TURO NI JESUS: GAWING KAPARTNER SA BUHAY ANG ESPIRITU NG DIYOS

“NARITO ang lingkod ko na aking hinirang, ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.” (Mateo 12:18)

“Kung kasama mo ang Diyos, imposibleng mabigo. Kung di mo kasama ang Diyos, imposibleng magtagumpay.” Ang sabi ni Haring David, “Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang” (Awit 23:1). Sa gulo ng mundo ngayon at sa dami ng mga masasamang taong nasa kapangyarihan, mahihirapan talaga ang isang taong magtagumpay sa buhay na ito kapag siya ay nag-iisa.

Siguradong hahadlangan siya ng kanyang mga kaaway o kapwa na naiinggit. Kung may mabuting kapartner siya, mas dadali ang trabaho. Ang sabi ng salawikaing Filipino, “Mabigat man ang kalap, kung tulong ang mag-anak, nagiging madali rin ang pagbuhat.” Kaya para magtagumpay, hanapin nating magkaroon ng mga taong tutulong sa atin. Subalit higit sa lahat, hilingin natin sa Diyos na siya ang maging kapartner natin sa ating buhay.

May kuwento sa Bibliya tungkol kay Jose. Siya ay ang ikalabing-isang anak ni Jacob. Siya ang pinakamahal ng kanyang ama dahil ipinanganak siya sa katandaan at siya ay pinakamaaasahan ng kanyang ama dahil sa kanyang pagmamalasakit sa family business. Bukod pa riyan, binigyan siya ng Diyos ng pambihirang katalinuhan at tumanggap siya ng mga mensahe mula sa Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Dahil sa selos ng kanyang mga kapatid, ipinagbili siya bilang alipin sa Ehipto. Sa kabila nito, sinamahan siya ng Espiritu ng Diyos, kaya nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Una, nagtagumpay siya sa tahanan ng kanyang amo na si Potiphar, isang dakilang opisyal sa Kaharian ng Ehipto. Subalit dahil sa intriga, ipinabilanggo siya kahit wala naman siyang kasalanan. Sa loob ng bilangguan, nataas siya sa puwesto at ginawa siya ng Warden na maging tagapamahala ng lahat ng gawain doon. Pagkatapos noon, nang magkaroon ng masamang bangungot ang Hari ng Ehipto, binigyan si Jose ng Diyos ng kapangyarihang maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip ng hari. Sa katuwaan ng hari, ginawa siyang Primo Ministro ng buong Ehipto. Lahat ng tagumpay na ito ay nangyari kay Jose dahil sinamahan siya ng Espiritu ng Diyos. (Genesis 39:23)

Ang mabuting balita ay ito: inaalok ng Diyos ang kanyang Espiritu Santo sa sinumang hihiling sa kanya. Ang sabi ni Jesus, “Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” (Luke 11:13). Ang Espiritu Santo ay ang ikatlong persona sa iisang Diyos.

Ang kalikasan ng Diyos ay hindi madaling maunawaan. Hindi kayang maarok ng limitadong isip ng tao ang buong- buong kaluwalhatian at kadakilaan ng Diyos. Iisa lang ang Diyos; siya ang lumikha ng langit at lupa; at siya ay may tatlong persona – Ama, Anak, at Espiritu Santo (Mateo 28:19). Ang Espiritu ay ang makapangyarihang Diyos.

Isinusugo siya ng Diyos Ama at ni Jesus para maging Katulong at Tagaaliw ng lahat ng mga sumasampalataya sa Diyos. Pag hiningi mo sa Diyos ang Espiritu, ibubuhos siya sa iyong buhay. Babaguhin niya ang iyong isip at damdamin. Mapapasaiyo ang karunungan at kakayahan ng Diyos. Walang magiging imposible sa iyo. Isa sa bunga ng Espiritu ay gawin kang isang makatarungang tao. Lahat ng gawain mo ay malalagay sa ayos at magiging kalugud-lugod ka sa paningin ng Diyos.

Kapag puspos ka ng Espiritu ng Diyos, lahat ay kaya mong gawin. Ang pag-alpas sa kahirapan ay magiging madali lamang. Iaangat ka ng Diyos. Kung gusto mo, kaya niyang gawin kang mayaman sa malinis na paraan. Kung puspos ka sa Espiritu, magiging tumpak ang iyong isip at kilos. Gagawin ka niyang masipag sa trabaho, mahusay sa gawain; magiging eksperto ka sa iyong trabaho. Tuturuan ka niyang maangat sa puwesto, at maaaring tumaas ang iyong kita. Gagabayan kang maging mahusay sa pangangasiwa ng kaperahan. Magiging matipid ka. Gugustuhin mong maging mabuting katiwala ng Diyos. Hindi ka mandadaya o mangungupit.

Magiging kontento ka sa sarili mong kita. Bibigyan ka ng kakayahang mamuhunan ng matalino. Hindi ka magmamadaling yumaman. Sa pamamagitan ng karunungan at pagtitipid, dahan-dahang lalaki ang kaperahan mo.

Gagawin ka rin ng Banal na Espiritu na maging mapagbigay at matulungin sa kapwa. Dahil sa iyong bukas-palad na pagbahagi ng pagpapala sa ibang tao, bubuksan ng Espiritu ang durungawan ng langit at ibubuhos sa iyo ang pagpapalang wala ka nang lugar na paglalagyan. (Malakias 3:10-12)

Pagka-graduate ko, nagtrabaho ako sa isang unibersidad bilang Research Assistant. Napakaliit lang ng suweldo ko – 700 pesos kada buwan. Awang-awa ako sa sarili ko. Isang araw, nanalangin ako sa Diyos, “Panginoon, samahan mo po ako sa aking buhay. Kulang ang aking kaalaman. Paalpasin mo po ako sa karalitaan. Mag-iingat po akong ibigay ang lahat ng papuri sa iyong pangalan.” At kumilos ang Diyos. Ginawa kong kapartner sa buhay ang Espiritu ng Diyos.

Ginawa niya akong masipag sa trabaho at matipid sa pera. Nataas ako sa puwesto. Binigyan niya ako ng BLISS na tirahan. Kumuha ako ng dalawang boarders. Pinadala ako sa ibang bansa para makakuha ng mas mataas na pinag- aralan.

Nagtrabaho ako sa isang multinational company. Pagkatapos, nagnegosyo ako. Parang hagdan ang pagpapala ng Panginoon. Para yumaman, gawing kapartner sa buhay ang Espiritu ng Diyos.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)