TURO NI HARING SOLOMON: MAGTANIM PARA MAY ANI

“ANG taong tamad sa panahon ng taniman ay walang magagapas pagdating ng anihan.” (20:4)

Sabi ng mga salawikaing Filipino: “Kung ano ang itinanim, siyang aanihin” at “ang naghahasik ng hangin, bagyo ang aanihin.”

May Ilang tao ang nagtataka at nagtatanong kung bakit sila mahirap; at sinisisi ang iba dahil sa kanilang kahirapan.

Sinisisi ang gobyerno; sinisisi ang mga magulang; at sinisisi pati ang Diyos. Ang hindi nila sinisisi ay ang kanilang sarili. Para silang nabubulagan. Ayon sa salawikain, “aanihin mo ang iyong itinanim.” Ano man ang nangyayari sa buhay mo ay resulta ng iyong hinasik. Kung tamad kang mag-aral, bakit aasahan mong magkakaroon ka ng magandang trabaho? Kung hindi ka nagsisipag sa trabaho, bakit umaasa kang matataas sa puwesto at lalaki ang suweldo? Kung ginagastos mo ang lahat ng iyong kita, bakit inaasahan mong magkaka-ipon ka? Kung hindi ka nag-iipon, bakit inaasahan mong magkakaroon ka ng kapital na pampuhunan sa negosyo? Kung hindi ka nagnenegosyo, bakit inaasahan mong yayaman ka? Common sense lang iyan! Ang nakalulungkot, parang maraming tao ay walang common sense. Ang sabi nga ni Voltaire, ang pilosopong Pranses, “Common sense is not so common.” (Ang karaniwang pag-iisip ay hindi pangkaraniwan).

Ganito rin ang isinulat ni Haring Solomon, “Ang taong tamad sa panahon ng taniman ay walang magagapas pagdating ng anihan.” Kung iisipin mo, parang napaka-common sense lang ng pangungusap niya. Subalit marami talaga ang mga tao ang parang hindi gumagana ang mabuting pag-iisip. Ang katibayan ay maraming tao ang nagtatamad sa gawain; paglipas ng panahon, wala silang inaaning pagpapala.

Halimbawa, ang unang-unang trabaho ko ay Training Assistant sa isang opisina sa unibersidad. Kasabay kong pumasok doon si Faustino. Dahil sabay kaming pumasok, naging malapit kami, madalas mag-usap at magbahagi ng aming mga pangarap. Pareho kami ng adhikain – gusto naming mataas sa puwesto, gumanda ang kita, makaipon, magkabahay at lupa, mag-asawa, atbp. Ang malungkot nga lamang, nagkaroon ng reputasyon si Faustino na hindi siya masipag at reklamador siya. Kung makakaiwas sa trabaho ay umiiwas siya.

Paglipas ng tatlong taon, naging guro ako sa ibang opisina sa unibersidad. Mula noon, hindi na kami nagkikita at nagkakausap ni Faustino. Pagkatapos, ipinadala ako sa Australia at Netherlands para sa aking mas mataas na pag-aaral. Pagbalik ko ng Pilipinas, kinuha ako ng isang multinational company at naging manager. Makalipas ang labinlimang taon, ang unang-una kong opisina ay nag-imbita sa akin para magturo sa kanilang mga programa.

Pagpunta ko roon, nagkita kaming muli ni Faustino. Parang ang laki ng itinanda niya; nagpakalbo siya at may maraming bisyo. Naiinis ang mga ka-opisina niya dahil raw masyado siyang tamad at reklamador. Nag-usap kami ni Faustino; at nabigla ako na may matinding galit siya sa kanyang kalooban. Sinabi niya, “Napakasuwerte mo talaga sa buhay. Ako, napakamalas ko.” Sinabi ko sa kanya, “Faustino, hindi naman totoo ang suwerte. Di ba nasa sipag at tiyaga iyon?” Sinabi niya, “Hindi totoo iyan. Nagtrabaho pa nga ako sa Saudi Arabia ng ilang taon. Pagbalik ko sa Pilipinas, wala akong makuhang trabaho, kaya nagbalik na lang ako dito sa opisinang ito. Wala ring nangyari sa akin.

Lagi akong tumataya sa lotto, pero hindi naman ako nananalo. Kaya, ang paniwala ko, suwerte-suwerte lang ang pag-asenso sa buhay. Napakamalas ko talaga.” Kahit ano ang sabihin ko kay Faustino, hindi na mabago ang isip niya.

Hindi niya matanggap na “kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.” At mahirap pala magsabi sa isang tao, “Hindi kaya nagtatamad ka?”

Samantala, may kakilala akong isang dating iskuwater, si Jun. Ang tatay niya ay janitor sa isang public elementary school; ang nanay niya ay walang trabaho. Noong una, napakahirap nila. Hindi mabigyan ng mga magulang si Jun ng allowance para sa paaralan. Kung may kailangang pera si Jun, hindi na lang siya humihingi ng pera dahil napapagalitan lang siya. Ang ginawa ni Jun ay ang dumiskarte. Maaga siyang gumigising. Kinakausap niya ang isang kapitbahay na may bakery. Humihiram si Jun ng ilang tinapay at alas-singko pa lang ng umaga ay umiikot siya sa buong komunidad at naglalako ng tinapay. Makalipas ang isang oras, ubos na ang lahat ng kanyang tinapay at may pera na siyang pambili ng kuwaderno, lapis, papel, pang-recess at pamasahe.

Nang magkokolehiyo na siya, hindi siya humingi ng pera sa mga magulang. Nagtrabaho siya bilang isang waiter o kaya ay laborer sa mga construction company. Hindi na siya kumakain sa recess at nagbabaon na lang siya ng pang-tanghalian sa paaralan. Nang magtapos siya ng accounting, nagsimula muna siya bilang kargador sa isang grocery.

Pagkatapos, naging merchandizer siya para sa Universal Robina; pagkatapos ay naging salesman, sales manager, at Group Sales Manager. Ang quota ng grupo niya ay isang bilyong piso. Nagkaroon siya ng bahay at lupa, sasakyan, at napag-aral niya ang apat niyang anak sa isang napakahusay na unibersidad. Hindi umasa sa suwerte si Jun para umasenso. Umasa siya sa tulong ng Diyos at gumamit ng sipag at tiyaga. May kasabihan nga, “Pray as if everthing depends on God; but work as if everything depends on you.” (Magdasal na parang nakasalalay ang lahat sa Diyos; subalit magtrabaho na parang nakasalalay ang lahat sa iyo).

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)