TURO NI HARING SOLOMON: PANATILIHING MALINIS ANG IYONG REPUTASYON

“MAS mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.” (Kawikaan 22:1) 

Gusto kong tumulong sa mga maralita dahil ang sabi ng Diyos sa Bibliya, ang taong mabait sa mga mahihirap ay parang nagpapautang sa Diyos; at siya ang magbabayad dahil sa kanyang ginawa.

(Tingnan sa Kawikaan 19:17). Totoo nga na maraming pagpapala ang dumarating sa akin dahil sa pagtulong sa mga mahihirap. Nang ipadala ako ng gobyerno ng Pilipinas sa Netherlands para kumuha ng aking Master’s degree, sumulat ang kuya ko at sinabi sa aking kaya raw maraming magagandang pagkakataon ang dumarating sa aking buhay ay dahil sa pagtulong sa mga mahihirap. Kaya gusto kong ipagpatuloy ang ministeryo ng pagtulong sa mga taong nangangailangan. Subalit hindi lahat ng mahihirap ay masarap tulungan. May ilang hindi nag-iingat sa kanilang reputasyon.

May Ilang abusado. Masakit sa kalooban kapag pinagsamantalahan ang iyong habag at pagtulong. Subalit kapag ang tinulungan mo ay makatotohanan sa kanyang salita, masarap siyang tulungan. Ang sabi nga ng salawikaing Filipino, “Ang taong may hiya, salita ay panumumpa.”

Ang isang maralitang masarap tulungan ay si Ferdie. Dati siyang batang- lansangang abandonado ng kanyang pamilya. Nang sumali siya sa aming samahang Kristiyano, naging janitor muna siya.

Nang magbigay ako ng libreng seminar sa pagnenegosyo, um-attend siya. Nagtayo siya ng negosyong gumagawa ng modeling clay at nagtuturo sa mga bata kung paano gumawa ng iba’t ibang hugis ng hayop, bulaklak, o anumang bagay na gawa sa putik.

Minsan, nagkaroon siya ng malaking kliyente – isang private school. Naimbitahan siyang magturo sa “art class.”

Pagkatapos hiniling ng paaralan na mag-suplay si Ferdie ng maraming materyales na pang-sining. Para matupad ang inaasahan ng paaralan, nangailangan si Ferdie ng malaking kapital.

Naisipan niyang lumapit sa akin para humiram ng pera. Gusto kong tulungan siya, pero siyempre, medyo nangangamba ako kung makakabayad ba siya. Nangako siyang kung pahihiramin ko siya, babayaran niya ito sa loob ng apat na buwan at magbibigay siya ng tubo.

Gumawa kami ng kasulatan. Para ipakita ang kanyang sinseridad, pinahawak niya sa akin ang titulo sa kanyang second-hand na sasakyan.

Pinahiram ko nga siya. Bumili siya ng maraming kagamitan mula sa Divisoria, gumawa siya ng kahon-kahon ng kanyang modeling clay na iba-iba ang kulay. Inihatid niya ito sa paaralang kliyente. Matagal siyang naghintay para mabayaran. At nang magbayad na, bumalik si Ferdie sa akin para isauli ang aking pera na may kasamang tubo. Makalipas ang ilang buwan, nangailangan uli siya ng kapital. Dahil sa kanyang magandang reputasyon, pumayag akong magpahiram muli. Habang nagtatapat si Ferdie, hindi ako nag-aatubiling tumulong.

May isa namang taong kabaligtaran ng ugali ni Ferdie. Tatawagin ko siyang si Nonoy (hindi tunay na pangalan). Dati siyang metro aide na naglilinis ng lansangan ng Metro Manila. Dahil sa maliit lang ang kanyang kita, pinayuhan namin siyang huwag magparami ng mga anak dahil baka mahirapan siyang magpakain at magpaaral sa mga bata. Subalit matigas ang ulo niya. Nagparami siya ng anak – sampu. Humiram siya ng pera sa akin at nangakong magbabayad.

Para huwag makabigat sa kanya, ang pautang ko sa kanya ay walang interes. Pagdating ng taning ng pagbabayad, hindi siya tumupad. Makalipas ang ilang buwan, bumalik siya para humiram uli.

Dahil sa pagbali niya sa pangako noong una, gumawa ako ng kasulatan na nakasaad ang petsa ng taning ng pagbabayad. Wala akong hininging interes, basta gusto ko lang sanang maibalik ang kapital na hihiramin niya. Nang dumating ang taning na petsa, hindi na naman siya nagbayad. Balewala sa kanyang may kasulatan kami.

Noong panahong si Gloria Arroyo ang pangulo ng bansa, tinanggal sa trabaho ang maraming metro aide at binigyan ng “separation pay.” Ginawa ito ng gobyerno para makalikha raw ng trabaho sa mga walang trabaho. Peke ang programang ito; para lang masabing nakalikha ng bagong employment ang pamahalaan, tinanggal ang dating may trabaho at ibinigay sa mga bagong walang trabaho.

Kasama sa nawalan ng trabaho ay si Nonoy. Naisipan niyang magtayo ng tailoring shop. Kailangan niyang bumili ng mga speed sewing machines. Para madagdagan ang kanyang kapital, pumunta siya sa akin para humiram na naman.

Hindi ako makahinding tumulong dahil natutuwa akong magnenegosyo siya. Pero dahil sa nasira niyang pangalan, kailangang gumawa ng kasulatan. Magpapahiram ako ng walang interes. Nangako si Nonoy na kapag hindi niya maibabalik ang uutangin niya sa akin sa taning na petsa, ang ibabayad niya sa akin ay ang kanyang speed sewing machine. Inilagay ko sa kasulatan ang pangako niya. Pinatakbo niya ang negosyo niya ng ilang buwan. Pagdating ng taning na petsa, hindi niya ibinalik ang pinautang ko. Hindi rin niya tinupad ang pangakong ang ibabayad ay ang sewing machine niya. Ibinenta niya ang mga sewing machine para magkapera siya, subalit balewala sa kanya ang kanyang pagsira sa usapan. Sirang- sira na ang reputasyon niya sa akin. Ang pakiramdam ko naman ay para akong dakilang uto-uto!

Makalipas ang ilang buwan, may bago na naman siyang ideyang negosyo. Pumunta sa akin at gusto na namang umutang.

Diniretso ko na siya dahil sirang-sira na ang kanyang pangalan, hindi na ako puwedeng magpahiram sa kanya. Kung kailangan niya ng pera, magtrabaho muna siya para sa akin at babayaran ko siya ng “suweldo”, subalit hindi ko na siya puwedeng pahiramin.

Kaya ang nangyari, nagsilbi siyang hardinero ko ng ilang buwan at binabayaran ko siya ng suweldo.

Di nagtagal, huminto siya at lumipat na lang sa probinsiya. Tama si Haring Solomon, ang mabuting reputasyon ay mas mahalaga kaysa sa kayamanan.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)