TURO NI HARING SOLOMON: TRABAHO MUNA, BAGO BAHAY

“IHANDA mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.” (Kawikaan 24:27)

Hanapbuhay muna, bago asawa; trabaho muna, bago bahay. Sa totoo lang, sa palagay ko, magandang desisyon ang magkaroon ng sariling bahay dahil kung mangungupahan ka lang, bayad ka nang bayad kada buwan subalit hindi naman mapapasaiyo ang tirahan. Pinapayaman mo lang ang ibang tao. Subalit common sense lang na dapat ay mayroon ka munang tuloy-tuloy na pinagkakakitaan bago ka magpapatayo ng bahay. Kung magbabahay ka kaagad, subalit wala namang matatag na trabaho at kita, saan mo kukunin ang pera sa pagpapagawa ng bahay at pagkukumpuni ng mga sira? Saan mo kukunin ang pambayad sa regular na gastusin sa pagkakaroon ng bahay gaya ng annual real estate tax, koryente, tubig, at iba pa? Gayon din naman, kung mag-aasawa ka kaagad at mag-aanak nang walang matatag na trabaho, paano mong bubuhayin ang iyong pamilya?

Samakatuwid, ang tumpak na proseso sa buhay ay ganito: magkaroon muna ng matatag na pagkakakitaan, bago magtayo ng bahay; at magkaroon muna ng matitirhan bago mag-asawa at mag-anak.

Marami akong kakilala na walang kahandaan at nag-asawa kaagad. Nakita kong madalas mauwi sa kapariwaraan ang buhay nila. Ilang taon na akong naglilingkod sa informal sector (mga tao sa lugar ng iskuwater). Marami sa mga maralitang taga-lungsod ay walang sariling bahay at matatag na trabaho. Nang magbinata na ang ilang lalaki, at makaramdam ng pagnanasang seksuwal, hindi sila makapagpigil sa sarili. Natutukso silang gumawa ng maling kapasyahan. Kahit wala pang natapos na pag- aaral, walang trabaho, walang ipon, walang bahay, lubos na umaasa sa mga magulang, subalit nang makaramdam ng pagnanasa, ay nanliligaw na at nag-aasawa nang maaga. Dahil wala pang pinagkakakitaan, makikisiksik sa barong-barong na bahay ng magulang. Wala ring kaalaman ukol sa wastong pagpaplano ng pamilya; kaya dumarami ang mga anak na hindi kayang buhayin.

Kapag nakunsumi na ang mga magulang, mag-aaway, at hahanap sila ng sariling bahay na barong- barong din, at doon maninirahan. Dahil walang napag-aralan, hindi makahanap ng mabuting trabaho; kaya maglalako na lang ng sigarilyo sa kalsada, o magta-tricycle driver. Ang misis naman ay magtitinda ng gulay sa bangketa. Parami sila nang parami na nagsisiksikan sa bangketa o sa talipapa.

Paikot-ikot lang ang kanilang karalitaan. Dahil sa kaabalahan sa paghahanap-buhay, madalas na hindi mapangasiwaang mabuti o mapag- aral ang mga anak. Dahil dito, madalas na nagiging laman ng kalsada ang mga anak; nagiging batang-yagit ang ilan at sumisinghot ng rugby para mapatid ang pagkakalam ng sikmura. May ilang natutuksong magnakaw para lang makakain. Kaya tuloy, ang gulo-gulo at ang dumi-dumi ng kalunsuran. Lahat ng ito ay nagaganap dahil sa kakulangan ng karunungan, common sense o pagpipigil sa sarili ang maraming tao. Subalit mayroon ding marurunong na maralita na nakakaalpas sa kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit pinayo ni Haring Solomon na “Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.”

May kakilala akong nanggaling sa pamilyang may-kaya. Mahilig siya sa barkada at doon natuto ng maraming bisyo, kasama na ang panliligaw. Kulang siya sa pagpipigil sa sarili. Sa edad na 19 taong gulang, kahit hindi pa tapos sa pag-aaral, nanligaw ng isang babaeng galing din sa may- kayang pamilya. Sinabi ng babae sa kanya, “Kung papipiliin ako, mas pipiliin ko ang magulang ko kaysa sa iyo.” Kahit na iniiwasan siya ng babae at pinagbabawalan ng mga magulang ng babae, nagpumilit pa rin sa panliligaw. Lagi siyang palihim na nakikipagkita sa babae. Paglipas ng panahon, nahulog ang loob ng babae. Plinano ng mga magulang ng babae na dalhin ang anak sa America para maiwasan ang lalaki. Ang ginawa ng lalaki ay pasikretong nakipagkita sa babae at binuntis niya. Pagdating sa America, saka natuklasan ng mga magulang na nawala na ang puri ng anak nila. Sa America nagluwal ng bata ang babae. Sumuko ang mga magulang sa masaklap na situwasyon; kaya kahit masama ang loob nila, pinag-asawa na nila ang dalawa.

Ngunit dahil wala namang tinapos ang dalawa, walang trabaho at bahay, ang ama ng lalaki ang nag- empleyo sa kanya at nagbigay ng bahay na matitirhan. Subalit hindi nila kayang imantina ang bahay. Naging malaking sakit ng ulo ng mga magulang ang mag-asawa. Sa wakas, naranasan ng dalawa ang hirap ng buhay may asawa; lagi silang nag-aaway. Sa huli ang kanilang pagsisisi.

Salamat sa Diyos dahil naiwasan ko ang ganitong karanasan. Nakilala ko ang naging misis ko sa opisinang pinagtrabahuhan namin. Binata pa lang ako ay nag-aplay na ako ng BLISS condominium mula sa gobyerno. Ang upang bayad ay 200 piso kada buwan lamang. Tumanggap ako ng  dalawang nangungupahan at panay ang pag-iipon ko. Nataas ako sa puwesto at lumaki ang suweldo. Makalipas ang dalawang taon ng pag- iipon at paghahanda, saka ko lang naisipang magpakasal sa aking kasintahan. Nang magsama kami, may maganda at matatag na trabaho ako, may sariling tirahan, may sariling sasakyan, at may ipon. Pinatnubayan ako ng Panginoon sa aking kapasyahan. Nakaiwas ako sa mga sakit ng ulo ng isang taong walang wastong kahandaan.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)