“HINDI dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.” (Kawikaan 24:23-25)
Nang magtapos ako sa kolehiyo, nagkaroon ako ng trabaho sa isang opisinang sa panahong iyon ay ang pinakamahusay na yunit ng pananaliksik at pagtuturo ng entrepreneurship sa buong Asia-Pacific. Dinayo ang opisina namin ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bansa sa mundo – mula sa Africa at Asia-Pacific, pati South Korea at Japan. Nagkaroon kami ng isang mayamang abogadong Director; subalit sa obserbasyon ko, hindi siya gaanong makatarungan dahil parang pinaiiral niya ang sistemang palakasan. Kung malapit ka sa kanya, magiging maayos ang kalagayan mo; subalit kung hindi ka niya kakilala, kawawa ka. Balewala sa kanya kung mahusay kang magtrabaho, masipag ka, o seryoso sa gawain mo. Basta kung malapit ka sa kanya, mabuti ang pakikitungo sa iyo. Dahil hindi ako sipsip, hindi niya ako pinansin. Hindi ko naman sinasabing perpektong empleyado ako, subalit sinanay ko ang sarili kong maging mahusay na tagapagsalita at tagapagsanay.
Inasam kong magturo sa malaking madla. Sa mga opening at closing ceremonies ng aming opisina, lagi akong nagbo-volunteer na maging master of ceremonies o emcee, kahit wala namang dagdag-bayad, dahil nananabik akong magsalita sa maraming tao. Pinuri ako ng maraming tagapakinig na masigla at magaling akong mamuno ng mga programa. Maganda raw ang sense of humor ko at kinagigiliwan ito ng mga kalahok. Ako rin ang libreng nagturo ng mga araling maka-Bibliya sa aming opisina at marami ang sumama dahil nagustuhan nila ang aking estilo ng pagtuturo. Nagkaroon kami ng tinatawag na Course Leaders Course at isa ako sa kalahok. Ang kursong ito ay pagsasanay para sa mga empleyadong may ipinakitang potensiyal na maging tagapagsanay. Nang matapos ang kursong ito, komento ng lahat na ako raw ang valedictorian dahil sa husay kong magturo. Pati ang British trainer na pangunahing tagapagsanay namin ay nagkomento ring ako ang pinakamahusay. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin ako binigyan ng pagkakataon ng opisina kong magturo. Ang kinuha pa rin nila ay ang mga kaibigan nila o mga magaling sumipsip sa kanila. Iniyakan ko ito at laging ipinanalangin sa Diyos, “Panginoon, hindi ka ba nanghihinayang sa kakayahan ko? Bigyan mo naman ako ng mas mainam na trabaho.” Tatlong taon akong naghintay ng magandang pagkakataon.
Isang araw, ako ang katulong ng isang Project Manager para magpatakbo ng Managers Course. Nagmamadaling umuwi ang aking manager at sinabing ako na lang ang bahala sa programa. Tinanong ko siya, “Paano iyong pagpapakilala sa inimbitahan nating tagapagsalita? Hindi ba’t gawain mo ang magpakilala sa kanya sa ating mga kalahok?” Sinabi ng manager ko, “Ikaw na ang bahala roon. Kaya mo na iyon.” Iniwan niya akong walang ibinigay na biodata ng tagapagsalita. Gusto ko namang gawin ang trabahong humarap sa madla at magpakilala sa tagapagsanay, subalit sana hindi niya ako binigla ng ganoon. Nagkumahog akong maghanap ng biodata ng tagapagsalita. Gumawa ako ng introduction speech nang madalian. Nagsanay ako. Nang dumating ang tagapagsalita, ipinakilala ko siya sa aming kalahok nang buong gilas. Tuwang-tuwa sa akin ang tagapagsalita at pati ang madla.
Hindi ko akalain na ang tagapagsalita palang iyon ang bagong dekano ng ibang opisina sa Unibersidad. Gusto niya akong kunin para maging bago at batang instructor ng yunit niya. Nang sinubukan kong magbitiw sa dati kong opisina, ayaw akong pagbitiwin ng mayamang abogadong Director. Hindi naman niya ako binigyan ng pagkakataong umunlad sa aking trabaho; ngayong may gustong kumuha sa akin at bibigyan ako ng pagkakataon, ayaw niyang pumayag! Anong klaseng kawalan ng katarungan ito? Ipinaglaban ako ng dekano at nakuha niya ako.
Nang mag-asawa ako, inimbitahan namin itong mayamang abogadong director bilang isa sa mga “guest” namin. Natuklasan niyang naroroon ang aking tiyo na isang batikang abogado. Magkakilala pala sila dahil pareho silang abogadong nagtrabaho sa SSS. Tinanong niya ang tiyo ko, “Kilala mo pala si Rene Resurreccion?” Sumagot ang tiyo ko, “Oo, pamangkin ko siya.” Sinabi noong Director, “Hindi ko akalakin. Kung alam ko lang na pamangkin mo siya, binigyan ko sana siya ng mas magandang posisyon o pagkakataon sa aming opisina.” Nang marinig ko ito, hindi ako natuwa. Lalo lang nabuo ang pananaw ko na isa siyang hindi makatarungang boss; palakasan ang gusto niyang umiral. Samantala, nagtrabaho ako sa ilalim ng dekano nang buong sipag at gilas. Ako ang itinuring na isa sa pinakamahusay na guro ng Unibersidad.
Hindi ako nagtataka kung bakit maraming dating mahuhusay na empleyadong dalubhasa sa opisina ng abogadong director ang nagbitiw noong kapanahunan niya. Dating pinakamahusay na institusyon ng pagnenegosyo ang opisinang iyon. Dinayo kami ng maraming mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa. Paglipas ng panahon, dahil nagbitiw ang mga dalubhasa, at ang mga naiwan ay mga clerk, humina nang humina na ito. Bakit nawala ang pangunguna at dating kayamanan ng Pilipinas? Bakit biglang naghirap tayo? Ang sagot: dahil mayroon tayong ilang pinunong kulang sa katarungan at ang gustong ipairal ay palakasan system. Kaya sinabi ni Haring Solomon, “Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)