“ANG TAONG mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.” (Kawikaan 11:24)
Bago ko makilala ang Panginoong Jesus, ang modelo ko sa buhay ay ang aking matalinong lola. High school lang ang tinapos niya. Hindi siya namasukan sa anumang opisina. Subalit dahil sa sipag at katipiran, nagkaroon siya ng maraming ipon na ginamit niya para makabili ng mga ari-arian.
Ang pinakauna niyang binibili ay lupa o mga apartment na kanyang pinaupahan. Habang tumatagal, dahil sa kanyang patuloy na katipiran, parami nang parami ang kanyang mga ari-arian. Sa kabila ng kanyang pagyaman, hindi niya nalimutang maging mapagbigay at matulungin sa mga kapus-palad. Mapagpasalamat siya sa Diyos dahil sa marami niyang pagpapala. Lagi akong naghihilot sa lola ko, at lagi kong nakikitang mayroon siyang inampong matandang babae mula sa Old People’s Home. Isang buwan o mahigit niyang inaalagaan at kinukupkop ang matandang babae na abandonado ng kanyang sariling mga anak. Naging kasama at kausap ng lola ko ang matandang ito.
Paglipas ng ilang buwan, isinauli niya ang matanda sa Old People’s homes, at may bago naman siyang matandang aarugain. Naging kaugalian din ng lola ko na dalhin ang kanyang sasakyang dyip na minamaneho ng kanyang tsuper at nagpupunta sila sa bahay-ampunan ng mga matatanda, isinasakay niya sa dyip niya ang lahat nang magkakasya, dinadala niya sa Luneta para manood ng “Concert in the Park,” at pagkatapos ay dinadala niya sa isang restaurant at pinapakain niya. Pagdating ng kinagabihan, isinasauli niya ang mga matatanda sa kanilang bahay-ampunan.
Habang patuloy na nagbibigay at tumutulong ang lola ko, parang lalo naman siyang pinagpapala at pinayaman ng Diyos. Tama talaga ang itinuro ni Haring Solomon: “Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.” (Kawikaan 11:24)
Nang nasa hustong gulang na ako, nagkatrabaho at kumita, gusto kong gayahin ang estilo ng lola ko. Gusto ko ring maging mapagbigay. Nagsimula ako ng isang Bible Study group sa lugar ng informal sector sa barangay Old Balara. Ang samahan naming ito ay pinagpala ng Diyos, at lumaki at naging isang ganap na simbahan. Pawang mga mahihirap ang mga kasapi ng aming samahan. Dito ko ibinuhos ang aking pagtulong pinansiyal sa mga mahihirap. May maraming miyembro ang nagnais na maglingkod sa Diyos bilang pastor o misyonero.
Binibigyan ko sila ng financial support para matupad nila ang kanilang misyon para sa Panginoon. Napansin ko na habang patuloy akong tumutulong sa mga mahihirap ay lalo namang dumami ang pagpapala ko galing sa Diyos. Mula sa pagiging isang mababang empleyado, nataas ako sa puwesto at naging guro ng Unibersidad at lumaki ang aking suweldo.
Pagkatapos, ipinadala ako sa Australia at sa the Netherlands para magtapos ng aking Master’s degree. Tumanggap ako ng allowance mula sa Dutch government, patuloy na naipon ang suweldo ko sa Unibersidad sa loob ng mahigit isang taon habang ako ay nag-aaral sa Europa, at ang aking tirahang BLISS unit ay pinaupahan ko sa isang pamilya at natipon ang renta sa loob ng isang taon.
Pagbalik ko sa Pilipinas, ang laki-laki ng aking ipon. Nakabili ako ng lote at ang pinakauna kong kotse. Sinabi ng kuya ko sa akin, “Kaya ka pinagpapala ng Diyos ay dahil sa iyong pagtulong sa mga mahihirap.” Napatunayan ko sa buhay ko na totoo ang turo ni Haring Solomon. “Ang taong mapagbigay, pinagpapala ang buhay.” Para sa akin, malaking ebidensiya ito na mayroon talagang Diyos na nagmamasid sa gawain ng sangkatauhan. Pinagpapala Niya ang gumaganap ng Kanyang kalooban.
Ang kabaligtaran ay totoo rin. Ang taong makasarili at hindi marunong tumulong ay lalong naghihirap. Ang ugali ng ilang tao ay tulad ng salawikaing Pilipino, “Batas ng embudo ang nais ipatupad; madali ang papasok, palabas ay mahirap.” Mayroon akong isang tiyo na lumaking masyadong spoiled sa magulang. Pinag-aral siya ng abogasya sa Ateneo University. Inabot siya ng maraming taon para matapos at ilang ulit kumuha ng Bar Exam para pumasa. Hindi siya nagpraktis ng kanyang pinag-aralan. Dahil maluho sa buhay, pinagka-interesan niya ang ari-arian ng aming angkan. Kinausap niya ang mga pinsan niya at kinumbinsi na magkaisa silang paghati-hatian ang mga ari-ariang minana mula sa mga ninuno. Nagtagumpay siya sa kanyang plano. Nakuha niya ang 1/5 ng lahat ng ari-arian. Bigla siyang naging mayaman nang hindi naman pinaghirapan. Wala siyang kontribusyon para makuha at mapalaki ang mga ari-ariang iyon. Nagbuhay mayaman siya. Ginamit niya ang marami niyang pera para magbarkada, magsugal at mambabae. Iniwan si
ya ng kanyang asawa at mga anak dahil hindi matiis ang kanyang masamang ugali. Dahil wala naman siyang kahit anong husay sa pagnenegosyo, lahat ng proyektong sinimulan niya ay pumalpak. Unti-unting naubos ang kanyang pera. Ang natira niyang ari-arian ay ipinagbili sa gobyerno.
Nang tumanda na siya, naubos nang lahat ang kanyang pera. Naging para siyang pulubi na umasa na lamang sa awa ng kanyang mga kamag-anak hanggang siya ay mamatay. “Naghihirap ang tikom na mga kamay.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)