TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING KURIPOT

“ANG kuripot ay nagmamadali sa pagyaman, at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.” (Kawikaan 28:22)

Iba ang matipid sa kuripot. Ang katipiran ay karunungan at itinuturo ng Bibliya. Ang kakuriputan ay kahangalan at hindi sang-ayon dito ang Banal na Kasulatan. Ang matipid ay isang taong gumagamit ng pera at iba pang mga mapagkukunan nang maingat at hindi nag-aaksaya. Samantala, ang kuripot ay isang taong ayaw gumasta ng kanyang pera at iniimbak ang lahat sa bahay; kung puwede ay hindi na kakain para huwag mawala kahit isang kusing.

Ang pagkakuripot ay parang isang sakit. Bunga ito ng matinding pangamba sa kasalatan at paghihirap sa kinabukasan. Takot silang baka maubusan sa hinaharap. Ang totoong ugat nito ay kasuwapangan at pagmamahal sa pera.

Ang turo ni Haring Solomon, ang kakuriputan ay bunga ng pagmamadaling yumaman. Dinidiyos nila ang salapi. Para sa kuripot, salapi ay kapangyarihan. Ang ginhawa sa buhay ay maaabot sa pamamagitan ng maraming pera. Nagbabala si Solomon na ang mga taong kuripot ay madalas dumanas ng kasalatan sa halip na kaginhawahan. Ang kinakatakutan nila ay ang siyang dumarating. Dahil sa tindi ng kanilang pagkapit sa pera, tuloy hindi na nila na-e-enjoy ang buhay. Puro sila pagkakait sa sarili ng kanilang mga pangangailangan dahil sa kagustuhang bumilis ang pagkamal ng salapi. Sa kasawiang palad nila, madalas mauwi ito sa manakawan sila at dumanas ng matinding galit at kapaitan ng damdamin. O kaya ay sa ibang tao nalilipat ang perang pinaghirapan nilang ipunin.

Halimbawa, mayroon akong isang kakilalang taong may pagka-kuripot. Simple lang ang klase ng kanyang pamumuhay; ika nga e “minimalist lifestyle” siya. Umiiwas siya sa mga kaluhuan sa buhay. Tama naman ito, subalit ipinagkakait niya sa sarili pati ang mga katanggap-tanggap at karapat-dapat na kasiyahan sa buhay gaya ng pagkain ng masarap na pagkain, pakikihalobilo sa kapwa-tao, at pati pag-aasawa. Ang gusto niya ay magkaroon muna ng malaking impok. Hindi siya nagtitiwala sa mga bangko, dahil sa nadidismaya siya na halos wala nang ibinibigay na tubo  ang mga bangko sa kanilang mga depositor, at ang pera sa bangko ay unti- unting kinakain at inuubos ng mataas na inflation.

Napakabilis ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin, subalit ang halaga ng pera ay hindi naman tumataas, kaya parang talong-talo siya kung nasa bangko lang ang pera. Kaya ang ginagawa ng kakilala ko ay bumibili siya ng ginto para mapanatili ang halaga ng mga perang pinaghirapan niya.

Subalit isang araw, nang magpa-renovate ng bahay ang kanyang pamilya, may isang karpinterong nakatuklas kung saan niya itinatago ang kanyang ginto. Ninakaw at itinakbo ng masamang trabahador ang ginto. Nang malaman ng kakilala kong nawala ang kanyang ginto, nadurog ang puso niya. Galit na galit siya. Nasayang lahat ang pinaghirapan niya. Na-depress siya ng mahabang panahon.

Mayroon pa akong isang kuwento. Ang biyenan ko ay may kuyang nagngangalang Papa Rudy. Noong bata pa siya, napakalupit magparusa ang kanyang ama. Mahirap ang buhay nila sa probinsiya ng Masbate. Nang udyukin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga mamamayang taga-Luzon at Kabisayaan na lumipat ng tirahan sa maluwag na isla ng Mindanao, isa si Papa Rudy sa mga unang pumunta. Ang trabaho niya ay karpintero. Magaling at masipag naman siya. Lahat ng kita niya ay inipon niya. Hindi siya gastador. Wala siyang bisyo. Subalit nang mag-asawa siya at nagkaanak, sobra ang higpit niya sa pagtitipid ng pera. Wala silang ligaya at ginhawa sa buhay. Isang beses lang sa isang araw niya pakainin ang kawawa niyang pamilya. Nagtayo siya ng negosyong nagbebenta ng hotcakes.

Ang hindi nabibili sa katapusan ng araw ay siya niyang pinakakain sa kanyang pamilya. Para makatipid sa gastusin, doon na lang sila sa tindahan nanirahan kahit na ang sikip-sikip ng lugar. Lahat ng perang kinikita at naiipon niya ay ipinambibili ng mas maraming lupa. Noong unang panahon, napakamura ng lupa sa Bukidnon. Ang may-ari ay mga taga-tribong Manobo. Binibigyan lang ni Papa Rudy ng mga lata ng sardinas, sigarilyo, itak, o anupamang mumurahing kagamitan, at binayaran siya ng malalawak na lupa. Dahil dito, dumami ang lupang inari ni Papa Rudy. Masungit siya; ayaw niyang paraanin ang sinumang tao sa kanyang lupain, lalo na sa mga kalabaw dahil daw tumitigas ang lupa. Wala siyang pakikipag-kapwa tao sa kanyang mga kapit-bahay, kaya kinaiinisan siya ng marami. Tinatawag siyang maramot at walang kapwa- tao. Nagmiyembro siya sa isang relihiyong nagsimula sa Pilipinas na malakas mangolekta ng pera mula sa mga miyembro. Naging ubod ng yaman ang simbahang iyon, subalit ang mag-anak ni Papa Rudy ay hirap sa buhay. Kahit marami silang lupain, subalit halos wala naman silang  kinakain. Dahil din sa kakuriputan, hindi niya pinag-aral ang kanyang dalawang anak.

Naging halos hindi marunong bumasa at sumulat sila. Dahil sa madalas na kagutuman, nagkasakit ang asawa ni Papa Rudy at maagang namatay. Ang mga anak ay inabandona niya at nag-asawa siya ng isang “prinsesa” ng tribo, na mahilig sa mga alahas at mamahaling damit. Naubos ang pera ni Papa Rudy dahil sa kanyang bata at bagong asawa. Sa katandaan niya, isa-isa niyang ibinenta ang mga lupain niya para ipampagamot sa marami niyang naging sakit. Namatay siyang halos wala nang lahat ang ari-arian. Mula sa halos isang daang ektarya, ang natira na lang ay isang ektaryang ginagamit ng kanyang mga naghihirap na lehitimong apo. Ang tirahan nila ay kubo lamang. Puro pagtitiis at paghihirap ang dinanas ng kanyang kawawang salinlahi.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)