“SIYANG nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay; ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.” (Kawikaan 28:19)
May tatlong kinikilalang patriarka (mga ama) sa Lumang Tipan ng Bibliya. Ang una ay si Abraham. Ang ikalawa ay si Isaac. Ang ikatlo ay si Jacob. Mananampalataya sila sa tunay na Diyos na lumikha ng langit at lupa. Ang mga nakapalibot sa kanilang bansa ay mga pagano – sumasamba sa araw, buwan, bituin, at sa mga diyos-diyosang gawa sa ginto, pilak, tanso, bato at kahoy. Dahil sa pananampalataya ng tatlong patriarka, pinagpala sila ng Maykapal. Paano silang yumaman? Sa pamamagitan ng gawaing agrikultura.
Kayang-kayang payamanin ng pagsasaka ang mga tao dahil umiiral dito ang Batas ng Pagpaparami na mula sa karunungan ng Diyos. Si Abraham ay nag-alaga ng mga baka at tupa. Si Isaac ay nagbungkal ng lupa. Si Jacob naman ay nasa trabahong animal husbandry – ang pagpili at pagpaparami ng mga hayop na may mataas na uri ng lahi.
Ibinigay ng Diyos sa kanilang salin-lahi ang Lupain ng Canaan na tinatawag ding “Pinangakong Lupa.” Nang mamatay si Abraham, at si Isaac na ang pinuno ng angkan, nagkaroon ng matinding tagtuyot sa lupain. Para manatili silang buhay, nakipanirahan sila sa lupain ng mga Filistino. Pinayagan naman sila ni Haring Abimelek. Ang ginawa ni Isaac ay nagtanim ng mga pananim gaya ng trigo (wheat) at barley.
Sa loob ng isang taon, umani siya ng maka-sandaang beses dahil pinagpala siya ng Diyos. Naging ubod nang yaman si Isaac. Dumami rin ang kanyang mga kawan ng tupa at baka. Nagkaroon din siya ng napakaraming tagapaglingkod. Naging mas mayaman pa siya kaysa sa mga Filistinong may-ari ng lupa. Kinatakutan at kinainggitan siya ng kanyang mga kapitbahay. Dahil sa inggit, sinabotahe nila ang hanap-buhay ni Isaac. Tinabunan nila ng lupa ang mga balon na hinukay ng mga tauhan ni Isaac para walang maiinom ang mga hayupan niya. Naghukay si Isaac ng ibang balon, subalit inangkin din ng mga Filistino o kaya ay tinabunang muli ng lupa.
Dahil sa takot sa kanya, nilapitan ni Haring Abimelek si Isaac at pinalayas, na sinabi, “Umalis ka na dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.” Pinayaman ng pagbubungkal ng lupa si Isaac.Sa ngayon, nakatira ako sa Mindanao. Isa sa aming kapitbahay ay dating mahirap na babae. High School lang ang tinapos niya. Natutunan niya sa nanay ng misis ko ang halaga ng pagbibili ng lupa at pagtatanim. Namasukan muna siya bilang katulong, at pagkatapos ay sa isang opisina. Nagtipid siya. Inipon niya ang halos lahat ng kanyang sinuweldo. Dati noon, murang-mura lang ang lupa sa probinsiya. Bumili siya ng lupa at tinamnan ng mga punong falcata. Paglipas ng pitong taon, inani niya ang mga punong kahoy at ipinagbili sa mga pabrikang gumagawa ng mga plywood. Ang kanyang kinita ay pinambili ng mas marami pang murang lupa. Tinamnan niya ng punong falcata, goma, gemelina, at iba pa. Pagbenta ng ani, bumili na naman ng lupa at nagtanim. Palawak nang palawak ang kanyang lupain at palaki nang palaki ang kanyang kita. Sa ngayon mayroon na siyang higit sa isang daang ektarya ng lupa at nagbibigay ng trabaho sa maraming manggagawa. Ngayon, isa siya sa pinakamayaman sa aming barangay.
Tama si Solomon, “Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay.”
Samantala, napakaraming tao ay tamad at ayaw magbanat ng buto. Gusto nilang yumanan sa biglaan at walang kabuluhang paraan. Isa sa pinaka- popular na hangal na paraan ng pagyaman sa ating bayan ay ang paghanap sa tinatawag na “Yamashita Treasure.” May mga manlolokong taong pinagkakakitaan ang kamangmangan ng ilang Pilipino. Ipinapakita nilang mayroon silang mapa ng Yamashita treasure at sinisilaw nila ang mga potensiyal na mamumuhunan sa malaking kayamanang maaangkin pag nahanap ang treasure. Noong nasa Ilocos ako, may kasabihang naroroon daw ang Yamashita treasure. Noong nasa Tuguegarao ako, sinabi nilang naroroon daw. Nang pumunta ako sa Mindoro, may nagtitinda sa akin ng kanyang lupa dahil nabaon siya sa utang nang ibuhos niya ang lahat ng pera niya sa paghahanap ng treasure. Ngayon naman dito sa farm ko sa Mindanao, may lumapit sa akin at nagsabing, “Sir, alam niyo bang ang Yamashita Treasure ay naririto sa lupa niyo?” Sinabi ko sa kanya, “Hindi ako naniniwala riyan. Alam mo bang kahit saan sa Pilipinas, sinasabing naroroon ang Yamashita treasure?” Tumahimik na siya.
Ang tiya ng misis ko ay nakatira sa Cagayan de Oro. Ang asawang lalaki ay nagtrabaho sa Saudi Arabia ng maraming taon para mabigyan ang pamilya niya ng mabuting buhay. Bumili siya ng lote sa isang magandang subdivision at pinatayuan ng malaking bahay na may dalawang palapag. Nang mamatay siya, ang asawang babae ay nilapitan ng ilang tao at kinumbinsing mamuhunan para mahukay ang Yamashita Treasure sa isang lugar sa Cagayan de Oro. Nasilaw sa pera ang tiya at ibinuhos niya ang lahat ng ipon sa walang kabuluhang gawaing iyon. Nang maubos na ang pera, lumapit uli ang mga manloloko para sabihing malapit nang makuha ang treasure subalit kailangan pa ng mas maraming pera. Isinanla ng tiya ang bahay at lupa niya para mamuhunang muli. Binalaan siya ng kanyang tatlong anak na niloloko lang siya ng mga masasamang taong iyon, subalit hindi siya nakinig.
Naubos ang ari-arian nila. Inilit ng bangko ang bahay at lupa. Nang sa wakas ay napagtanto ng ina na naloko siya at nawala na ang tirahan nila, inatake siya sa puso at namatay. Ang mga kawawang anak ay naging lubos na mahirap. Totoo ang sinabi ni Haring Solomon, “Siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)