TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGHAHANGAD NA MAGING SOBRANG YAMAN

“DALAWANG bagay ang sa iyo’y aking hinihiling; bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin… Huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man; pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan, baka ako’y mabusog at itakuwil kita at sabihin ko, ‘Sino ang Panginoon?’ O baka ako’y maging dukha, at ako’y magnakaw, at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan.” (Kawikaan 30:7-8)

Ang Diyos ang tunay na kayamanan at Siya ang pinagmumulan ng lahat ng yaman. Siya ang maylalang ng langit at lupa; siya ang may-ari ng lahat ng bagay. Walang maihahambing sa halaga ng Diyos. Magunaw na ang buong mundo, mawala na ang lahat, huwag lang mahihiwalay sa piling ng Diyos na buhay. Ito ang dahilan kung bakit maraming Kristiyano ang handang mamatay kaysa itakwil ang Diyos. Noong panahon ng Emperyong Romano, grabe ang pag-uusig laban sa mga Kristiyano. Sinusunog sila na parang sulo, ipinapako sa krus, at pinakakain sa mga mababangis na hayop sa Koloseyo ng Roma bilang libangan ng emperador at ng mga ordinaryong mamamayan. Masaya sila habang pinahihirapan at sinasabi nila, “Purihin ang Diyos dahil itinuring akong karapat-dapat magdusa para kay Cristo.”

Naniniwala sila sa turo ni Jesus na “ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?” (Mateo 16:26)

Kinilala ni Haring Solomon na ang Diyos ang pinagmumulan ng kayamanan o karalitaan. Kaya ipinahayag niya ang kanyang kahilingan sa Diyos na huwag sana siya gawing sobrang-yaman o sobrang-hirap. Buhay-katamtaman lang ang nais niya. Dahil kung magiging sobrang hirap siya, baka siya matuksong sumuway sa utos ng Diyos na “Huwag kang magnanakaw.” At kung magiging sobrang yaman naman niya, baka lumaki ang ulo niya, magtiwala sa sariling kakayahan, magmahal sa pera, at hindi na kilalanin ang pagkapanginoon ng Diyos.

Ang pamilya ko ay katamtaman lang ang kalagayan sa buhay noong ako ay bata pa.

May mga kamag-anak akong mayayaman; at nang  magkoloheiyo ako at magmisyon sa mga lugar-iskuwater, nalantad ako sa buhay ng mga mahihirap. Napagmasdan kong ang mga mayayaman ay may mababaw na paniniwala sa Diyos. Para sa marami sa kanila, ang Diyos ay gaya lang sa isang anting-anting o gamit para suwertihin. Subalit hindi nila talaga nakikilala o kinakailangan ang Diyos. Ang pinagkakaabalahan nila ay ang pagnenegosyo, pagpapayaman, at libangang pang-mayaman. Nang ako ay nagmisyon sa mga mahihirap, napagmasdan kong ang marami sa kanila ay wala ring panahon para sa Diyos. Ginugugol nila ang panahon para sa paghahanap ng mapagkakakitaan ng pera para may maipakain sa kanilang malaking pamilya. May mga libangan din naman sila.

Kung ang mga mayayaman ay nagmamadyong, ang mahihirap ay nagto-tong-its. Kung ang mga mayayaman ay naglalaro ng golf, ang mga mahihirap naman ay naglalaro ng kara-krus. Ang maraming mayayaman ay walang panahon sa Diyos, dahil sa palagay nila, hindi nila kailangan ang Diyos; natutustusan naman nila ang lahat ng kanilang pangangailangan, kaya bakit pa sila tatawag sa Diyos? Ang maraming mahihirap ay wala ring panahon sa Diyos dahil may galit sila sa Diyos kung bakit sila ginawang mahirap. Kailangan nilang kumayod ng kumayod at humanap ng madidilihensiya, kaya bakit pa sila magsasayang ng panahon sa pagtawag sa Diyos.

Kadalasan, may panahon para makipag-ugnayan sa Diyos ang mga hindi sobrang-yaman at hindi rin sobrang-hirap. Ang mga nagiging tagasunod ni Jesu-Cristo, bagama’t nagmula sa mahirap, ay dahan-dahang nakaaalpas sa karalitaan. Dahil ito sa natututo silang bumasa at sumulat, nagnanais silang magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan, nagiging masipag at mahusay sila sa trabaho, tinatanggal nila ang mga bisyo, nag-iipon sila, nililinis at inaayos nila ang kanilang pamumuhay, nalalayo sila sa maraming sakit at karamdaman, at nagiging maunlad ang kanilang buhay. Subalit dahil sa babala ni Jesus na ang tao ay hindi puwedeng maglingkod sa kapwa Diyos at kayamanan, pinipili ng mga Kristiyano ang Diyos kaysa sa kayamanan. Dahil sa turo ng Bibliya na ang sobrang kayamanan ay mapanganib, hindi dapat magmamahal sa pera, at huwag magmamadaling yumaman, kaya tuloy, nagpipigil ang mga Kristiyano sa pagiging sobrang mayaman. Dahil dito, marami sa mga tunay na tagasunod ni Cristo ay hindi nagiging sobrang-hirap o sobrang-yaman. Nagiging katamtaman lang ang buhay nila. At lubos silang nagpapasalamt sa Diyos sa pagiging maginhawa sa buhay at hindi dumaranas ng matinding kahirapan.

Totoong mapanganib ang maging sobrang yaman. May mga kakilala akong dating mahirap. Nang maging Kristiyano, nakaalpas sila sa karalitaan.

Subalit hindi sila nakontento. Parang nasarapan sila sa pagyaman. Hindi nila naiwasang magmahal sa pera at magmadaling yumaman. Dahan- dahang nakalimot sila sa Diyos. Tumalikod sila sa dalisay na pananampalataya at pagsunod sa Panginoong Jesus. Naging mukhang pera sila. May ilang natuksong maging estafador, swindler, o manggagantso. Pati mga kapatid na Kristiyano ay dinadaya at niloloko. Naging kasiraan sila sa pangalan ng Panginoon. Marami ang inabutan ng batas at naparusahan. Kung makakalusot man sila sa batas ng tao, mananagot sila sa Diyos at magiging malupit ang kanilang kaparusahan.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)