TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING MATAPOBRE

“ANG taong mahirap kadalasa’y tinatalikuran, ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.” (Kawikaan 14:20)

Napakalungkot isipin, subalit talagang may kaplastikan ang maraming tao. Bunga ito ng kanilang pagkakaroon ng makasalanang kalikasan. Dehadong-dehado talaga ang mga maralita. Mababa ang pagtingin sa kanila at madalas silang apihin, subalit mataas ang pagtingin sa mga mayayaman at maganda ang pagtrato sa kanila. Ang ugaling ito ng tao ay matagal nang ginagawa. Sa panahon ni Haring Solomon na tatlong libong taon na ang nakararaan, ganyan din ang ugali ng tao. Ang mahirap ay binabalewala, ang mayaman ay binibigyan ng paghanga.

Naranasan ko ito noong bata pa ako. Lumaki ako sa isang compound na pagmamay-ari ng aking lola. Ang lima niyang anak ay lahat nakatira na kasama niya sa compound na iyon. Sa lima niyang mga anak, ang papa ko ang may pinakamaraming anak – labintatlo kami. Ang iba kong mga tiyo at tiya at mayroon lamang apat na anak. Dahil kaunti ang mga anak nila, kaya nilang pag-aralin sa mga batikan at mamahaling paaralan ang mga anak nila – sa Ateneo, Assumption, La Salle, at Maryknoll. Dahil marami kaming magkakapatid, hindi kami kayang pag-aralin ng ama ko sa mga sikat na paaralang iyon. Nag-aral kami sa isang hindi gaanong kilalang paaralan. Ang mga damit naming magkakapatid ay mga pinagpasa-pasahang damit, samantalang ang mga pinsan namin ay magagara ang damit at laging nakasapatos.

Wala kaming sariling sasakyan, samantalang ang mga mayayaman naming kamag-anak ay may sariling magagarang sasakyan. Dahil dito, napansin kong mababa ang pagtingin ng mga pinsan ko sa aming magkakapatid. Pag mayroon silang pagdiriwang o malaking handaan, hindi kami iniimbitahan. Sa susunod na araw, padadalhan kami ng mga natirang pagkain. Nagtampo ang nanay ko dahil minsan, ang pinadala sa aming pagkain ay panis na. Kaya lumaki akong may pagkamahiyain, tahimik, mapagmasid, at maramdamin. Pasekretong hinangad kong umunlad ang aming buhay at mapantayan ang kalagayan ng aming mga matapobreng kamag-anak.

Mabuti na lang at ang ama ko ay nakaisip na magnegosyo. Marahil ay napansin din niya ang mababang pagtrato sa amin ng mga kamag-anak, at nag-ambisyon siyang pag-ibayuhin ang aming kabuhayan. Kahit wala siya masyadong kapital, naisip niyang kausapin ang kanyang nanay at mga may kayang tiyo at tiya para ipamahala sa kanya ang kanilang mga nakatiwangwang na lupain para linangin at gawing mga subdivision. Nagtayo ng isang real estate company ang tatay ko. Nang makaipon siya, nagpatayo siya ng isang commercial building at pinaupahan niya ang mga offices space sa maraming kliyente. Dahil dito, dahang-dahang umangat ang aming buhay. Hindi na kami inaapi ng aming mga kamag-anak. Naging pantay na ang pagtrato nila sa amin.

Ang misis ko ay mayroong parehong karanasan. Noong bata pa siya, may kaya sila dahil manager ang ama niya sa isang logging company. Mahilig magpasikat ang tatay niya, kaya inimbitahan niya ang ilang mahihirap niyang kamag-anak na nakatira sa ibang probinsya. Pinalipat niya sila ng tirahan sa Mindanao. Pinatira ng father-in-law ko ang mga kamag-anak niya sa kanyang bahay at lupa nang walang bayad. Noong panahong iyon, mataas ang pagtingin ng mga kamag-anak niya sa pamilya ng misis ko. Napagtapos sa kolehiyo ang mga anak ng kamag-anak; at naging may-kaya na sila. Nagkaroon pa sila ng bahay sa Maynila. Samantala, sa kasawiang-palad, nabangkarote ang logging company na pinagtatrabahuhan ng father-in-law ko; nawalan siya ng trabaho at naghirap sila. Nagbago ang attitude ng mga kamag-anak niya. Sa panahon ng kagipitan, hindi pala sila gaanong maaasahang tumulong.

Nang mag-aral ang misis ko sa Maynila at nangangailangan ng tirahan, mabigat ang loob ng kamag-anak na patirahin sa bahay nila ang misis ko, pinagbayad ng renta, at trinatong katulong ang misis ko. Halos walang makain ang misis ko noong nag-aaral siya sa kolehiyo at nagka-ulcer siya. Dahil sa pang-aapi sa kanya, lumayas ang misis ko at naghanap ng ibang matitirhan.

Sa awa ng Diyos, nakapagtapos sa kolehiyo ang misis ko at ang mga kapatid niya. Nagtrabaho sa Saudi Arabia ang father-in-law ko at bumuti na naman ang buhay nila. Nang mangyari ito, bumait na naman ang mga kamag-anak. Napakasaklap ng buhay! Makasalanan talaga ang mga tao. Tama ang sabi ni Haring Solomon, ang mahihirap ay tinatrato ng masama, ang mayayaman naman ay dinadakila. Huwag tayong tutulad sa masamang ugaling ito. Maging mabait tayo sa mga mahihirap sapagkat malapit ang Diyos sa mga bagbag ang puso.

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)