo-layo ng Diyos sa akin. Isang gabi, nakaranas ako ng matinding lumbay, umiiyak akong nanalangin sa Diyos, “Diyos, totoo po ba kayo? Kung totoong mayroong Diyos, ipakilala mo po ang sarili mo sa akin. Gusto kong makilala kayo.” Pagtuntong ko sa kolehiyo, ang kuya ko ay naging isang born-again Christian. Ibinahagi niya sa akin ang turo ng Bibliya na “Ang lahat ay nagkasala at nahiwalay sa kaluwalhatian ng Diyos” at “Si Jesu-Cristo ay namatay sa krus para bayaran ang ating mga kasalanan.” Napagtanto ko na kaya pala hindi ko maabot ang Diyos noon kahit na relihiyoso ako ay dahil ako ay makasalanan at nahiwalay sa Kanya. Nagsisi ako sa aking mga kasalanan at tinanggap ko si Jesu
s sa aking buhay bilang sarili kong Panginoon at Tagapagligtas. Mula sa sandaling iyon, nagkaroon ako ng katiyakan ng aking kaligtasan. Bumili ako ng Bibliya at lubos kong naibigan ang Aklat ng Kawikaan. Ito ay aklat ng karunungan. Dito nakatala ang maraming kasabihan ni Haring Solomon.

Minemorya ko ang Aklat ng Kawikaan. Umiwas ako sa barkadahan ng mga mararahas na tao. Sumama ako sa mga grupo ng mga Kristiyano. Ang pinag-aralan namin ay ang Bibliya. Sa kolehiyo, maraming mga kabataan ang nalululon sa bisyo, droga, karahasan, pagrerebelde sa otoridad, at pagsama sa mga lalake at babae na mahilig sa gawa ng laman. Iniwasan ko ang mga taong ganito. Nakahanap ako ng isang Kristiyanong babaeng malinis ang pamumuhay. Masipag siyang magtrabaho.

At nang mag-asawa kami at nagkaanak, handa niyang isakripisyo ang gawaing opisina para matutukan ang pag-aalaga sa akin at sa aking mga anak. Sa tulong ng aking matalino at masipag na asawa, nakaipon ako nang malaki. Sa labintatlo naming magkakapatid, ako ang pinakaunang nagkaraoon ng bahay at lupa sa edad na 32. Nataas ako sa puwesto sa trabaho at naging guro ng Unibersidad ng Pilipinas. Ipinadala ako sa ibang bansa para sa mas mataas na pag-aaral. Pag-uwi ko, kinuha ako ng isang multinational company at naging manager doon. Sa edad na 38, nagkaroon na kami ni misis ng sariling family business.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)