TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING USURERO

“ANG nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo, ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.” (Kawikaan 28:8)

Ang turo ng Bibliya, ang Diyos ay napopoot sa mga taong malupit sa kapwa-tao, subalit natutuwa siya sa mga taong mahabagin at matulungin. Ang isang usong-usong estilo ng pagpapayaman ngayon ay ang panloloko (swindling, scamming) at pagpapautang ng may malaking tubo. Bakit nagkakaganito ang mga tao sa modernong panahon? Ito ay dahil nagbabala si Apostol Pablo na sa mga huling araw, magiging batbat ng hirap ang mundo dahil ang mga tao ay magiging mapagmahal sa pera (Tingnan sa 2 Timoteo 3:1-2). Magiging “mukhang pera” ang maraming tao. Tila sasamba sila sa kayamanan.

Ang turo ni Jesus, hindi puwedeng maglingkod ang sinuman sa Diyos at sa pera sapagkat mamahalin niya ang isa at kamumuhian ang pangalawa (Mateo 6:24). Kung magmamahal ka sa pera, mamumuhi ka sa Diyos. Sa panahon ngayon, ang maraming tao ay nagmamahal sa pera, kaya namumuhi sa Diyos. Usong-uso ngayon ang pang-iinsulto sa mga nananampalataya sa Diyos. Sikat ngayon ang panlalait at paglalapastangan sa Maykapal. Dahil nawala na ang takot at pagmamahal ng maraming tao sa Diyos, kaya naging mapagmahal sila sa kayamanan. Dahil sa paghahangad na yumaman sa madali at mabilis na paraan, ayaw na ng marami na magpayaman sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Ang gusto nilang gamitin ay mga “short cut.” Isa rito ay ang pagpasok sa negosyong pagpapautang.

Sa totoo lang, matagal nang negosyo ang pagpapautang. Iyan ang hanapbuhay ng mga bangko mula pa sa unang panahon. Iyon nga lang, medyo matagal at mahaba ang proseso ng pag-utang sa bangko. Humihingi sila sa mga umuutang ng maraming dokumento at kolateral para makasigurong kung hindi makakabayad ang umutang sa taning na panahon, may maiilit ang bangko na ari-arian mula sa umutang.

Maraming tao ay walang karunungan sa kaperahan. Kasabay nito ay ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Dahil dito, laging kinukulang sa pera ang marami. Para manatili silang buhay, kailangan nilang umutang. Subalit nasimot na ang kanilang mga ari-arian kaya hindi na sila makahiram sa mga bangko. Naghahanap sila ng mga mauutangang hindi humihingi ng kolateral. Dito pumapasok ang mga usurero. Kaya sa panahon ngayon, ang daming nag-uusbungang mga negosyong pautang. May ilang nagnenegosyo ng ganito na gahaman sa pera; nagpapahiram sila na humihingi ng napakalaking tubo.

Tinatawag silang loan shark (buwaya) o “5:6”. ‘Pag uutang ka ng limang piso, dapat bayaran mo ng anim na piso sa susunod na buwan. Ito ay 20% interes kada buwan o 240% kada taon. May mga taong “kapit sa patalim” ang kumakagat sa alok na ganito.

Dahil pahirap nang pahirap ang buhay, tila kumokaunti na lang ang mga taong mahabagin sa kapwa. Bihira na lang ang mga taong nagpapahiram nang walang tubo. Ang turo ng Aklat ng Deuteronomio 15:3-4, kung magpapautang ka sa isang dukha o sa kapatid na mananampalataya sa Diyos, dapat ay magpahiram ka ng walang interes. Para sa Diyos, ang pagpapautang sa mahihirap ay isang gawain ng kahabagan, hindi negosyo. Ang Diyos ang bahalang maggantimpala.

May kilala akong pastor na may limang anak. Tinuruan niya ang buo niyang pamilya na maglingkod sa simbahang Kristiyano. Dahil sa katipiran, nakabili siya ng ilang lote. Ang isang lote ay ibinigay niya sa simbahang pinagpastoran at pinatayuan pa niya ng gusaling simbahan. Iniutos niya sa mga anak niya na pag mamamatay na siya, dapat ay huwag nilang pakikialaman ang loteng may gusaling simbahan, dahil para sa Diyos iyon. Subalit nang mamatay na siya, isa lamang sa kanyang limang anak ang nagtapat sa kanyang habilin – ang bunsong anak na babae. Ang apat na nakatatandang anak ay tila nag-backslide (nagbalik sa buhay- makasalanan). Namuno ang panganay sa pagsasabwatan na bawiin ang loteng may simbahan, ibenta, at pagbahaginan ang perang kikitain. Hindi pumayag ang bunsong anak. Kaya hinati ang lote sa limang parte at ibinenta ang apat na parte. Isang maliit na parte na lamang ang natira sa simbahan. Pati ang gusaling simbahan ay hinati rin, kaya naging napakaliit na lamang ng simbahan.

Ang panganay na anak na lalaki ay may-ari ng isang pawnshop. Nagpapautang siya sa mga mahihirap na may malaking tubo. Kahit magmakaawa ang ilang dukhang umutang na bigyan pa sila ng palugit para makabayad at huwag mailit ang kanilang ari-ariang isinanla, ayaw pumayag ng kuya. Matigas ang puso niya. Isang araw, pinasok ng isang magnanakaw ang pawnshop. Naroroon ang kuya, at para mapigilan ang pagnanakaw, nakipagbarilan siya. May baril din ang magnanakaw.

Ang isang balang lumipad ay tumalbog sa pader at tumama sa ulo ng kuya. Nakatakas ang magnanakaw. Itinakbo sa ospital ang kuya. Kailangang operahan siya para matanggal ang balang pumasok sa loob ng kanyang utak. Napakalaking pera ang kailangang bayaran. Inuwi siya sa bahay at doon na lamang inalagaan ng asawa’t anak. Naging baldado siya; naging parang gulay. Naubos ang pera ng pamilya. Para mapagpatuloy ang pagpapagamot sa kanya, naisipan ng pamilya na ibenta na lang ang pawnshop sa bunsong kapatid na babae. Natupad ang turo ni Haring Solomon. Ang kuya na nagpalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na pagpapatubo ay namatay at ang kanyang ari-arian ay napunta sa bunsong kapatid na mabait sa simbahan at sa mga dukha.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)