“MAS mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan, kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan.” (Kawikaan 28:6)
Nangako ang Panginoon sa lahat ng kanyang tagasunod, “Hindi kita iiwan, ni pababayaan man.” (Hebreo 13:5) At sinabi pa niya, “Hanapin niyo muna ang Kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran, at ang lahat ng pangangailangan niyo ay ibibigay sa inyo.” (Mateo 6:33) Itinuro naman ni Haring Solomon, “Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang matuwid.” (Kawikaan 10:3) Malinaw na itinuturo ng Diyos na hindi puwedeng magsinungaling na ang taong matuwid ay hindi Niya hahayaang magdusa o magutom. Katunayan, ipinangako pa nga Niya na “Walang maghihirap sa inyo kung susunod kayo sa Panginoon.” (Deuteronomio 15:4).
Kaya ang pinakamabuting seguridad para hindi maghirap sa buhay ay ang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga utos. Hindi sinabi ng Diyos na gagawin ka niyang pinakamayamang tao sa mundo (bagamat kaya Niyang gawin iyon tulad ng ginawa Niya para kay Haring Solomon), subalit sinabi Niyang hindi ka hahayaang magutom. At kung hihilingin mo, puwede ka rin Niyang gawing mayamang matuwid; huwag ka nga lang magtataksil sa Kanya.
Kilala ng Diyos ang lahat ng tao hanggang sa kaibuturan ng kanilang puso. Walang naililihim sa Diyos. Alam Niya pati ang hinaharap. Mas kilala pa Niya tayo kaysa sa ating pagkakilala sa ating sarili. At mahal na mahal tayo ng Diyos; ayaw Niyang mawawala tayo sa Kanya. Kaya kung nakikita ng Diyos na makakasira ang pagyaman at maaaring magresulta ito sa pagtalikod mo sa Kanya, kahit na humiling ka sa Kanya ng kayamanan, maaaring hindi niya ibigay iyon, alang-alang sa iyong kapakanan. Sinabi nga ni Jesus, “Aanhin ng isang tao kung mapasakanya man ang buong mundo subalit mawawala naman ang kanyang kaluluwa?” (Mateo 16:26)
Madalas na maging delikado ang kayamanan. Ang turo ni Jesus, maaaring sakalin ng kayamanan ang pagmamahal ng isang Kristiyano sa Diyos, kaya tuloy hindi siya nagbubunga. Maaaring mapariwara ang buhay ng isang tao dahil sa pera. Maaaring masira ang kanyang karakter, maging hambog, maging mata-pobre, maging mapagmataas pati sa Diyos.
Maraming tao ay mga walang utang na loob sa kanilang magulang at pati sa Maykapal. Mas interesado ang Diyos sa karakter ng isang tao kaysa sa kanyang pagyaman. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Solomon na mas mabuti pa ang dukhang lumalakad sa kanyang katapatan, kaysa taong mayamang liko naman sa kanyang daan.
May dalawang dimensiyon na may malaking epekto sa buhay ng mga tao. Ang una ay ang pagkakaroon ng masaganang buhay sa lupa. Ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Dahil dito, para sa akin, may apat na uri ng tao. Ang una ay ang mga taong mahirap na nga ang buhay sa mundo, at pagkamatay ay wala pang buhay na walang hanggan. Ito ang mga taong tumanggi sa kaligtasang inaalok ni Jesus, at naging hangal sa kaperahan. Ang tawag ko sa mga taong ito ay “doble sumpa” o “dobleng kawawa.” Mahirap na nga sa mundo, hindi pa sa langit pupunta pagkamatay nila.
Ang ikalawang uri ng tao ay ang maunlad ang buhay sa mundo, subalit walang buhay na walang hanggan. Malamang na magaling sila sa pangangasiwa ng kanilang pera at mahusay pang magnegosyo. Puwede ring may ilan sa kanila na yumaman sa pamamagitan ng krimen o pang- aapi sa kapwa-tao. Subalit dahil sa malaking kayamanan nila, naging palalo sila.
Mayayabang sila. Naging matigas ang kanilang puso. Ayaw nilang magpasakop sa pagkapanginoon ni Jesus. Mas mahal pa nila ang pera kaysa sa Diyos. Tinanggihan nila ang libreng kaligtasang inaalok ng Panginoon. Kaya nang mamatay sila, hindi sila sa langit pupunta.
Ang ikatlong uri ng tao ay ang mga taong naging mahirap ang buhay sa lupa, subalit may buhay na walang hanggan. Tinanggap nila ang Panginoong Jesus sa kanilang puso, subalit maaaring may katamaran, hindi naghuhusay sa trabaho, hindi nag-iipon, at waldas sa pera. Tinatawag sila minsan na mga Kristiyanong makalaman o mananampalatayang hangal. Magaling silang makinig sa mga turo ni Jesus subalit hindi naman sinusunod ang mga ito. Dahil sa kanilang katamaran o kahangalan sa pangangasiwa ng pera, naghihirap sila. (Hindi kasama rito ang mga taong nagsadyang maging mahirap alang-alang sa Kaharian ng Diyos). Subalit nang mamatay, nakapiling nila ang Diyos sapagkat mayroon silang buhay na walang hanggan.
Ang ikaapat na uri ng tao ay iyong mga masagana ang buhay sa lupa at nang mamatay ay sa langit pupunta. Ang tawag ko sa kanila ay mga “doble pagpapala.” Yumaman na nga sa lupa at sa langit pa pupunta pagkamatay nila. Bakit sila nagkaganito? Kasi tinanggap nila si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, at nagsipag sa trabaho, naging marunong sa pera, magaling mag-ipon, maraming matatalinong puhunan, isip-negosyante, at mapagbigay pa sa mga taong nangangailangan. Ang maging ganito ang dapat maging layunin ng bawat taong nabubuhay.
Kaya sa turo ni Haring Solomon, mas mabuti pa ang ikatlong uri ng tao (mahirap sa lupa subalit may buhay na walang hanggan) kaysa sa ikalawang uri ng tao (mayaman nga ngunit nang mamatay, sa impiyerno pupunta). Sikapin nating maging matuwid na nga, masagana pa.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)