“BIGYAN mo kami ng aming pagkain sa araw-araw” (Mateo 6:11)
Panalangin ay isang dakilang kapangyarihan. Sa pamamagitan nito, maaari nating makamit ang kalakasan at mga kakayahang nagmumula sa pinakadakilang kapangyarihan sa buong daigdig – Ang Diyos.
Ang panalangin ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng Diyos sa kanyang mga anak. Isipin ninyo, binibigyan tayo ng Diyos ng karapatang lumapit at maabot ang kanyang trono ng biyaya sa langit. Nagkakaroon tayo ng daan para maiprisinta ang lahat ng ating pangangailangan sa buhay, at makahingi ng mga probisyon. Nangako si Jesus sa atin, “Kung kayo’y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.” (Juan 14:14). Ang Diyos ay ang lumalang ng langit at lupa sa loob lamang ng anim na araw. Ganyan kamakapangyarihan ang Diyos. Napakasimple at napakadaling bagay para sa kanya na maibigay sa atin ang ating pang-araw-araw na pangangailangan.
Natutuwa ang Diyos kapag tayo ay umaasa at nagtitiwala sa kanya. Kinagigiliwan niya ang inosente at mapagpakumbabang paghingi ng tulong mula sa kanya. Halimbawa, sa Lumang Tipan ng Bibliya, si Jacob ay naglakbay nang mag-isa papunta sa Haran, ang bayan ng kanyang mga kamag-anak, para makahanap ng mapapangasawa at para matakasan ang poot at pagbabanta ng kanyang kuya. Nangamba siya para sa kanyang kinabukasan. Nanalangin siya sa DIyos na huwag sana siyang pababayaan.
Gumawa siya ng isang panata sa Diyos at sinabi niya, “O Diyos, kung sasamahan mo ako, iingatan sa aking lakad, bibigyan ng aking pagkain sa pang-araw-araw, bibigyan ng pananamit, at ibabalik ako sa tahanan ng aking ama, ikaw ang magiging Panginoon at Diyos ko habang buhay.” (Tingnan ang Genesis 28: 20-21).
Sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin. Nagbigay nga ang Diyos ng lahat niyang pangangailangan. Pati ang hindi niya hiningi ay ibinigay din ng Diyos – ginawa siyang ubod ng yaman. Hindi siya humiling ng kayamanan; ang hiningi niya ay kasapatan lamang. Subalit natuwa ang Diyos sa kanyang hindi mapagkamkam na dasal; kaya pinayaman siya.
Ganoon din ang nangyari kay Haring Solomon. Batang-bata pa lang siya nang maging Hari ng Israel. Nagpakita ang Diyos sa kanya at sinabi, “Humiling ka ng kahit ano at ibibigay ko sa iyo.” Hindi makasarili o mapagkamkam si Solomon. Hindi niya hiningi ang kayamanan. Ang hiniling niya ay “Bigyan mo ako ng karunungan para mapamahalaan ko ng mabuti ang iyong bayang Israel.” Natuwa ang Diyos sa dasal niyang ito. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Dahil ito ang hiniling mo – karunungan para mapamahalaan ng maayos ang aking bayan – ibibigay ko sa iyo iyan. Pati ang hindi mo hiningi ay ibibigay ko rin. Ginawa ng Diyos na pinakamarunong at pinakamayamang hari sa buong mundo si Solomon.
Nagbabala si Solomon sa atin na huwag tayong magnanasang yumaman at huwag tayong magmamadaling yumaman. Isinulat niya, “Ang taong nagmamadaling yumaman ay mauuwi lamang sa karalitaan.” (Kawikaan 28:20). Deretsohang sinabi ni Solomon, “Huwag magpakapagod sa pagpapayaman, maging matalino ka na ang sarili’y mapigilan.” (Kawikaan 23:4). Ang payo niya, kung mananalangin tayo sa Diyos, ang sabihin natin ay “Huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man.” Ang hilingin lang natin ay ang maging katamtaman ang kalagayan sa buhay. Pag magiging mahirap tayo, baka tayo matuksong magnakaw; at ito ay kinamumuhian ng Diyos. ‘Pag lumabis naman ang ating pagyaman, baka tayo maging palalo at kalimutan ang Diyos; at baka sabihin natin, “Sino ba ang Diyos? Hindi ko siya kailangan sa buhay ko.” (Kawikaan 30: 8)
Mismong si Apostol Pablo ay nagpayo at nagbabala sa atin na umiwas sa pagiging sobrang yaman. Ang sabi niya, “Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan.” (1 Timoteo 6:9)
Tinuturuan tayo ni Jesus na manalangin, “Bigyan mo kami ng aming kakanin sa araw-araw.” Ang dasal na ito ay hindi lang tungkol sa pagkain. Oo, kasama rito ang pagkain, subalit sakop rin dito ang lahat ng ating pangangailangan sa buhay na maibibigay ng Diyos Ama. Kasama rito ang mga “basic needs” (mga pangunahing pangangailangan) para sa mabuting kalusugan at maayos na kalagayan. Kilalanin nating nakadepende tayo sa Diyos para sa lahat ng mga pang-araw-araw na pangangailangan. Kailangan natin ng pagkain para mabuhay. Kung walang pagkain ng mahabang panahon, maaari tayong mamatay. Katunayan, nagparami ng tinapay at isda ang Panginoong Jesus para pakainin ang madlang nagugutom.
Ang paghingi natin sa Diyos ng pang-araw-araw na pangangailanagn ay nagpapakita ng ating pagtitiwala sa kanya; at gusto niya ito. Sa pamamagitan ng kanyang pagbibigay ng ating pang-araw-araw na pagkain, mapapasalamatan natin siya at makakapaglingkod tayo sa kanya at sa kapwa ng may kasiglahan at kasiyahan. Kaya sa susunod na kakain tayo, tandaan natin kung sino ang nagbigay noon, magpasalamat tayo, at gamitin natin ang ating lakas para magmahal sa Dios at maglingkod sa kapwa.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)