“ANG gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan, ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.” (Kawikaan 15:27)
Noong nagtuturo pa ako sa unibersidad, nagkaroon ako ng estudyante na dating nag-aral sa seminaryo subalit hindi nagpatuloy sa pagiging pari. Nagtapos siya ng Master of Arts in Human Resource Development sa aming paaralan.
Dahil sa kanyang pinag-aralan, nakuha siya bilang Personnel Manager ng isang malaki at kilalang hotel sa Maynila.
Malaki ang suweldo niya dahil multinational company ang kanyang opisina.
Subalit hindi siya nakuntento sa kita niya; gusto niyang kumita ng mas malaki pa, kahit sa madayang paraan. Noong una, akala ko ay tapat na empleyado siya dahil nga dati siyang seminarista.
Sa pagkaalam ko, tinuruan sila ng Ethics o tamang asal sa trabaho. Malumanay siyang magsalita at mahinhin ang kilos, subalit ‘di naglaon ay nadiskubre kong nasa loob ang kanyang kulo. Mayroon siyang pagkagahaman sa salapi.
Dahil dati niya akong guro, alam niyang mahusay akong magturo at gumamit ng mga nakapananabik na business games sa aking mga pagsasanay. Inimbitahan niya akong bumisita sa kanyang magarang opisina sa hotel. Sinabi niyang maraming empleyado ang hotel niya at gusto niyang ipasanay sa akin tungkol sa pagmamahal sa trabaho, teambuilding, supervisors training, pagiging mapaglingkod sa mga customer, atbp.
Tuwang-tuwa naman ako dahil sa pangako niyang malaki ang tatanggapin kong bayad. Nang magkasundo na kami sa iskedyul ng mga programa, bigla niyang sinabing mayroon siyang isang “condition.” Una, tinanong niya kung ano ba ang aking professional fee. Nang sabihin ko ang halagang hinihiling ko, sinabi niya, “Ibibigay ko sa iyo ang hiling mong bayad, subalit gusto kong pumirma ka sa isang kontrata na ang halagang tatanggapin mo sa hotel ay doble ng iyong professional fee. Pag nagbayad na ang hotel ko sa iyo, kukunin mo lang ang kalahating halaga; ang pangalawang kalahating halaga ay para sa akin.”
Bigla akong nadismaya sa aking narinig. Pag uwi ko ng bahay, inilahad ko sa misis ko ang sinabi ng Personnel Manager. Hindi kami mapayapa ng aking asawa. Nagpasya kaming tanggihan ang alok niya. May takot ako sa Diyos. Marahil ang tingin ng manager sa akin ay isa akong hangal dahil sa pagtanggi ko. Sinabi niya, “Sige, ikaw ang bahala.
Malaking kawalan sa iyo iyon. Kukuha na lang ako ng ibang taong papayag sa aking kondisyon.” Totoong malaki ang panghihinayang ko, subalit mapayapa naman ang aking budhi. Kumuha siya ng ibang guro sa aking unibersidad.
Pumirma sa kontrata ang nakuha niya. Maraming programa ang pinatakbo nila at pareho silang kumita nang malaki. Subalit may salawikaing Filipinong nagsasabing, “May pakpak ang balita; may tenga ang lupa.” At itinuro ng Panginoong Jesus, “Walang sikreto na hindi mabubunyag.” Nalugi ang operasyon ng hotel na iyon sa Pilipinas, at lumipat sila sa bansang Thailand kung saan mas maraming turista. Nawalan ng trabaho iyong Personnel Manager, at maraming inosenteng empleyado ang nadamay at nawalan ng trabaho. Samantala, sa unibersidad, nabunyag ang pakikipagsabwatan ng pangalawang guro at ang mandarayang kontratang pinirmahan niya. Karumal-dumal sa mata ng unibersidad ang ginawa niyang ito. Natanggal siya sa pagiging guro.
Samantala, ginantimpalaan ng Diyos ang aking pagtanggi sa suhol. May isang kliyenteng telecommunication company ang nag-imbita sa akin para magpatakbo ng “Values Cascade Program” sa kanilang kompanya. Sobrang nagustuhan nila ang programa, kaya ginawang required program sa lahat ng empleyado ang pag-attend noon.
Sunod-sunod at iba’t ibang grupo ng empleyado ang lumahok sa programa, kasama pati mga managers, supervisors, rank and file employees, janitors, atbp. Nang matapos na ang programang iyon, nagpadesenyo naman ng bagong programa, na tinawag na “Intrapreneurship Program.” Ginawa ulit na required program para sa lahat ng mga empleyado ang pagsasanay na iyon.
Tama talaga ang sinabi ni Haring Solomon, “Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan, ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.” (Kawikaan 15:27). Madalas akong nirerekomenda ng aking masasayang kliyente sa mga kakilala nila. Kaya tuloy-tuloy ang aking hanap-buhay. Napagtapos ko sa pag-aaral ang apat kong anak.
Nakakapagturismo kami ng aking pamilya sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at pati sa ibang bansa. Samantala, nabalitaan kong hindi makahanap ng bagong trabaho ang natanggal na guro, kaya magnegosyo na lang siya, subalit nabangkarote ang kanyang tindahan. Nakakatakot talagang magalit ang Diyos, subalit napakatamis ng kanyang pagpapala sa mga taong nagmamahal sa Kanya. Kaya para umasenso tayo sa buhay, huwag maging gahaman sa salapi; tumanggi tayo sa mga suhol.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)