“ANG kayamanang nanggaling sa kasamaan ay walang pakinabang; subalit nagliligtas mula sa kamatayan ang katuwiran.” (Kawikaan 10:2)
Sa Bibliya, mayroong kayamanang tinatawag na “nanggaling sa masama.” Pag hinanap natin ito, tayo ay mapapariwara. Hindi ito kalooban ng Diyos para sa atin. Gusto tayong payamanin ng Diyos pero hindi sa ganitong paraan. Ang kayamanang ganito ay nakapipinsala sa kapwa-tao at sa buong lipunan.
Ang sabi ng Bibliya, “Lahat ng tao ay makasalanan at nahiwalay sa kaluwalhatian ng Diyos.” Mula nang magkasala ang ating unang magulang – sina Adam at Eva – minana ng lahat ng saling-lahi ng sangkatauhan ang kalikasang makasalanan. Ang natural na naisin ng puso natin ay pansariling kapakanan. Ang orihinal na disenyo ng Diyos sa tao ay siya ay nilikha sa larawan ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit kayang mag-imbento ng tao ng mga dakilang bagay. May kakayahan din siyang magmahal kung gugustuhin niya. Mayroon siyang kapangyarihang magpasya kung ano ang gagawin sa buhay. Puwede siyang pumili ng tama o mali. Puwede siyang magmahal o mamuhi. Puwede siyang mag-isip ng magaganda o masasamang kaisipan.
Dahil sa larawan ng Diyos sa puso ng tao, nakalilikha tayo ng mga matataas at magagarang gusali na halos umabot na sa alapaap. Kaya niyang gumawa ng mga dambuhalang eroplanong gawa sa bakal na lumilipad sa himpapawid o malalaking barkong lumalayag sa dagat paikot sa buong mundo. Kaya niyang gumawa ng mga sasakyang pangkalawakang umaabot hanggang sa buwan, araw, mga planeta, at posible pati malalayong bituwin. Napakadakila ng kakayahan ng tao dahil sa larawan ng Diyos na nasa puso niya. Ang Diyos ay manlilikha; ginawa niya ang taong may kakayahang lumikha rin.
Subalit dahil sa kasalanan, nabasag at may lamat ang larawan ng Diyos sa puso ng tao. Hindi na lubos na maaasahan ito. Hindi na dalisay ang motibo ng tao. Kung may gagawin siya, laging nahahaluan ng sariling interes at may bungang masama. Gusto niyang makipagkumpetensiya sa kanyang kapwa. Gusto niyang manlamang. Ang iniisip niya ay sa kanya muna bago ang sa iba. Ang mga dakilang bagay na iniimbento niya ay may kasamang mga problema. Lumilikha ang mga ito ng polusyon, ingay, lason, basura, at nasasalanta ang kapaligiran. Nauubos ang mga punong-kahoy, nawawala ang mga kagubatan, dumudumi ang mga ilog at dagat, nagbabaha, gumuguho ang lupa, maraming namamatay at nauubos na mga hayop, at nagbubunga ng kahirapan o kamatayan sa ilang tao.
Si Satanas ang pinagmumulan ng maruming kayamanan. Ang layunin niya ay hindi magmahal sa tao kundi ay magnakaw, pumatay at manira ng sanlibutan at buhay ng tao. Alam niya na makasalanan at makasarili ang tao. Alam niyang may nakatago o natutulog na pagmamahal sa pera ang lahat ng tao. Kaya niyang pukawin ang damdaming ito, gisingin at pakilusin para magkamal ng masamang kaymanan ang tao. Sinabi ni Satanas, “Lahat ng kapangyarihan at kayamanan sa sanlibutan ay ibinigay na sa akin at kaya kong ibigay ang mga ito sa sinumang sasamba sa akin.” (Tingnan sa Lucas 4:6-7). Mapanlinlang si Satanas. Alam niya na ang masamang kayamanan ay magbubulid sa matinding sakuna at pariwara sa buhay ng tao at lipunan.
Maraming tao ang pinayaman ni Satanas sa pamamagitan ng mga mapanirang produkto o serbisyo. May mga taong yumaman sa pamamagitan ng pagtutulak ng droga, paggawa at pagbenta ng sigarilyo at alak, pagpapalaganap ng kaputahan, pagsusugal, krimen, korupsiyon, pagnanakaw, panloloko sa kapwa, at iba pa. Dumadami ang mga tinatawag na drug lords, gambling lords, prostitution lords, kidnapping-for-ransom lords, at iba pang mga panginoon ng kasamaan. Sila ay mga salot sa lipunan. Maraming buhay ang nasisira dahil sa kanila. Maraming mag-asawa at pamilya ang nawawasak dahil sa kanilang kasamaan.
Oo, maaaring yumaman nga ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan, subalit ang turo ni Solomon, “Huwag ninyong hahanapin ang masamang kayamanan. Walang patutunguhang mabuti iyan.”
Ang mga yumaman sa masamang paraan ay lumalabag sa batas ng Diyos at tao. Hinahabol sila ng mga alagad ng batas para panagutin. Marami silang kalaban na gustong pumatay sa kanila. Malamang na ‘di magtatagal at aabutan sila ng batas, makukulong o mapapatay. Hindi hahaba ang kanilang buhay. Kung makakatakas man sila sa batas ng tao dahil may ilang masamang tao sa gobyerno na nagpoprotekta sa kanila, subalit hindi nila matatakasan ang paghihiganti ng Diyos. Mananagot sila sa paghuhukom ng Diyos. Ihihiwalay sila ng mga anghel ng Diyos mula sa mga matutuwid na tagapagmana ng Kaharian ng Langit, at ibubulid sila sa lawa ng asupre at apoy. Ang mga apoy na ito ay hindi namamatay, ang mga uod nila ay hindi napupuksa, mananangis sila at magngangalit ang mga ipin dahil sa tindi ng paghihirap. Hindi sila mamamatay, kundi tuloy-tuloy ang kanilang pagdurusa hanggang sa walang hanggan. Dahil nanira sila sa buhay ng marami at hindi nagsisi, kaya sisirain din sila ng walang katapusan.