“ANG tumutulong sa mahirap ay ‘di magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.” (Kawikaan 28:27)
Ang Diyos ay ang tagapamahala ng buong langit at lupa. “Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar, ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.” (Kawikaan 14:3) Walang naililihim sa mga mata ng Maykapal. Siya ay nagbibigay ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya. Kadalasan, gumagamit ang Diyos ng tao para magpatupad ng kanyang mabuting kalooban. Kung mayroon siyang gustong gantimpalaang tao, gumagamit siya ng ibang tao para maghatid ng gantimpala. Kung mayroong taong dapat parusahan, gumagamit din ang Diyos ng ibang tao (ang mga alagad ng batas) para maghatid ng parusa. May mga taong pinayayaman ng Diyos dahil alam niyang ang mga ito ay mabuting instrumento ng pagpapala sa mga karapat-dapat. Kapag ikaw ay maawain at matulungin sa mga mahihirap, bakit ka naman hahayaang maghirap ng Diyos? Malamang na payayamanin ka niya.
Noong kapanahunan ni Haring Solomon, sinasabi ng Bibliya na napuksa ang karalitaan mula sa kanyang bayan. Walang naging maralita sa mga Israelita. Ang bawat pamilya ay may sariling bahay at lupa, bukod sa may sariling ubasan at taniman ng mga bungang-kahoy. Heto ang pagsasalarawan ng Bibliya sa bayang Israel nang naghahari si Solomon: “Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay.” (1 Kings 4:20). Ginawa ng Diyos na maging hari si Solomon dahil sa pamamagitan niya, mapagpapala ng Diyos ang kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Solomon, napuksa ang karalitaan sa lipunan. Kaya sinabi ni Solomon, “Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang.”
Minsan, naimbitahan ako ng isang kompanya sa Ortigas at nagturo ako tungkol sa “Financial Management.” Hinamon ko ang mga tagapakinig na kung payayamanin man sila ng Diyos, sana ay maging matulungin sila sa mga mahihirap. Nang magpahinga kami mula sa seminar, may nakilala akong isang empleyadong babae na lumapit sa akin at may luha siya sa kanyang mga mata. Ikinuwento niya sa akin na noong estudyante pa lang siya sa Universidad ng Pilipinas, napakahirap niya. Walang pera ang mga magulang niya para matustusan ang kanyang pag-aaral. Hindi na siya halos kumakain ‘pag nasa paaralan at naging desperado siya. Pumunta siya sa isang opisina sa unibersidad na nagbibigay ng tulong sa mga estudyanteng may problema. Nakita niya sa bulletin board na may nakapaskil na pangalan at numero sa telepono ng ilang mayayamang taong gustong tumulong ng pinansiyal sa mga mahihirap. Naglakas-loob ang kakilala ko dahil sa isip niya wala namang mawawala kung hihingi siya ng tulong at tatanggihan siya. Kinuha niya ang pangalan ng isang donor at tinawagan niya sa telepono. May sumagot na sekretarya. Nang maipahayag niya ang pangangailangan niya, sinabihan siyang pumunta sa isang opisina sa Ortigas.
Kinapanayam siya ng sekretarya at inaprobahan agad-agad ang kanyang hiling ng tulong. Iyong ‘di kilalang donor ay nagbigay sa kanya ng full scholarship. Binayaran ang lahat niyang pangmatrikula at may kasama pang allowance na pambili ng mga libro, pagkain at transportasyon. Apat na taon siyang tinulungan hanggang makapagtapos ng pag-aaral. Naisipan niyang bumisita sa ‘di kilalang mayamang donor para magpasalamat, at para magtanong kung ano ang magagawa niya para mabayaran ang tulong na ibinigay sa kanya. Pumunta siya sa opisina at ‘di nagtagal, humarap sa kanya ang isang matandang lalaki na naka-wheel chair. Ubod ng yaman ang lalaki at napakatanda na. Ipinakita ng kakilala ko ang kanyang diploma at nagpasalamat sa matanda. Pagkatapos ay tinanong niya, “Sir, ano po ang magagawa ko para masuklian ang kabutihan niyo sa akin?” Sumagot iyong matanda, “Hindi mo ako kailangang suklian. Hindi ako umaasa ng kabayaran. Ang gusto ko ay makapagtapos ka sa pag-aaral, magkaroon ng mabuting trabaho, umasenso ka sa buhay, at maging mabuting tao ka.” Naiyak ang kakilala ko habang inaalaala niya ang mabuting mayamang taong iyon. Sabi ko sa loob-loob ko, “Ganyan ang maging mabuting mayaman. Kung payayamanin tayo ng Diyos, dapat ay gayahin natin ang ginawa ng mabuting donor na iyon.” Kataka-taka ba kung bakit pinayaman ng Diyos ang matandang lalaking iyon? “Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang.”
Samantala, may kilala akong isang mayamang tao. Inampon siya ng isang napakayamang matandang dalaga. Pinag-aral siya sa lahat ng pinakamahusay at mamahaling paaralan sa Pilipinas. Naging isang batikang abogado siya sa bansa. Subalit lumaki siyang parang “spoiled brat”. Dahil hindi niya naranasan ang maging mahirap, wala siyang malasakit sa mga mahihirap. Lahat ng kayamanan niya ay para lang sa kanyang kasiyahan at kaluhuan. Lahat na marahil ng bisyo ay nasa kanya – barkada, inom, alak, babae, sugal, atbp. Hindi nabalita kailanman na tumulong siya sa mga kapos-palad. Katunayan, siya at ang kanyang asawa ay may reputasyong mata-pobre. Naging magulo ang kanyang buhay. Lagi silang nag-aaway ng kanyang asawa. Hindi nagmamahalan ang kanyang mga anak. Hindi nagtapos sa pag-aaral ang ilan; at ang ilan pa nga ay naging drug addict. Nang tumanda na siya, dinapuan siya ng maraming sakit. Ibinenta ang ilan niyang ari-arian para matustusan ang kanyang pagpapagamot. Naganap sa kanya ang babala ni Haring Solomon, “Susumpain ang nagbubulag-bulagan.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)