TURO NI HARING SOLOMON: PAMAHALAANG MABUTI ANG HANAPBUHAY

“ALAMIN mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan; sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman; at ang korona ba’y nananatili sa lahat ng salinlahi?” (Kawikaan 27: 23-24)

Ang anumang gawain, dapat pagbutihin. Sa totoo lang, napakasarap ng may trabaho. Ang taong kaawa-awa ay ang walang ginagawa. ‘Pag may trabaho ka, gumagana ang iyong utak, nababanat ang iyong mga buto, at dumadaloy nang mabuti ang iyong dugo, kaya nananatiling mabuti ang iyong kalusugan. Maraming beses na tayong nakarinig ng mga kuwento ng mga tao, nang sila ay magretiro, nawalan na ng kahulugan ang kanilang buhay at unti-unting humina ang kanilang katawan at ‘di nagtagal ay namatay na. Ang sabi ng lolo ko, “Hihina ang katawan kung trabaho’y titigilan.” Kaya ang tao ay dapat laging may ginagawa. “Di niloob ni Bathala na ang tao’y walang ginagawa.” Therapy (Gamot) ang trabaho.

Hindi lang dapat may trabaho; kundi dapat ay pagbutihin sa iyong trabaho. Dapat batakin ang mga litid; pati mga cells sa utak ay dapat ding pagtrabahuhin. Sabi ng salawikaing Filipino, “Ang isip ng tao’y balaraw man din; kung hindi ihasa, hindi tatalim.” Para maging laging matalas ang ating isip, dapat ay laging gagamitin. Maraming mga matatanda ay nagkakaroon ng Alzheimer’s disease o dementia, hindi lang dahil sa tumatanda at namamatay na ang ilang mga cells sa utak, kundi dahil sa hindi na sila masyadong nagtatrabaho at nag-iisip, kaya nag-a-atrophize na ang mga cells nila. Ang ibig sabihin ng atrophize ay kumukupos o kumukunat na ang mga cells.

Ang isang proyekto ko sa kasalukuyan ay ang manaliksik at sumulat ng kasaysayan ng Lungsod ng Bayugan kung saan kami ni misis ay nakatira na ngayon. Para mabuo ko ang kuwento, naisipan kong interbiyuhin ang matagal nang guro ng misis ko noong nasa Grade 1-3 pa siya. Ang pangalan niya ay si Dr. Mars Tindoy. Nagtapos siya ng PhD at dati siyang dekano ng isang malaking pribadong kolehiyo sa lungsod. Mahigit 95 taong gulang na siya, nakaratay sa higaan, hindi na siya makatayo o makalakad. Pagbisita namin sa kanya ng misis ko para kapanayamin, naabutan namin siyang nagbabasa pa rin ng mga aklat.

May malaking aklatan siya sa kanyang tahanan at mahilig pa ring magbasa. Nang unang makita namin siya sa kalagayan niya, akala namin ay hindi na siya maaaring kapanayamin nang mabuti dahil baka mayroon na siyang dementia. Subalit nagulat kami na sa kabila ng kanyang matandang edad, nang magsalita siya, malinaw na malinaw pa rin ang kanyang isip, bagama’t hirap na siyang magsalita. Naaalala pa rin niya ang maraming detalye ng kasaysayan ng Bayugan City. Buhay na buhay pa rin ang kanyang mga cells sa utak.

Anuman ang ating pinagkakakitaan, trabaho man o negosyo, dapat ay pagbutihin natin ito. Todo-bigay dapat ang paggawa. Ang payo ni Haring Solomon, “Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan.” Ang kawan at hayupan ay ang pangunahing hanap-buhay o pinagkakakitaan ng bayang Israel sa nakaraan. Inaabisuhan tayo ni Solomon na anuman ang ating hanap- buhay, dapat ay huwag tayong magpapabaya. Dapat ay pag-ukulan natin ng matindi at seryosong pansin ang pagpapatakbo nito. Huwag tayong magpapabandying-bandying. Huwag tayong maging complacent, o nagtatamad. Dapat ay tumutok tayo at gumamit ng kahusayan. Ang taong mahusay, aasenso ang buhay. Sinabi ni Solomon na ang kayamanan ay hindi palagian. Maaaring madaling maglaho ito. Ang pera ay mabilis maubos, dumadaloy ito na parang tubig. Hindi komo mayaman ka ngayon ay hindi ka na puwedeng maghirap.

Itong nakaraang Bagong Taon, nakipagkita ang pamilya ko sa kamag-anak. Mayroon akong pamangkin na napakagaling kumita ng pera. Nagulat kaming malaman na tumatanggap pala siya ng kitang P150,000 kada buwan. Nang marinig ito ng isang anak kong nagsasaka, na-depress siya; parang naapi siya sa kalagayan niya. Iniwan kasi niya ang trabaho sa isang multinational company para pangasiwaan ang sakahan ng pamilya ng misis ko. Ang hirap kumita ng pera sa farming dahil kontrolado ng mga biyahero o mga cartel ang presyo ng mga produktong pagsasaka. At malungkot na wala masyadong ginagawa ang ating gobyerno para maprotektahan ang interes ng mga magsasaka. Maraming magsasaka ang nawawalan na ng pag-asa at ayaw na nilang pagtrabahuhin ang mga anak nila sa pagsasaka. Ang maraming kabataan sa probinsiya ay may gustong mag-tsuper na lamang ng tricyle kaysa magpatuloy pa sa gawaing pagsasaka. Dahil dito, nawala na ang kaseguruhan sa pagkain ang bansang Pilipinas.

Para huwag masira ang kalooban ng aming anak, sinasabi namin sa kanyang ang ugaling matipid ay isang karunungan. Ang sabi ng salawikaing Latin, “Magnum vectigal est parsimonia” (Malaking kita ang katipiran). Ipinaliwanag namin sa anak namin, bagama’t malaki ang buwanang kita ng kanyang pinsan, subalit wala naman itong ipon at walang ari-arian, samantala ang aming anak ay may maliit ngang kita, subalit malaki naman ang kanyang ipon at ang dami niyang ari-arian. Basta may trabaho ka at pinagbubutihan mo, patuloy ang iyong pagyaman. Kung malaki nga ang kita mo pero wala ka namang disiplina at maluho sa kabuhayan, madaling mawala ang iyong kayamanan. Parang mayroon kang bulsang butas na nilalagyan ng iyong pera, at madaling nawawala ito. Anuman ang ating gawain, dapat pagbutihin.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)