“SA paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka; kaya lahat ay makukuha kung may pansuhol ka.” (Kawikaan 17:8)
Kung tayo ay nasa posisyon ng isang hukom, pinuno o tagapangasiwa, mag-ingat tayong dapat ay walang kinikilingan ang ating mga desisyon. Dapat na pakinggan natin ang lahat ng panig, pagkatapos ay gantimpalaan natin ang mga gumagawa ng mabuti at parusahan ang mga gumagawa ng masama. Mag-ingat tayong huwag tumanggap ng suhol dahil ito ay nakasisira sa wastong kapasyahan.
Nakakabulag ang suhol, kaya tuloy, napapalaya ang mga may sala, at naaapi ang mga walang sala. Sa ganitong sitwasyon, kinakampihan nating mga mayayamang may kakayahang magbigay ng pera, at inaagrabyado natin ang mga mahihirap na walang pambayad. Galit ang Diyos sa pagbabaluktot ng katarungan. Parurusahan niya ang mga opisyal, pati ang buong bansa, na talamak ang kaugaliang pagtanggap ng suhol. Sabi ng Diyos, “Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. (Deuteronomio 16:19) Hindi naman lahat ng tao sa gobyerno ng Pilipinas ay korap, subalit talagang may ilan sa ating pamahalaan ang tumatanggap ng suhol.
Dahilan ito kung bakit magulo at mahirap ang ating bansa. May sumpa ng Diyos sa bansang gumagawa ng masama.
Mayroon akong masakit na karanasan tungkol sa mga taong humihingi ng suhol bago magbigay ng serbisyong dapat nilang ibigay. Halimbawa, dati akong nakatira sa isang BLISS unit ng gobyerno. Ang pangarap ko ay magkaroon ng sariling bahay at lupa para mabigyan ko ang aking pamilya ng marangal at ligtas na pamumuhay. Sa pagtitipid namin ni misis, nakabili kami ng lote noong 1987. Nagtipid at nag- ipon na naman kami. Noong 1989, gusto ko nang magtayo ng sariling bahay. Nagpagawa ako ng plano sa isang arkitekto. Kailangan kong iparehistro sa Quezon City Hall ang plano ng bahay ko para mabigyan ako ng building permit. Pumunta ako sa kinauukulang opisina at itinuro nila ako sa isang taong nagngangalang “Django.” Siya pala ang pinuno ng isang sindikatong kumikilos sa opisinang iyon.
Ayaw niyang makipag-usap sa akin sa opisina niya; ang gusto niya ay sa opisina ko sa unibersidad kami magkita.
Nang dumating siya, may kasama pa siyang bodyguard. Ibinigay ko ang lahat ng papeles at dokumentong kailangan para maproseso ang aking building permit. Subalit tahasang sinabi ni Django na dapat daw ay magbigay ako ng malaking suhol para malakad ang aking papeles. Nang humingi ako ng resibo, sinabi niyang wala siyang ibibigay na resibo. Ang sabi ko sa kanya, gusto kong legal at ayon sa batas ang aking aplikasyon at handa akong magbayad ng anumang halagang hihingin ng gobyerno na magbibigay sa akin ng resibo. Nang marinig niya ito, sinabi niyang hindi niya lalakarin ang aking aplikasyon at sa ibang tao na lang daw ako kumausap. Subalit wala namang ibang taong puwede kong kausapin dahil lahat ng tao sa opisina niya ay itinuturo ako sa kanya. Labis ang pagkadismaya ko dahil sa korupsiyon ng gobyerno natin noong panahong iyon. Nagpapakabuting mamamayan ako ng bansa natin subalit pahihirapan ako ng ganoon? Naisip kong kung ganoon pala kahirap at karumi ang proseso sa pagpapatayo ng bahay, mas mabuti palang mag-iskuwater na lang ako o kaya ay magtayo ng bahay nang patago. Heto nga akong gustong magtayo ng disenteng bahay para mabigyan ng dangal ang aking mahal na pamilya, tapos ay pahihirapan ako ng gobyerno.
Ikalawang kuwento: nang kailangan kong ipakalkula ang dapat kong bayarang annual real estate tax, may taong gobyerno ang bumisita sa aking bahay. Sinabi niyang dapat daw akong magbayad ng P20,000 kada taon. Nang tanungin kong bakit ganoon kalaki, ang sinabi niya puwede raw niyang paliitin iyon kung magbibigay ako ng suhol.
Nang sabihin kong ayaw kong magbigay ng suhol dahil Kristiyano ako, sinabi niya, “kung gayon ay bayaran mo ang malaking halagang P20,000 kada taon.” Kaya bawat taon, kinakargo ko ang mabigat ng halagang iyon.
Pangatlong kuwento: Dapat akong magbayad ng aking income tax sa BIR. Kaya pumunta ako sa opisinang iyon para magbayad. Sinabi ng empleyado ng BIR sa akin, kailangan kong magbayad ng malaking halagang buwis, pero puwede raw niyang gawing kalahati lang ang babayaran kung magbibigay ako sa kanya ng suhol. Nang ayaw kong magbigay, tinawanan at ininsulto niya ako, “Kung gusto mong magpaka-honest, e di magbayad ka ng malaking buwis.” Sinabi niya ito sa akin nang walang kahihiyan sa harapan mismo ng rebulto ng Santo Niño na nasa ibabaw ng kanyang lamesa. Naniniwala siya sa Diyos pero sa harap ng Diyos niya, hindi siya nahihiyang magnakaw o magsinungaling.
Ito ang masaklap sa ating lipunan, kung gusto mong gumawa ng mabuti, napaparusahan ka; kung gusto mong gumawa ng masama, nagagantimpalaan ka. Hindi kataka-taka kung bakit hindi pagpapala ang ibinibigay ng Diyos sa ating bansa, kundi ay pagpapalo. Sinisisi ko ang mga pinuno ng ating pamahalaan kung bakit hindi nila malinis-linis ang gobyerno at bakit hindi tinatanggal sa puwesto ang mga korap ng opisyal. Mabuti na lang na may pailan-ilang anti-corruption programs ang gobyerno para matuwid ang mga mali. Ang turo ni Haring Solomon, para yumaman ang ating bayan, ang suhol ay tanggihan.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)