“SA PAMAMAGITAN ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito’y naitatatag dahil sa kaunawaan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.” (Kawikaan 24:3-4)
May salawikaing Latin, “Magnum vectigal est parsimonia.” (Ang pagtitipid ay dakilang kita). Ang kasabihan ko naman, “Lahat ng pera ay babae, nanganganak, dumarami.” Lahat ng mga taong umuunlad at yumayaman ay may ugaling matipid. Lahat ng taong dating mayaman na naghirap ay may ugaling magastos at maluho. Lahat ng taong hindi umuunlad kundi ay nananatili sa kanilang abang kalagayan ay walang pagpipigil sa gastos; lahat ng kinikita ay ginagasta. Para sa akin, karaniwang pag-iisip (common sense) lang naman ang lahat ng ito. Sayang, subalit tila hindi pangkaraniwan ang magkaroon ng karaniwang pag-iisip. Malungkot na ang karamihan ng tao ay tila pinagkaitan ng karunungan. Mas laganap ang kahangalan, kaya mas marami ang naghihirap sa kaperahan kaysa sa mga taong marunong sa salapi.
Isipin ninyo ito: Halimbawa ay may programa tayong mamimigay ng malaking halagang pera. Pipili tayo ng sampung ordinaryong taong naglalakad sa kalsada; hindi natin sila kilala; basta pipiliin natin sila ng random (walang sinusunod na kaayusan). Pagkatapos, bibigyan natin ang bawat isa ng tig-iisang milyong piso. Pagkatapos ay papahayuin natin sila at ipagpapatuloy nila ang karaniwang buhay nilang kinagisnan. Makalipas ang sampung taon, hahanapin natin sila at iipunin sa isang lugar. Pagkatapos ay aalamin natin kung ano na ang kalagayan nila sa buhay. Hulaan ninyo, sa sampung taong iyon, ilan kaya sa kanila ang yayaman nang husto at tuloy-tuloy? Ang karaniwang sagot sa akin ng mga tinatanong ko ay “Marahil dalawa lang sa sampu ang yumaman nang tuloy-tuloy.” Ang susunod kong tanong, “Ano ang nangyari sa walo?” Ang karaniwang sagot sa akin ay, “Naghihirap pa rin” o “Mas mahirap pa sa daga.” Ang pangatlong tanong ko, “Bakit nanatili silang mahirap samantalang binigyan naman natin ang bawat isa sa kanila ng tig-iisang milyon?” Ang sagot sa akin, “Winaldas nila ang pera” o “Isinugal ang pera at natalo” o “Nagbuhay milyonaryo sila at inubos ang lahat.” Ang tanong ko, “Bakit yumaman ang dalawa sa sampu?” Ang madalas isagot, “Naging marunong sila sa pera” o “Inenegosyo ng mabuti at maalam ang pera.”
Sa madaling salita, ang pagyaman ay nanggagaling sa karunungan sa pera. Alam natin na sa totoo lang, ang pagyaman o paghirap ay nagmumula talaga sa Diyos. Pag niloob ng Maykapal na yumaman ka, yayaman ka. Pag niloob Niyang maghirap ka, maghihirap ka. Sino ang pinayayaman ng Diyos? Ang mga marurunong sa pera, ang masisipag magtrabaho, ang marunong magtiis muna at mag-ipon ng mabuti, ang marunong magnegosyo ng maingat at matalino, ang mapagpakumbaba, ang marunong magbahagi ng kanyang pagpapala sa mga taong nangangailangan. May kasabihang “Pray, but keep rowing to the shore” (Manalangin subalit magpatuloy sa pagsasagwan papuntang baybay). “Pray as if everything depends on God but work as if everything depends on you.” (Manalangin na tila ang lahat ay nakadepende sa Diyos subalit magtrabaho na tila ang lahat ay nakadepende sa iyo).
Ang pagyaman ay parang partnership sa pagitan ng Diyos at tao. Ang sabi ni Juan Bautista, “Matatanggap lamang ng isang tao ang kung ano ang ibinigay sa kanya ng langit.” (Juan 3:27) Ang sabi naman ni Apostol Pablo, “Hindi ang taong nagtanim o ang taong nagdilig ang importante, kundi ang Diyos na nagpapatubo ng halaman.” (1 Corinto 3:7). Ang magsasaka ay dapat magtanim at magdilig, subalit kung tumubo at nagbunga na ang halaman, hindi siya dapat maghahambog; bagkus ay kilalanin niyang ang Diyos ang nagpatubo. Dapat ay maging lagi siyang mapagpakumbaba at mapagpasalamat sa Maykapal.
Ang nakakaunawa ng katotohanang ito – “Dapat magsipag ang tao subalit dapat ding kilalanin niyang ang Diyos ang talagang nagpapayaman” – ay siyang tunay na yayaman. Ang pagkakaunawa nito ay ang may karunungan. Kaya sinabi ni Haring Solomon na “sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito’y naitatatag dahil sa kaunawaan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.” Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil binigyan niya ako ng mga ninuno at magulang na may karunungan sa kaperahan. Ang Lola Irene ko ay marunong, bagamat hindi siya nakapagkolehiyo. Napakatipid niya; palaipon siya. Ginamit niya ang ipon niya para makabili ng mga ari-arian. Dahil din sa pag-iipon niya, nakapagpatayo siya ng mga gusaling pinaupahan sa mga kumpanyang nangangailangan ng office spaces at mga pamilyang nangangailangan ng tirahan. Ang kita ng mga paupahan niya ay iniipong muli at pinambibili ng iba pang ari-arian. Ang ama at ina ko ay sumunod sa yapak ng lola ko. Pareho silang matipid at palaipon. Nakabili sila ng lupaing ari-arian at pinatayuan ng mga gusaling paupahan. Nag-ipon uli at nagpatayo ng iba pang paupahan. Paikot-ikot lang. Bawat ikot ay lumalaki ang ipon. Sa palagay ko, namana ko rin ang ugali nila. Ginagaya ko ang estilo nila – ipon at bili ng ari-ariang inenegosyo. Ang paniwala ko, ang prosesong ito ang tinatawag ng Bibliya na karunungan sa kaperahan. Humiling kayo sa Diyos ng karunungan. Pag binigyan kayo nito ng Maykapal, gagawin Niya kayong matipid, pala- ipon, pala-puhunan, at marunong magpaanak ng pera. Yayaman kayo sa malinis na paraan.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)