TURO NI HARING SOLOMON: MAGING MAHUSAY SA GAWAIN

“NAKIKITA mo ba ang taong mahusay sa kanyang gawain? Siya’y tatayo sa harap ng mga hari, hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.” (Kawikaan 22:29, ABTAG)

Ang sabi ng dalubhasa sa Marketing na si Philip Kotler, “The best advertisement for our business is word of mouth from satisfied customers” (Ang pinakamabisang pagpapakilala para sa ating negosyo ay ang pagbabalita ng mga masasayang kustomer). Para maging masaya ang kustomer mo, kailangan ay ubod nang husay ang produkto o serbisyo mo. Ang bawat isang masayang kustomer ay tulad sa isang ahenteng kahit hindi mo naman sinusuwelduhan ay tuloy-tuloy na nagpapakilala sa iyo sa kanilang mga kakilala. Ang tawag ng mga Chino sa mga nasisiyahang customer na paulit-ulit na bumabalik sa iyong negosyo para bumili muli ay suki; ang tawag naman sa Inggles ay permanent customer. ‘Pag mas marami ang iyong suki, mas malaki ang benta mo, at mas lalo kang yayaman.

Kaya dapat ay maging layunin ng mga negosyo ang dumami sana ang mga suki nila. Sana ay magkaroon sila ng isang malaking hukbo ng mga masasayang mamimili. Ang sikreto ng paglago ng negosyo ay pagyaman.

Kapag ubod nang husay ang produkto o serbisyong ibinebenta mo, ang pakiramdam ng mga mamimili mo ay para silang naka-jackpot o kaya ay nanalo sa sweepstake. Ang pakiramdam nila ay parang ang liit-liit ng ibinayad nila kung ikukumpara sa napakataas na kalidad ng produkto o serbisyong tinangkilik nila. Dahil dito, ikakalat nila ang magan-dang balita tungkol sa iyong napakahusay na negosyo sa marami nilang mga kamag- anak o kakilala. Karaniwang magbabalita ang bawat isang masayang kustomer sa hindi kukulangin sa sampung kakilala nila. Kung ang bawat isa sa sampung kakilala nila ay mapapasaya mo rin, ang bawat isa sa kanila ay magbabalita na naman sa sampu pa nilang kakilala. Kaya parami nang parami ang iyong mga kustomer.

Ang sikreto para maging ubod nang husay ang iyong paglilingkod sa mga kustomer ay ang pagsunod mo sa mga utos ng Panginoong Jesus, gaya ng “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo”

 (Mateo 7:12) at “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” (Mateo 22:39)

Natutuwa ako dahil sa buhay ko, naranasan ko ang humarap at maglingkod sa mga “hari” dahil masaya sila sa aking serbisyo. Nang ako ay maging guro sa unibersidad, minahal ko ang aking mga estudyante. Gusto kong marami silang matututunan sa akin at maging mahusay din sila sa kanilang pagtatrabaho. Dahil dito, ginawa kong todo-bigay ang aking pagtuturo. Lagi akong nag-iimbento ng mga makabagong metodo o teknik sa aking pagtuturo. Ang pakiramdam ng aking mga estudyante ay ubod ako ng malikhain at gigil sa pagtuturo. Tuloy, isa ako sa may pinakamataas na ebalwasyon sa lahat ng mga guro sa unibersidad.

Dahil nasisiyahan ang aking mga mag-aaral, hindi ko akalain na pasekreto pala nilang nirerekomenda ako sa mga kakilala nila. Isang gabi, nagulat na lang ako nang may men-saherong bumisita sa akin para sabihing may isang multinational company na gustong mag-interbiyu sa akin para kanilang tanggaping maging manager sa kanilang kumpanya.  Pumunta ako roon at sinabi nilang aarkilahin ako para maging manager at bibigyan ng suweldong makalimang beses ang laki kaysa sa dati kong suweldo. Tinanong ko sa naging boss ko kung paano niya ako nakilala. Ang sabi niya, nagtanong-tanong sila sa industriya at lagi raw akong nirerekomenda. Tinanaong ko kung sino ang nagrekomenda. Ang sabi niya, “Mga dati mo silang estudyante sa unibersidad.”

Makalipas ang anim na taon, naisipan ko nang magnegosyo. Kaya nagbitiw ako sa aking pamamasukan. Subalit may pangamba ako na baka walang mag-imbita sa akin. Paano ko bubuhayin ang aking pamilya? Bawat umaga, nananalangin ako sa Diyos at sinasabi, “Panginoon, wala na akong trabaho. Ikaw na lang ang pag-asa ko. Huwag mo naman akong pababayaan.” Nagulat ako dahil laging tumutunog ang aming telephono.

Pagsagot ko, iniimbitahan ako ng kung sino-sinong kustomer para magpatupad ng mga programa sa kanilang kumpanya. Tuwang-tuwa akong tumatanggap sa mga imbitasyong iyon. Nang tanungin ko, “Paano niyo po ako nakilala?” Ang sagot nila, “Nirekomenda ka ng mga dati mong kustomer. Mahusay ka raw.” Purihin ang Diyos sa lahat ng pagpapalang ito.

Sa unang taon ng aking pagnenegosyo, mga lokal na kliyente lang ang aking pinaglingkuran. Mula sa ikalawang taon, may nagrekomenda sa akin sa mga proyekto sa ibang bansa. Naglingkod ako sa mahigit na dalawampung banyagang bansa. Isa sa naging proyekto ko ay sa bansang Nigeria. Ang manager ng proyekto ay isang Amerkanang da-lubhasa sa peace-making (pamamayapa). Mayroon kasing dalawang tribo na nagdidigmaan ng ilang taon na.

Gusto niyang magpatupad ako ng programang magtuturo sa dalawang tribo kung paanong magnegosyo, mag-ipon at yumaman sa mapayapa at matuwid na paraan. Dinala niya ako sa palasyo ng pinakadakilang hari ng bansang Nigeria, ang Hari ng Ife na si Haring Oba Okunade Sijuwade. Dumadapa sa lupa ang mga lingkod niya bilang paggalang sa kanya. Pinaupo niya ako sa tabi ng trono niya. Inutusan niya ang sekretarya niyang taga-United Kingdom; at binigyan niya ako ng regalong attache case. Isang malaking kagala-kan para sa akin ang humarap at maglingkod sa isang hari.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)