“GAWIN ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” (Mateo 7:12)
Ang Diyos ay ang dakilang tagapamahala ng langit at lupa. Siya ay ang pinagmumulan at tagapangasiwa ng katarungan sa daigdig. Kaya nga sinabi niya, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” (Roma 12:19). Katarungan ay ang pagpaparusa sa kasamaan at pagbabalik ng kabutihan sa mga gumagawa ng mabuti. Ang mga gobyerno sa lupa ay dapat din sanang magpairal ng katarungan sa kanilang nasasakupan. Kaya may mga hukom, kapulisan at kasundaluhan ay para hulihin ang mga masasamang-loob at parusahan ang mga ito. Ang mga mabubuting mamamayan ay dapat hayaang mamuhay ng tahimik at magtrabaho ng may kaunlaran. Payamanin ang mga masisipag; hayaang magutom ang mga tamad.
Hindi perpekto ang sistema ng katarungan sa ibabaw ng lupa dahil ang tao ay makasalanan. Maraming butas ang batas ng tao. Pinaghaharian sila ng sariling interes. Ito ang dahilan kung bakit may ilang opisyal sa pamahalaan na nagiging korap. Kung minsan nakokompromiso ang sistema ng katarungan. May ilang masasama na hindi napaparusahan, at may mga inosenteng naaagrabyado. Subalit kahit na makaiwas sa parusa ang ilang masasama mula sa batas ng tao, subalit hindi nila maiiwasan ang katarungang mula sa Diyos.
Dahil makatarungan ang Diyos, nang nasa lupa pa ang Panginoong Jesus na siyang Anak ng Diyos, itinuro niya, “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.” Ang prinsipyong ito ay bunga ng sistema ng katarungang itinatag ng Diyos. Ang ibig sabihin nito, kung gusto mong gawan ka ng mabuti, gumawa ka ng mabuti. Kung gusto mong gawan ka ng masama, gumawa ka ng masama. Kung gusto mong bigyan ka ng kapwa, magbigay ka sa kapwa. Kung gusto mong pagmaramutan ka ng ibang tao, magmaramot ka sa kanila. Parang salamin ang daigdig. Kung ano ang kilos mo, ganoon din ang ikikilos ng reflection mo.
Gusto mo bang malaman kung ano ang opinyon ng ibang tao tungkol sa iyo? Tingnan mo ang ginagawa nila sa iyo. Masungit ba sila sa iyo? Baka masungit ka. Wala ba silang malasakit sa iyo? Baka wala kang malasakit. Maalaga ba sila sa iyo? Baka maalaga ka.
Siyempre, mayroong exception to the rule – may mga taong hindi wasto ang pag-iisip. Magbantay tayo: may mga taong walang utang na loob. Ang turo ni Dale Carnegie, “Expect ingratitude” (Asahan mo ang kawalan ng utang na loob). Ang maraming tao ay magbabalik ng kabutihan. Pero, para hindi ka masaktan, asahan mo na lamang na hindi lahat ng tao ay marunong tumanaw. May ilan talagang may masamang kalooban. May diperensiya ang mga taong iyon.
Subalit kung lahat na lamang ng kapitbahay mo ay masama ang pakikiharap si iyo, aba, baka ikaw na ang may diperensiya. Hindi puwedeng gumagawa ka ng mabuti sa kapwa, pagkatapos lahat sila ay masama ang pagtrato sa iyo. Puwedeng may ilang hindi gagawa ng mabuti, pero hindi puwedeng lahat ng ginawan mo ng mabuti, ay masama ang ibabalik sa iyo.
Madalas na ang taong ginagawan mo ng mabuti ay magbabalik ng mabuti. Sila iyong may kakayahang magbalik. Subalit kung ang ginawan mo ng mabuti ay mahihirap at walang kakayahang magbalik ng kabutihan, ang turo ng Bibliya, ang Diyos ang magbabalik sa iyo. Ang turo ni Haring Solomon, “Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap, at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.” (Kawikaan 19:17). Ang turo ni Jesus, “Kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” (Lucas 14:13-14)
Sa buhay ko, karamihan sa mga tinulungan ko ay mga mahihirap, mga maralitang tagalungsod. Wala silang kakayahang magbayad. Naglingkod ako ng libre sa aming itinayong Christian Community; ako ang pangunahing taga-ambag ng pera. Ni singko ay wala akong napakinabang sa paglilingkod ko roon. Ang Diyos ang laging nagbabayad sa akin. Bagamat mahirap lang ang aming samahan, subalit mula sa ipon namin, nag-donate kami ng tituladong pitong ektarya ng lupa para sa mga Mangyan ng Bongabong, Oriental Mindoro. Dahil wala silang kakayahang magbayad, ang Diyos ang kumilos.
Nagkaroon ng bahay at lupa ang marami naming miyembro na dati ay walang sariling tirahan. Ako man ay nagkaroon ng sariling bahay at lupa, at binigyan pa ng Diyos ng farm. Ang kaibigan kong si Josie ay nag-donate ng kanyang bahay at lupa sa kanilang simbahan sa Lagro, Quezon City, at pagkatapos ay lumipat ng tirahan ang kanyang buong pamilya sa Sydney, Australia. Nang malaman ng isang mayamang Christian Filipino-Australian na wala silang sariling bahay, pinahiram sila ng bahay at lupa ng walang bayad “as long as they need it” (hangga’t kailangan nila). ‘Di naglaon, nagkaroon sila ng sarili nilang bahay at lupa. Ganito ang katarungan ng Diyos! Kaya kung gusto mong pagpalain ka ng Diyos, magpala ka sa iyong kapwa.
♦♦♦♦♦
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)