“KUMAKAIN at nabubusog ang mga taong matuwid; subalit kumakalam ang sikmura ng mga taong masama.” (Kawikaan 13:25)
Ang mabuting tao ay may takot sa Diyos at laging sumusunod sa mga magagandang prinsipyo sa buhay na itinuturo ng Panginoon sa Bibliya. Kasama sa mga katuruang ito ang pagiging masipag, hindi pagsasayang ng oras, at pagiging mahusay sa lahat ng gawain.
Bawal ang tamad sa mga tunay na Kristiyano. Itinuturo rin ng Bibliya na dapat ay nag-iipon ng pera at hindi ginagasta ang lahat ng kita. Dahil sa mga matatalinong katuruang ito ng Banal na Kasulatan, ang mga sumusunod dito ay nagiging maunlad ang pamumuhay. Paniwala rin ng mga mananampalataya na ang katawan nila ay Templo ng Banal na Espiritu, kaya umiiwas sila sa lahat ng uri ng bisyo gaya ng sigarilyo, alak, sugal, droga, masasamang babae, at iba pang pag-uugaling nakasisira sa kalusugan.
Ang lahat ng mga mabubuting gawain nila ay siguradong magbubunga ng dahan-dahang pagyaman at pag-asenso. Naniniwala akong ang mga prinsipyong Kristiyano ang pinakadakilang puwersa sa daigdig para umunlad ang buhay ng sangkatauhan kasama na ang kanilang pamayanan at bayan.
Subalit ang mga masasamang tao ay ayaw sa Diyos at hindi nagbabasa o naniniwala sa turo ng Banal na Kasulatan. Ang mga kaisipan at pag-uugali nila ay nakabase sa mga baluktot na katuruan o pangangatuwiran ng mga tao lamang. Ang sabi ng Bibliya, ang lahat ng tao ay nagkasala at nahiwalay sa kaluwalhatian ng Diyos. Oo, nilikha nga ng Diyos ang tao sa larawan Niya, subalit dahil sa kasalanan, ang larawang ito ng Diyos ay nabasag o na-corrupt. Hindi na lubos na maaasahan ang mga kaisipan ng tao. Pag may inimbento siya, madalas itong magbunga ng masama – gaya ng ingay, polusyon, pagbuga ng masasamang kemikal, sakit at karamdaman, at pagkawasak ng kapaligiran.
Ang taong tumatanggi sa Diyos at sa Kanyang katuruan ay maituturing na masamang tao. Dahil hindi sila sumusunod sa karunungan ng Diyos, ang buhay nila ay nagiging magulo. Ang karaniwang tao ay ayaw magtrabaho nang mahusay; nagtatamad sila. Ang hinahangad nila ay ang biglang-yaman; kaya natutukso silang magnakaw, manloko ng kapwa, gumawa ng krimen, at iba pang masasamang gawain. Ang sabi ng Bibliya, “Ang pag-ibig sa salapi ay isang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.” Ang mga taong walang takot sa Diyos ay mapagmahal sa pera. Sa labis nilang paghahangad sa kayamanan, natutukso silang mang-api sa mga mahihinang tao. Dahil madalas na lumalabag sila sa batas, hinahabol sila ng mga alagad ng batas.
Madalas na panandalian lang ang kanilang pagyaman sapagkat aabutan sila ng katarungan at mapaparusahan. At dahil nang-agrabyado sila ng kapwa, maraming tao ang gustong maghiganti at manakit sa kanila. Lumilikha sila ng kaguluhan sa lipunan, at sila mismo ay dumaranas ng magulong pamumuhay. Ang mga pamamaraan nila ay hindi nagbubunga ng matatag na pagyaman. Sabi nga ng salawikaing Latin, “Male parta, male dilabuntur” (Madaling nakukuha, madali ring nawawala). Dahil masama ang kanilang paraan ng pagyaman, madaling mawala ang kayamanang iyon; panandalian lamang. May maikling panahong nagtatamasa sila ng kaginhawahan; subalit mahaba ang panahong halos wala silang makain. Kaya sinabi ni Haring Solomon na “Kumakalam ang sikmura ng mga masasamang tao.”
Hindi ko sinasabi na ang mga mahihirap na tao sa lipunan ay masasamang tao. Hindi! Maraming mahihirap na tao ay biktima ng kawalan ng katarungan kaya sila naghirap. Subalit kung taos-puso silang hihingi ng tulong sa mahabaging Panginoon, natitiyak kong sasaklolohan sila ng Diyos. Sabi nga ng Bibliya, “Malapit ang Diyos sa mga taong bagbag ang kalooban” at “ang mga mahihirap ay mayaman sa pananampalataya.” Ang sinasabi ng Bibliya, ang mga masasamang tao ay hindi sumusunod sa mga matatalinong katuruan ng Diyos; ang sinusunod nila ay ang mga pilosopiya ng mga makasalanang tao. Ang pamamaraan nila ay hindi magbubunga ng tunay at matatag na pagyaman.
Panandalian lang ang kaginhawahan nila na natamo sa mga kwestyonableng metodo. Sa pangmatagalan, maglalaho ang kayamanang kinamal nila at mauuwi sila sa kawalan at pagkalam ng sikmura. Kaya para tayo yumaman ng wasto, sundin natin ang turo ng Diyos, hindi ng tao. Pakinggan natin ang payo ni Haring Solomon, “Kumakain at nabubusog ang mga taong matuwid, subalit kumakalam ang sikmura ng mga taong masama.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)