TURO NI JESUS: HINDI PUWEDENG MAGLINGKOD SA DALAWANG PANGINOON

“WALANG aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.” (Mateo 6:24)

Maraming diyos-diyosang inimbento ng mga tao para sambahin. Ito ay mga bulaang diyos. Gawa-gawa lang sila ng tao. Bunga ito ng kahangalan ng sangkatauhan. Itinuturing na malaking insulto ito sa tunay na Diyos. Kaya ang pinakaunang utos ng Diyos na kasama sa Sampung Utos ay “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.” (Exodo 20:3). Ang tunay na Diyos lang ang may karapatan sa pagsamba ng sangkatauhan sapagkat siya ang Maylikha ng langit, lupa, at lahat ng naroroon. Dahil siya ang kaisa-isang may-gawa at may-ari ng lahat ng bagay sa sansinukob, samakatuwid may karapatan siyang magselos kung mayroong ibang didiyosin ang mga tao.

Sinabi ng Bibliya, “Si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos.” (Exodo 20:5)

Sa lahat ng mga diyos-diyosang naimbento ng tao, salapi o kayamanan ang pinakamatinding kakompetensiya ng Diyos sa pagsamba at pagmamahal ng tao. Marami kasing katangian ang salapi na katulad ng sa Diyos. May kakayahan ang kayamanang magbigay sa tao ng lahat ng kanyang kailangan o gusto. Sa pamamagitan ng pera, puwedeng bumili ang tao ng masasarap na pagkain, magagarang damit, maraming bahay at lupa, magagarang sasakyan, mga mamahaling muwebles at appliances sa bahay, mga hiyas, alahas, at anupamang makakapagbigay ng ligaya sa tao.

Sa pamamagitan din ng pera, maaaring magkaroon ng maraming magagandang asawa o konkubina ang isang lalaki. Noong unang panahon, nakakabili rin ang mga mayayaman ng maraming aliping naglilingkod sa kanila ng libre. Napapakilos ng pera ang mga tao para gawin ang gustong ipagawa ng mga mayayaman. Sa pamamagitan ng suhol, nabubulag ng mga may-pera ang ilang korap na opisyal sa pamahalaan para ibigay sa mayaman ang gusto nila. Samakatuwid, ang pera ay kapangyarihan.

Subalit dahil sa katotohanang sinabi ng politikong Inggles na si Lord Acton, “Power corrupts and absolute power corrupts absolutely” (Ang kapangyarihan ay nakakasira at ang ganap na kapangyarihan ay ganap na nakakasira), samakatuwid, masamang diyos ang salapi. Ang taong may maraming pera ay madaling yumabang. Maaaring masira ang karakter o ugali ng taong madatong. Madalas silang matuksong mang-abuso ng mahihirap. Madalas ding gumamit ang mga mayayaman ng pera para mam-bully ng mga maralita.

Dahil nakakalasing ang kayamanan at kapangyarihan, ginagamit ng ilang mayayaman ang pera para mas lalong magkamal ng salapi kahit sa pamamagitan ng pandaraya, panloloko, o pang-aapi. Sa pamamagitan ng pera, kinakamkam nila ang ari-arian ng iba. Hindi makalaban ang mga mahihirap dahil nabibili ng pera ang ilang tao sa pamahalaan para paboran ang mayaman.

Sa orihinal na lengguwahe ng Bibliya, ang sinabi ni Jesus ay “Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at si Mammon.” Sino ba si Mammon? Ang salitang “Mammon” ay isang salitang Semitic na ang big sabihin ay pera, kayamanan or ariarian. May ilang batikang iskolar kagaya nina St. Gregory ng Nyssa, John Chrysostom, at Peter Lombard na nagsabing si Mammon ay ang Demonyo ng kasakiman. May manunulat pang nagsabing si Mammon ay kapatid ni Satanas. May mga sumulat ding si Mammon ay ang diyos-diyosang Griego na si Pluto; siya ay ang mapang-akit na diyos ng kayamanan. Ang sabi naman ng Strong’s Concordance, “Mammon ay anumang bagay na pinagkakatiwalaan ng tao.” Pag nagtitiwala ka sa kayamanan, inaalihan ka ng espiritu ni Mammon.

Bakit hindi puwedeng paglingkuran nang pareho ang Diyos at si Mammon? Ang paliwanag ni Jesus, ito ay dahil mamahalin mo ang isa at kamumuhian ang pangalawa. Samakatuwid, kung magmamahal ka sa kayamanan, mamumuhi ka sa Diyos; at kung magmamahal ka naman sa Diyos, mamumuhi ka sa kayamanan. Hindi puwedeng dalawa ang panginoon o diyos sa buhay ng isang tao. Maglalaban ang dalawang ito. Hindi puwedeng mamangka sa dalawang ilog.

Ang Lola Irene ko ay may matagumpay na negosyong nag-aalaga ng maraming baka sa Bicol. Subalit ginawa niyang dalawa ang amo sa negosyo – ang papa ko at ang kuya niya. Magkaiba ang estilo nila ng pamamahala. Ang papa ko ay may pagka-istrikto (o authoritarian); samantala, ang tiyo ko ay may pagka-mapagkunsinti o maluwag. Ang ipinagbabawal ng papa ko, pinapayagan ng tiyo ko; ang pinapahintulot ng papa ko, ipinagbabawal ng tiyo ko. Gulong-gulo at litong-lito ang mga manggagawa at customer. Sino ba ang susundin nila? ‘Di nagtagal, nagkapikunan ang papa ko at kuya niya; nag-away sila nang matindi. Nauwi ito sa suntukan at bunuan sa harapan ng kani-kanilang asawa. Kamuntik pang magbarilan silang dalawa. Mabuti na lang at namagitan ang matapang kong lola. Pinauwi niya sa Maynila ang papa ko, at naiwang mag-isa sa negosyo ang tiyo ko. Hindi talaga puwedeng dalawa ang amo sa isang negosyo.

Iyan din ang dahilan kung bakit sa Bibliya, bagama’t pantay ang pagtingin ng Diyos sa lalaki at babae, subalit iniutos niya, “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyo-inyong asawa gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.” (Efeso 5:22). Kung walang magpapasakop, maaaring mauwi ito sa matinding away at hiwalayan; at ang mga anak ang magdudusa.

♦♦♦♦♦

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)