TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING TAMAD

Heto Yumayaman

“TINGNAN mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad, pamumuhay niya’y masdan mo at nang ikaw ay mamulat. Kahit sila’y walang pinunong sa kanila’y nag-uutos,walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod, ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw, kailanga’y iniipon kung panahon ng anihan.” (Kawikaan 6:6-8)

Hindi misteryo ang pagyaman; magtrabaho ang unang hakbang. Nakapanggigilalas ang katamaran ng ilang tao at may gana pa silang magtaka kung bakit sila mahirap at hindi makaalpas sa kahirapan. Kung ano-ano ang mga paraan at raket na iniimbento nila para yumaman sa madaling paraan na umiiwas sa subok na paraan – ang pagtatrabaho o kasipagan.

Ayaw nila gamitin itong tiyak na metodo dahil ayaw nilang magbanat ng buto; ayaw nilang magpawis. Ang gusto nila, biglang yaman na lang sila nang walang pagpapagod. Kaya nakakaisip sila ng mga hangal o masamang paraan. Ang metodo ng mga tamad ay sugal, scams (panloloko), pag-utang nang walang intensiyong magbayad, krimen, paghingi ng ayuda sa gobyerno, paglilimos, atbp.

Para silang mga linta. Kumakapit sila sa iba para sipsipin ang dugo ng mga ito. Sila ay parang salot sa lipunan. Pabigat sila. Bahagi sila ng problema, hindi ng solusyon, sa lipunan.

Hindi matatawaran ang kasipagan ni Haring Solomon. Walang tigil ang kanyang pag-iisip at paggawa ng mga mahahalagang proyekto. Pagkaupong-pagkaupo niya sa trono ng Israel, ang una niyang proyekto ay ang paggawa ng isang “Kababalaghan ng Mundo” (World Wonder) – ang dakilang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Ang templong ito ay nabalutan ng lantay ng ginto at maraming mga hiyas at mamahaling bato. Dinayo ito ng lahat ng mga hari sa mundo para makita ang dakilang gusaling ito. Dahil dito, marami ang nanampalataya sa Diyos ng Israel.

Ang susunod niyang ginawa ay ang kanyang palasyong ang pangalan ay Palasyo ng Gubat ng Lebanon. Ang gusaling ito ay napakalaki at gawa sa mga mamahaling kahoy na cedar at juniper mula sa bansang Lebanon. Ang kahoy na ito ay kasing tibay ng punong narra ng Pilipinas at mabangong-mabango ang amoy. Gumawa pa siya ng Bulwagan ng Katarungan kung saan naroroon ang kanyang trono at doon niya dininig ang mga hinaing at kaso ng mga mamamayang Israelita.

Nagpagawa siya ng mga lungsod na imbakan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Nagpagawa siya ng mga lungsod ng kamalig kung saan niya inimbak ang kanyang napakaraming kayamanan at butil para sa pagkain.

Nagpagawa siya ng mga hardin, patubigan, at taniman ng mga punong-kahoy (man-made forests). Nagpagawa siya ng zoo o lugar kung saan nakalagak ang samu’t saring mga kakaibang hayop na inangkat niya mula sa ibang bansa para pag-aralan. Nagpatayo siya ng maraming lungsod-tanggulan sa bayang Israel. Tuloy-tuloy ang pag-aaral niya ng mga kawikaan ng karunungan at mga awit. Nagturo siya sa maraming tao, kaya tinawag siyang “mangangaral.”

Nagpatakbo siya ng maraming mga negosyo. Nagsugo siya ng maraming mga mangangalakal na naglakbay sa malalayong lupain upang makipagpalitan ng mga produkto. Nagtayo siya ng armada ng mga mangangalakal na barko na naglakbay sa malalayong bayan tulad ng Pilipinas para mag-angkat ng mga ginto at kakaibang hayop.

Tumanggap siya ng maraming mahahalagang panauhin mula sa ibang bansa na gustong makilala siya at tanungin ng mga mahihirap na katanungan tungkol sa pamamalakad ng pamahalaan. Ang mga bisitang ito ay nagregalo sa kanya ng mga ginto, pilak, sandata, kabayo, karwahe, pagkain, pampalasa ng pagkain, at marami pang ibang kayamanan.

Sa lahat ng mga hayop na nilikha ng Diyos, ang paborito ni Solomon ay ang mga langgam. Mahilig mag-aral si Solomon ng ugali at pamamaraan ng mga hayop. At hangang-hanga siya sa kilos at pag-uugali ng mga langgam. Ubod sila nang sipag. Trabaho sila nang trabaho; ipon nang ipon. Imbak sila ng imbak ng pagkain. Lagi silang naghahanda para sa panahon ng taghirap o taglamig.

Kailanman ay hindi dumanas ng kagutuman ang mga langgam dahil sa kanilang marunong na ugali. Lubos na naakit si Solomon sa mga insektong ito. Nakiisa siya sa kanila. Humanga siya sa pambihirang karunungan ng mga ito. Ginaya niya ang kasipagan ng mga langgam at itinuro pa niya sa mga taong nakikinig sa kanya na tularan ang mga kulisap na ito. Isinulat pa niya sa kanyang Aklat ng mga Kawikaan ang katuruan niya tungkol sa mga ito.

Kataka-taka ba kung bakit yumaman si Solomon? Ang lawak ng kanyang karunungan ay katumbas lang ng kanyang kasipagan. Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, ang kataka-taka ay kung siya ay maghihirap. Pinangakuan siya ng Diyos, “Dahil humingi ka sa Akin ng karunungan, ibibigay ko sa iyo iyon; at pati ang hindi mo hiningi – kayamanan at kapangyarihan – ay ibibigay ko rin sa iyo. Binigyan nga ng Diyos si Solomon ng pambihirang karunungan. At ang karunungang ito ang nagsasalita sa pamamagitan ng bibig ni Solomon, “Maging masipag kayo.

Gayahin niyo ang mga langgam. Mayroon silang pagkukusang magtrabaho ng buong kasipagan. Nag-iimpok sila para sa panahon ng kagipitan. Tularan niyo sila at kayo man ay yayaman din.”