“HUWAG mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.” (Kawikaan 22:22-23)
Ang isa sa mga pinakanaaabusong manggagawa sa ating bansa ay ang mga katulong sa bahay. Mayroon ding ilang katulong na nang-aabuso ng kanilang amo. Isa diyan ay isang babaeng nagngangalang Rose Boyco. Inirekomenda siya ng aming kapitbahay. Naawa kami sa kanya, kaya tinanggap namin siya bilang kasambahay. Nagdala siya ng isang bag na sabi nya ay doon nakalagay ang ilan niyang damit at gamit. Binigyan namin siya ng sariling kuwarto para tulugan.
Nagmagandang loob ako sa kanya; ipinakilala ko siya sa lahat kong mga anak. Nagtrabaho lang siya sa amin ng tatlong araw. Sa ikatlong araw, bigla na lang siyang nawala at tinangay niya ang ilang gamit namin sa bahay, kasama na ang bagong cellphone ng aking anak. Pina-blotter namin siya sa kapulisan; subalit dahil wala akong litrato niya, walang nangyari para maibalik ang nanakaw sa amin. Isang halimbawa ito ng mahirap na nang-abuso. Pero bihira marahil mangyari ang kasong ganito. Mas madalas marahil mangyari na ang mga katulong ang inaapi ng amo.
Milyon-milyong mga manggagawang Pilipino ay lumilikas sa Pilipinas para matakasan ang problema ng mababang suweldo, kawalan ng trabaho at kakulangan ng oportunidad, para makapagtrabaho sa ibang bansa. Kasama rito ang mga Pilipinong nagtatrabaho bilang kasambahay. Malaki ang naitutulong ng mga ipinadadala nilang pera (tinatawag na remittances) sa ekonomiya ng Pilipinas. Subalit humaharap sila sa maraming mahihirap at delikadong kondisyon.
Maraming ulat ang lumalabas ukol sa pisikal na pananakit at sikolohikal na pang-aabuso mula sa mga dayuhang amo. Ang ilang katulong sa Hongkong ay ikinukulong sa mga apartment ng ilang linggo at halos mabaliw ang katulong sa kalungkutan. May ilang kaso pa nga na tumatalon mula sa bintana ang mga katulong at namamatay.
May mga kuwento ng mga katulong sa mga Arabong bansa na ginagahasa at pinapatay. Ang malungkot na kuwento ay kung among Pilipino ang nang- aabuso sa kapwa-Pilipino.
Isa sa naging kilalang-kilalang kaso ay ang pang-aabuso ng isang Pilipinong ambassador sa Brazil na nag-empleyo ng isang katulong na Pilipina. Ang tungkulin ng ambassador ay ang mangasiwa sa mga misyon sa mga bansa ng Colombia, Guyana, Suriname at Venezuela. Ang katulong ay nagsilbi sa opisyal na tahanan ng ambassador sa lungsod ng Brasilia, ang kabisera ng bansang Brazil.
Nakunan ng video ng GloboNews Channel ng Brazil ang paulit-ulit na pananakit sa katulong sa loob ng walong buwan. Ginamit ang mga video bilang ebidensiya sa reklamo na isinampa ng Brazil sa gobeyrno ng Pilipinas.
Ipinatawag ng pamahalaan ang ambassador. Nang makita ni Presidente Duterte ang mga video, tinanggal niya sa trabaho ang ambassador. Kasama sa parusa sa ambassador ay ang pagtanggal ng kanyang pensiyon na tatanggapin sana mula sa gobyerno ng Pilipinas at hindi na siya pinayagang magkaroon pang muli ng trabaho sa pamahalaan.
Ayon sa isang kakilala kong abogado na kamag-anak ng isang popular na pinuno ng Kongreso ng Pilipinas, yumaman ang opisyal sa pamamagitan ng land-grabbing o pang-aagaw ng lupa mula sa ilang mahihirap na Pilipino.
Nagkaroon siya ng napakaraming subdivision, malls at iba pang ari-arian sa buong Pilipinas. Ang modus operandi ng kanyang kompanya ay ang paggawa ng pekeng titulo ng lupa na gusto niyang kamkamin. Paaalisin ng mga abogado niya ang tunay na may-ari ng lupa.
Pag nagpakita ang may-ari ng sariling titulo, sinasampahan nila ng kaso at kakalabanin sa korte. Dahil sa yaman at impluwensiya ng malaking kompanya, natatalo sa kaso ang mga maliliit na may-ari, at matagumpay na naaagaw ng mayaman ang lupa. Tumakbo ang mayamang opisyal para sa mas mataas na posisyon sa ating bansa. Noong panahon ng kampanya, gumasta ng bilyon-bilyong pera ang opisyal. Umutang pa siya ng malaking pera para idagdag sa kanyang pangangampanya. Katunayan, sinampahan siya ng kaso ng Comelec dahil sa “over-spending;” lampas- lampas sa pinahihintulot na campaign budget ang ginastos niya.
Nang matapos ang halalan, natalo siya. Nauwi sa wala ang sandamukal na perang kanyang ginasta. Sa palagay ko, parusa ng Diyos ang pagkatalo niya at pagkawala ng pera dahil sa maraming mahihirap na kanyang naapi.
Ang mahihirap ay mahihina dahil sa kawalan nila ng pera at impluwensiya sa lipunan. Binabalaan ng Diyos ang mga mayayaman na huwag mang- aapi sa mga maralita. Kinakampihan ng Panginoon ang mga mahihirap laban sa mga mapang-abusong mayaman. Dahil sa walang kakayahan ang mga mahihirap na magtanggol sa sarili, ang sabi ni Haring Solomon, ang mahabaging Diyos ay ang magtatanggol sa kanila.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)