TURO NI JESUS: HANAPIN MUNA ANG KAHARIAN NG DIYOS

“NGUNIT hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33)

Tama ang maging masipag. Tama ang maging matipid. Tama ang maging mahusay sa pagnenegosyo. Lahat ng ito ay itinuturo ng Diyos sa Bibliya. At ang lahat ng ito ay nagbubunga ng pagyaman. May panganib nga lamang na baka isipin ng sinumang tao, kapag yumaman na siya, na ang kanyang pagyaman ay galing lahat sa sarili niyang husay at galing. Tuloy, baka matukso siyang maging palalo. May posibilidad na baka ituring niyang parang diyos ang kanyang sarili o ang kanyang negosyo. Pag nagkaganito, maaaring manibugho ang Diyos sa kanya at malagay sa kasamaan ang kanyang kalagayan.

Ganyan ang babala ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Sinabi niya na kapag yumaman na sila, iwaksi nila sa kanilang isipan na ang kanilang pagyaman ay nanggaling sa sariling lakas, at walang kinalaman ang Diyos sa kanilang pag-asenso. Sabi niya, “Huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo’y bunga ng sariling lakas at kakayahan.” (Deuteronomio 8:17). Napakarupok ng tao. Kaunting asenso lang, ang yabang na kaagad. Napakadaling lumaki ng ulo. Nang magkaroon na ng sariling lupain ang Israel, bawat mamamayan ay nagkaroon ng sariling bahay at lupa, ubasan at taniman ng punong kahoy, agad-agad na nakalimot sila sa Diyos, at sumamba sa mga diyos-diyosan. Kaya dumating ang parusa sa kanila.

Naalala ko, noong naglingkod ako sa lugar ng mga iskuwater, napakahirap ng mga tao roon. May isang pamilyang nagkaroon ng bagong telebisyon. Sila ang pinakauna at kaisa-isang may ganoong gamit sa lugar, kaya nakikipanood ang mga kapitbahay. Dahil doon, naging mayabang sila. Kapag hindi nila nagustuhan ang ginagawa ng isang nakikipanood, sisinghalan nila, “Umalis ka nga! Bakit, TV naman namin iyan a.” Isipin ninyo: nagka-TV lang, naging palalo na! Ganyan karupok ang tao.

 Ang babala ng Diyos sa Israel, “Kapag ang Diyos ay tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa’y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo.” (Deuteronomio 8:19). Ganoon nga ang nangyari sa Israel. Dahil kinalimutan nila ang Diyos, dumating ang mga kaaway na mga bansa, sinakop ang Israel, at ginawang alipin ang mga Israelita. Nawala ang lahat at naging lubos na mahirap sila.

Ang kakilala kong iskuwater na naging mayabang dahil nagkaroon ng TV ay dumanas din ng parusa. Hindi naging matapat sa Diyos ang mga anak; kaya pagtanda nila, pawang napariwara ang buhay. Hindi nagtapos ng pag-aaral ang mga bata, hindi nagkaroon ng magandang trabaho, at nagtuloy-tuloy ang karalitaan. Namatay ang ama’t ina na mahirap pa sa daga. Samantala, ang kapitbahay nilang inapi ay umasenso sa buhay. Naging matapat maglingkod sa Diyos, nagtapos sa pag-aaral ang maraming anak, nakapag-asawa ng mabuti, nagkaroon ng bahay at lupa ang ilan, at nakaahon sa kahirapan.

Ito ang problema ng maraming tao. Akala nila na ang pagyaman ay eksklusibong nakasalalay sa sariling lakas at pagpupunyagi. Akala nila, walang papel ang Diyos sa pag-asenso ng tao. Ang Diyos ang  pinakaimportanteng factor sa equation ng pagyaman. Kumbaga sa Algebra, A + B=C.

 Ang A ay sipag at tiyaga ng tao na katumbas ng 10%. Ang B ay ang papel ng Diyos na katumbas ng 90%. Ang C ay ang pagyaman na katumbas ng 100%. Kaya, sariling lakas na 10%, idagdag sa kilos ng Diyos na 90%, ang katumbas nito ay tagumpay na 100%. Ito ang sinabi ni Apostol Pablo, “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago.” (1 Corinto 3:6-7). Ito rin ang sinabi ni Juan Bautista, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito’y ipagkaloob sa kanya ng Diyos.” (Juan 3:27). At itinuro ni Jesus na ang kayamanan ay idinadagdag lang ng Diyos sa taong uunahin ang kaharian at katuwiran ng Diyos.” (Mateo 6:33)

May kakilala akong isang misyonero ng Philippine Campus Crusade for Christ. Siya at ang misis niya ay kapwa full-time na naglingkod sa Diyos. Pareho silang nagtapos sa kolehiyo. Puwede sana silang nagtrabaho sa gobyerno o pribadong sektor, at dahil sa kanilang kwalipikasyon, maaari sana silang naging ubod nang yaman. Subalit alang-alang sa Diyos, isinakripisyo nila ang sariling ginhawa. Inuna nila ang Diyos. Matagal silang walang sariling bahay at lupa. Iniwan nila ang Maynila at nagpagal sa probinsiya bilang mga misyonero. Ipinangaral nila ang ebanghelyo ni Jesus sa lahat ng dako – mga taga-siyudad, mga taga-nayon, mga taga- bundok, mga lumad, mga Muslim, mga half-Muslim, atbp. Bukod diyan, nagsilbi pang pastor ng simbahan sa Cagayan de Oro City. May dalawa silang anak na lalaki. Nagtiwala sila sa Diyos na siya ang mabibigay ng pantustos sa pag-aaral. Sabi nila, “Panginoon, inuna namin ang iyong kaharian at katuwiran. Kayo na po ang bahala sa dalawa naming anak.”

 Kumilos ang Diyos; naging ubod nang talino ang dalawang bata at nagkaroon ng scholarship. Ang isa ay nagtapos ng pagdodoktor at ang isa naman ay naging isang matagumpay na abogado. Sa katandaan ng mga kaibigan kong misyonero, naging maginhawa ang kanilang buhay. Tinupad ng Diyos ang kanyang pangakong kapag uunahin ang kanyang kaharian at katuwiran, idadagdag niya ang anumang kailangan natin. Ang Diyos ang talagang nagpapayaman.

♦♦♦♦♦

 (Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)