“Kay Yahweh ay pareho ang mayama’t mahirap, pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.” (Kawikaan 22:2)
May mabuting layunin ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang sabi ng Westminster Confession of Faith, “Man’s chief end is to glorify God and to enjoy Him forever. (Ang pangunahing layunin ng tao ay ang luwalhatiin ang Diyos at kagiliwan Siya nang walang hanggan). May dahilan kung bakit mayroong ginagawang mayaman at mahirap. At hindi komo mayaman ay lagi nang mayaman; at hindi komo mahirap ay lagi nang mahirap. Madalas na ang mayamang naging palalo ay ibinababa ng Diyos; at ang mahirap na nagpapakumbaba ay Kanyang itinataas.
Ang layunin ng Diyos kung bakit mayroon Siyang pinayayaman ay upang ang mayayaman ay magpala sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho o tulong. At ang dahilan naman kung bakit mayroon Siyang ginagawang mahirap ay upang turuan ang tao ng pagpapakumbaba at pagtitiwala sa Diyos.
Madalas din na mayroong pag-ikot (cycle) na pinapairal ang Diyos sa buhay ng ilang tao – nagsisimula muna sa pagiging mahirap; pagkatapos ay yumayaman; at kung magiging palalo ay bumabalik muli sa pagiging mahirap. Ang isang halimbawa nito ay ang pangyayari sa bayang Israel.
Dating mga alipin sila sa Ehipto; apat na raang taon silang inapi roon. Nang umiyak at humingi ng saklolo ang mga Israelita sa Diyos, ipinadala ng Panginoon si Moises. Iniahon sila mula sa pagkaalipin at ipinasok sa pinangakong lupa, ang lupain ng Canaan, isang lugar kung saan “dumadaloy ang gatas at pulot.”
Subalit nang yumaman na ang bayang Israel, nakalimot sila sa Diyos, naging palalo, at sumamba sa mga diyos- diyosan. Pinarusahan sila ng Diyos; ipinadala sa kanila ang mga kaaway na bansa upang sakupin, hiyain at alipinin.
Naghirap at nagdusa sila. Nang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan, pinatawad sila ng Diyos, at nagpadala ng bagong tagapagligtas upang talunin at palayasin ang mga nanakop na kaaway. Kaya, batay sa kuwento ng bansang Israel, malinaw na sa Diyos nagmumula ang pagyaman at pagdalita. Naluluwalhati ang Diyos sa kapwa pagyaman at paghirap ng kanyang mga minamahal na anak. Ang pagyaman ng tao ay nagbibigay luwalhati sa Diyos dahil sa Kanyang pagmamahal at pag-aaruga.
Ang paghihirap naman ay nagbibigay ng luwalhati sa Diyos dahil sa Kanyang katarungan at pagdidisiplina. Ang Panginoon ay gaya ng isang amang nagmamahal at nagdidisiplina. Ang pagdidisiplina ay tanda rin ng pagmamahal.
May mga kakilala akong taong dumanas ng pag-ikot ng pagyaman at paghirap at pagbalik sa pagyaman. Ang isa riyan ay ang aking butihing asawa. Taga-probinsya ng Agusan siya. Ang tatay niya ay naging logging superintendent ng isang malaking kmpanya ng pagtotroso. Dahil isang hepe siya ng negosyo, binigyan ng kompanya ang pamilya niya ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. May sarili silang telepono, koryente at tubig, libre lahat. Sa unang palapag, may negosyong tindahan ang nanay niyang naging malakas ang kita.
Ang mga empleyado ng kompanya ay bumili sa tindahan at “automatic salary deduction” ang bayad. Lumaki ang kita nila at nakabili sila ng maraming lupang sakahan. Hatid-sundo sila ng school bus para dalhin sa paaralan. Ang pakiramdam ng misis ko noong panahong iyon ay mayaman sila.
Araw-araw ay nakasapatos siya samantalang ang kanyang mga kamag-aral ay nakatsinelas lang o nakapaa. Subalit ang may-ari ng negosyo ay sumali sa politika at natalo bilang gobernador. Biglang humina ang negosyo. Naging kalaban ni Presidente Marcos ang may-ari at nagpasa ng batas ang gobyernong ipinagbabawal na ang logging. Di nagtagal, nagsara ang kompanya at nawalan ng trabaho ang maraming tao, kasama na ang ama ng aking misis.
Lumipat ang misis ko sa Maynila para mag-aral ng kolehiyo.
Walang-wala na silang pera. Ibinenta ng nanay niya ang ilang lupaing sakahan nila para matustusan ang pag-aaral ng misis ko at anim pang kapatid. Isang beses sa isang araw na lang kung kumain ang misis ko, at madalas ay hopia at chocovim lang. Pumayat siyang labis at nagkaroon ng ulcer. Nagbenta siya ng mga lumang diyaryong hiningi niya sa kapit-bahay para magkaroon ng perang pamasahe sa paaralan.
Ginawa niya ang mga projects ng ilang mayayamang kaklase para magkaroon siya ng perang pambili ng pagkain o pandagdag sa matrikula. Apat na taong nagtiis ng hirap at gutom ang misis ko. Panay ang dalangin niya sa Diyos.
Sa wakas, nagtapos siya ng kolehiyo at nakapagtrabaho sa isang opisina sa Unibersidad ng Pilipinas bilang Research Assistant. Dahil sa talino at sipag, dumami ang mga proyekto niya. Bukod sa suweldo ay kumita pa siya ng maraming honoraria (pabuyang bayad). Siya ang nagpaaral sa ibang kapatid niya.
Samantala, nag-taxi driver ang tatay niya sa Maynila; pagkatapos ay naging mekaniko sa USIPHIL. Nang mangailangan ng mekaniko sa Saudi Arabia, nagtrabaho roon ang ama. Dito unti-unting
nakabangon ang pamilya ng misis ko. Nakapagtapos ng pag-aaral ang lahat ng magkakapatid, nakabili sila ng bahay at lupa sa Maynila, at ngayon ay apat na kapatid ay may magandang buhay sa Estados Unidos, at ang isa pang kapatid ay nagtrabaho sa Saudi Arabia. Ang misis ko at isa pang kapatid ay nanatili sa Pilipinas at mayroon ding maginhawang buhay. Kaya, huwag tayong manghuhusga sa kapwa. Ang mayaman ay pinayaman ng Diyos para tumulong sa kapwa. Ang mahirap ay pinahirap panandalian ng Diyos para magpakumbaba at magtiwala sa Diyos.
“Kay Yahweh ay pareho ang mayama’t mahirap, pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)