TURO NI JESUS: HANGARIN ANG KAHARIAN NG DIYOS

“DUMATING nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.” (Mateo 6:10)

May mga bansang mayaman at maunlad at mayroon ding mga mahihirap at magulo. May mga bansang makapangyarihan at namumuno at mayroon ding mga bansang mahihina at nasasakop. Maraming dahilan kung bakit nagkaganito ang mga bansa sa mundo. Para sa akin, ang isa sa pinakamahalagang salik ay ang pag-iisip at paniniwala (mindset) ng mga mamamayan ng bansa. Isa sa pinagmumulan ng pag-iisip ng tao ay ang kanyang relihiyon. Ano ba ang relihiyong nagbubunga ng pinakadakilang kaunlaran at kayamanan sa buong mundo?

Noong unang panahon, ang mga maunlad na bansa sa mundo ay ang India at Tsina. May mga pailan-ilang mga malalakas na emperyong lumitaw sa ibang bahagi ng mundo gaya ng Gitnang America, Africa, at Silangang Asia. Naging napakalakas at dakilang emperyo rin ang Roma. Ang mga bansa sa hilagang Europa at hilagang Amerika ay dating mga barbaro. Ang ibig sabihin ng barbaro ay mga taong walang kultura, malupit at mabangis. Karamihan sa kanila ay mga pagano. May mga kaugalian silang gumagamit ng pangkukulam, pamahiin, maitim na mahika at sumasangguni sa mga masasamang espiritu.

 Nagsasakripisyo sila ng tao sa kanilang mga dios-diosan. Karumal-dumal sa mata ng tunay na Diyos ang mga ganitong gawain. Dahil sa mga kaugaliang ito, ang lipunan nila ay magulo, marahas, at walang kaunlaran. Dahil walang iisang gobyerno, maraming pagkakawatak-watak at digmaan ang iba’t ibang tribo.

Subalit mula sa taong 1500s hanggang sa kasalukuyan, ang hilagang Europa at hilagang Amerika (pati Australia at New Zealand) ay naging napakayaman at maunlad. Bakit nagkaganito?

Noong panahon ni Haring David at Solomon, naging pinakadakila at mayamang bansa ang Israel. Nang tumalikod sa Diyos ang mga Israelita, humina at bumagsak ang kanilang bansa. Dumating ang Panginoong Jesus at siya ay nagturo ng pinakamataas, pinakamarangal at pinakamahusay na katuruang lumitaw sa buong kasaysayan. Tinuruan niya  ang mga alagad niyang hangarin at manalangin ng “Ama namin sa langit, dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.”

Iniutos ni Jesus sa kanyang mga tagasunod, “Gawin ninyong mga alagad ko ang lahat ng mga bansa, bautismuhan sila at turuan silang sumunod sa aking mga utos.” Kumalat ang katuruan ni Jesus (na tinatawag ngayong Kristiyanismo). Ang pinakaunang kontinente na yumakap sa Kristiyansimo ay ang Europa. Nakaalpas ang maraming Europeo mula sa pagka-barbaro at naging mga marangal at maunlad na tao.

Malungkot nga lamang na nang magdomina ang simbahan sa Roma, pumasok ang maraming katuruang gawa-gawa lang ng tao, at lumihis sa dalisay na katuruan ni Jesus. Inusig ng simbahan sa Roma ang maraming independiyenteng simbahang Kristiyano sa iba’t ibang parte ng mundo. Pinagbawalan ang mga mamamayang magbasa ng Bibliya. Naging halos mangmang ang karamihan ng mga mamamayan. Ang mga pinunong relihiyoso lamang ang nakakapagbasa at nakakasulat. Kaya naging bansot ang pag-unlad ng mga tao. Nang lumaganap ang relihiyong Islam, nasakop nito ang maraming lupaing dating Kristiyano. Ang kaunlarang Kristiyano sa pamumuno ng simbahan sa Roma ay hanggang “medieval stage” lang. Ang kaunlarang nalikha ng relihiyong Islam ay hanggang “medieval stage” lang din.

Subalit, mula 1517, nagsimula ang kilusang “Back to the Bible” (Magbalik sa Bibliya). Tinatawag ang kilusang ito na “Repormasyon.” Itinakwil nila ang mga katuruang gawa-gawa lang ng tao. Naging layunin ng mga makabibliyang Kristiyano ang paglikha ng lipunang tumutupad sa panalangin ni Jesus na “Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.” Ang resulta nito, naging mas maayos ang lipunan, nagkaroon ng kaunlaran at pagyaman. Nasakop ng maraming bansa sa Europa ang maraming bansa sa mundo kasama na ang India at Tsina. Maraming mga mamamayang Kristiyano ng hilagang Europa ay lumipat sa hilagang Amerika. Pati ang mga lupaing ito na dati ay mga ilang na lugar ay umunlad din dahil sa katuruan ng makabibliyang Kristiyanismo.

Bakit maunlad ngayon ang maraming bansa sa Gitnang Silangan? Hindi ba’t dahil ito sa mga taong Kristiyanong nakadiskubre ng langis at itinayo ang industriya ng langis sa mga lupaing ito? At nang matatag na ang mga industriya, sapilitang inangkin ng gobyerno ang mga kumpanya. Sa listahan ng mga dakilang imbentor at mga siyentipiko sa kasaysayan, ang karamihan ay mga Judio at Kristiyano.

Sa kasalukuyang panahon, dahil tila tumatalikod na ang mga tao sa kanluran sa mga katuruan ng Panginoong Jesus, bumabalik na ang kaguluhan, karalitaan at pagbagsak ng kanilang mga bansa.

Bakit may kapangyarihan ang makabibliyang Kristiyanismo na maangat ang kabihasnan? Naniniwala akong pinagpapala ng Diyos ang mga bansang yumayakap sa dalisay na katuruan ni Cristo. Pag naging tunay na Kristiyano ang isang tao, nagiging layunin niya ang matupad ang panalangin ni Jesus na “Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.”

Magkaroon nawa tayo ng pangitain at hangaring gawin ang ating buhay, tahanan at lipunang maging kagaya ng kaayusan, katuwiran at kabanalan ng langit.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)