“SIYA na may galanteng mata ay pagpapalain; sapagkat nagbibigay siya sa mga maralita ng kanyang pagkain.” (Kawikaan 22:9)
Ang unang trabaho ko pagkatapos ng kolehiyo ay sa isang opisina sa Unibersidad ng Pilipinas. Tatlo kaming magkakaibigan doon na nagpasimula ng pag-aaral ng Bibliya sa aming mga ka-opisina. Ang dalawa kong kaibigan ay ang taga-imbita; at ako naman ang tagapagturo. Nag-aral ako sa Bible School subalit hindi ko natapos dahil naubos ang pera kong pangmatrikula at hindi nagbigay ang aking ama dahil hindi siya boto sa aking pag-aaral sa seminaryo. Lumaki nang lumaki ang aming grupo at maraming mga empleyado ang sumama. Pinagpala sila at marami sa kanila ang tumanggap sa Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas.
Isa sa mga sumali ay si Judy (hindi tunay na pangalan). Si Judy ay hindi popular na empleyado dahil masyado siyang matapang, palaban, at palingkera. Masasabing masama ang ugali niya. Makasarili siya at walang paggalang sa damdamin ng ibang tao. Sarili niyang kapakanan lang ang iniisip niya. Pag mayroon kaming international participants na uma-attend ng aming mga programa, hindi niya sinasanto sila; inaaway niya, sinisinghalan, at pinapahiya. Nasisira ang reputasyon ng aming opisina dahil sa kanya. Ang tingin ng mga international participants ay mga walang modo at walang mabuting pakikiharap sa customer ang mga Pilipino.
Subalit dahil sa kanyang pagsali sa aming Bible Study group, nakilala niya ang Panginoong Jesus. Hindi agad-agad ang pagbabago ng kanyang ugali, subalit dahan-dahang nabawasan ang kanyang pagiging makasarili at palaaway. Nanatili pa rin ang kanyang pagiging tampuhin at maramdamin. Nalaman kong marami pala siyang dala-dalang problema sa buhay. Hindi siya kasal sa lalaking sinasamahan niya; at ang lalaking ito ay may anak sa ibang babae – sa unang asawang hiniwalayan. Nahirapan si Judy na tanggapin ang kanyang step-daughter. Pinagselosan niya ito at hindi trinatong anak. Ito ang laging pinag-aawayan nila ng kanyang mister.
Di nagtagal, nagbitiw si Judy ng trabaho sa aming opisina at hindi na nakadalo sa aming Bible Study, subalit ang kapitbahay nila sa kanilang subdivision ay naging isang Kristiyanong simbahan. Nagpatuloy si Judy sa pag-aaral ng katuruan ng Bibliya; at unti-unting nagbago ang buhay niya. Natutunan niyang patawarin ang kanyang asawa at mahalin ang kanyang stepdaughter. Nagkaroon sila ng mister niya ng apat pang mga anak. Naging tunay na Kristiyano ang buo nilang pamilya. Ang isa sa pinakamalaking pagbabago sa ugali ni Judy ay nawala ang kanyang pagiging makasarili; sa halip, naging labis siyang mapagbigay dahil tumaas ang pananampalataya niya sa kapangyarihan ng Panginoon.
Nahirapan ang pamilya ni Judy na kumita nang sapat para mabuhay ang malaki nilang pamilya. Naisipan nilang maglakas ng loob at makipagsapalaran sa bansang Australia. Nang aprubado na ang paglipat nila sa Australia, ipinamigay nila sa mga mahihirap na miyembro ng simbahan ang marami nilang ari-arian. Ang pinakamabigat nilang ginawa ay ang ipamigay ang kanilang bahay at lupa sa simbahan. Bilang kapalit, ipinanalangin sila ng buong simbahan na huwag sana sila pababayaan ng Panginoon sa Australia. Ipinagdasal sila na kung paanong ipinamigay ni Josie ang bahay niya sa simbahan, sana ay bigyan ng Diyos sila ng bahay sa Australia at sapat na kita para mapag-aral ang limang anak.
Paglipat nila sa Australia, nangupahan muna sila ng apartment. Panay ang iyak at panalangin nila sa Diyos na tustusan ang kanilang pangangailangan. Um-attend sila ng isang simbahang Kristiyano sa Sydney na ang karamihan ng mga miyembro ay Filipino-Australians. Naging aktibo sila roon. Ang mister ni Judy ay magaling magluto; nag-volunteer siya na magtrabaho sa kusina at maghanda ng pagkain. Si Judy ay isang accountant; nag-volunteer siyang mag-ayos ng kaperahan ng simbahan. Ang limang anak nila ay nag-volunteer na kumanta at tumugtog sa koro ng simbahan. Tuwang-tuwa ang buong simbahan sa kanilang buong pamilya.
Mayroong isang mayamang negosyanteng Filipino na miyembro ng simbahan. Nang malaman niyang ipinagdarasal pala ni Judy ang magkaroon ng bahay, inalok ng mayamang Kristiyano na manirahan nang libre sina Judy sa sobra niyang bahay. Sinabi sa kanila, “Tumira kayo nang libre sa bahay ko hanggang kailangan ninyo o hanggang kaya ninyo nang bumili ng sariling bahay.” Sobra ang pasasalamat ni Judy. Nang malaman ng mga miyembro na napakasarap magluto ang asawa ni Judy, lagi silang umorder ng pagkaing Filipino mula sa kanya. Nagkaroon ng matagumpay na negosyong catering ang asawa ni Judy. Napag-aral nila ang lima nilang anak. Nakabili sila ng sarili nilang bahay at lupa. Ginawa pang Assistant Pastor ng simbahan ang asawa ni Judy; at ‘di naglaon, siya na ang naging Senior Pastor nito.
Tuwing Pasko o panahong taginit, bumibisita si Judy, asawa niyang pastor at ang ilang matatanda ng simbahan sa Pilipinas para mag-donate ng mga damit, kagamitan, at pera sa mga maralitang Pilipino. Naranasan nilang habang patuloy silang nagbibigay, patuloy rin ang mga pagpapala nila mula sa Diyos. Lumaki ang simbahan nila at nagkaroon ng maraming sangay sa buong Australia. Ang karamihan ng mga miyembro nila ay mga lahing Pilipino; mayroon ding mga purong Australiano na nakapag-asawa ng mga Pilipina. Napatunayan nila ang katotohanan ng sinabi ni Haring Solomon, “Siya na may galanteng mata ay pagpapalain; sapagkat nagbibigay siya sa mga maralita ng kanyang pagkain.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)