“MAHIRAP makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila’y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.” (Kawikaan 31:10-11)
“Magkamali na sa lahat ng pasya, huwag lang sa pagpili ng iyong asawa.” (Jose Almeda Sr.). Napakaimportante ng pagpili ng wastong asawa. Kung napakasipag mo, napakatalino, at napakatipid, subalit kung ang mapapangasawa mo naman ay tamad, malaswa, magastos, at maraming bisyo, kawawa ka! Mabubura ang lahat ng pakinabang ng iyong kahusayan at karunungan sa buhay.
Si Solomon ay ang ika-sampung anak ni Haring David. Ang mga kapatid niya ay nagmula sa iba’t ibang asawa ng hari. Ang ilang asawa ni David ay mga prinsesa at laki sa yaman. Dahil sa katamaran ng mga ina, ang ibang mga anak ni David ay naging “laki sa layaw.” Samantala, ang ina ni Solomon ay isang ordinaryong babaeng Israelita lamang. Subalit napakasipag niyang magturo at magdisiplina sa anak niyang si Solomon. Kaya nang pipili na si Haring David ng isang anak para maging kahalili niyang hari, ang pinili niya ay si Solomon dahil ito ang pinakamatalino at disiplinado.
Gusto kong parangalan ang ilang mga babae sa aking angkan. Pinagpala ako ng Diyos dahil maraming mabubuting ugali ang makukuha mula sa mga marurunong na babae sa aking pamilya. Ang aking Lola sa tuhod (Great Grandmother) ay si Lola Fausta. Isa siyang negosyante at napakatipid.
Siya ang nagturo sa amin na “Ang taong may katipiran, hindi kailangang umutang” at “Para yumaman, kailangang mamuhunan.” Nagtayo siya ng isang tindahan ng tela at kapartner niya si Trining Rizal, ang nakababatang kapatid ni Dr. Jose Rizal. Sila ang tumanggap at nagpakain sa maraming robolusyonaryong Pilipino noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas. Nang mapatalsik ng mga puwersang Pilipino at Amerkano ang mga Kastila, noong administrasyon ng mga Amerkano sa ating bansa, nagtayo naman ang Lola Fausta ng Dimasalang Restaurant na naging napaka-popular noong 1900s hanggang 1926. Ito ang kauna- unahang restaurant na may piano na tumutugtog na mag-isa. Dinayo ito ng napakaraming matataas na tao sa lipunan.
Ang anak niya ay ang aking Lola Irene. Katulong siya ng nanay niya sa pangangasiwa at paglilinis ng restaurant. Doon niya nakilala ang aking Lolo Leon na isang Justice of the Peace. Nang mamatay ang lolo ko, ginamit ng Lola Irene ang pera mula sa pension at insurance ng lolo para mailigtas ang malawak na lupaing ari-arian ng Tiyo Dalmacio sa probinsiya ng Masbate, na kamuntik nang mailit ng bangko.
Nag-alaga ang Lola Irene ng maraming baka na ibinebenta sa Maynila. Nagpatayo rin siya ng maraming gusaling paupahan at ito ang pinagkakitaan ng aming angkan. Ang lola ko rin ang nagbigay ng libreng pabahay sa kanyang apat na anak, kasama na ang aking ama. Ang aming pagkain, kuryente at tubig ay lahat gastusin ng aking matalinong lola. Ang turo ng Lola Irene sa amin, “Walang sekreto ang ating angkan kundi ang katipiran” at “Pag tama ang asawa, ang lalaki ay nadadagdagan; pag mali ang asawa, ang lalaki ay nababawasan.”
Dahil libre ang maraming gustusin sa pamilya, tumutok sa pagtatrabaho ang papa ko sa isang opisina ng gobyerno at nakaipon siya nang mabuti. Ang napangasawa niya ay ang aking mama na nagngangalang Pastora. Pinag-aral ang mama ko ng kanyang mga magulang sa isang paaralan ng mga madre hanggang second year high school. Napaka-relihiyosa at malinis ang puso ng aking ina. Bukod diyan, napakaganda niya. Siya ay laging naanyayahang maging Reyna Elena sa mga pista ng Santacrusan at Flores de Mayo. Pagkatapos ng second year high school, hindi na siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang, kaya nag-aral siya ng dalawang taong vocational training sa pananahi. Nagtayo siya ng negosyong Fanny’s Modes and Dress Shop. Dalaga pa lang siya ay naghahanap buhay na siya. Noong panahon ng mga Hapon sa Pilipinas, walang trabaho ang mga tao dahil sarado ang mga opisina.
Ang bumuhay sa kanyang pamilya noong panahon ng Hapon ay ang nanay ko. Nang mag-asawa sila ng papa ko, malaki ang naitulong ng negosyo ng nanay ko para mapaaral at mapakain kaming labintatlong magkakapatid, dahil kulang ang kinikita ng papa ko. Ang turo ng mama ko, “Magtrabaho nang walang reklamo, iyan ang ugali ng mabuting tao.”
Ngayon naman, nag-asawa ako ng isang babaeng napakatalino. Nagtapos siya ng PhD sa Educational Psychology mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang nagtatag ng OB Christian School sa Rodriguez, Rizal at OB Learning Center sa Agusan del Sur, kung saan kami ngayon nakatira. Hindi kontento ang misis ko sa pagtuturo ng mga paaralan sa mga anak namin, kaya ginamit niya ang aming ipon para maipasok ang apat naming anak sa mga tutorial centers tulad ng Kumon, MSA at Alsh. Nang kumuha ng entrance exam ang mga anak namin sa UP, Ateneo at La Salle, pumasa sila sa lahat. Pinili ng misis ko na sa UP mag-aral ang apat naming anak para makatipid kami sa tuition fee. Mas maliit ang matrikula sa UP kung ikukumpara sa Ateno at La Salle, subalit napakataas ng kalidad ng pagtuturo. Nagtapos ang apat naming anak sa UP. Ang tatlong pilosopiya ng aking asawa ay “Makadiyos, Makabayan, at Maparaan” (Godliness, Nationalism and Resourcefulness). Ang paaralan ng misis ko ay tumatanggap ng mga mag-aaral na on-line at anak ng OFW na gustong lumaking makadiyos, makabayan at maparaan. Para yumaman, humanap ng mabuting asawa.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)