TURO NI JESUS: HUWAG LALABAGIN ANG MGA UTOS NG DIYOS

“BAKIT naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon?” (Mateo 15:3)

Mahal ng Diyos ang sangkatauhan. Gusto niyang bumuti ang ating buhay. Nagbigay siya ng mga kautusan para sa ikabubuti natin. Ang turo ni Jesus, “Kung susundin ninyo ang aking mga utos, gaganda ang inyong buhay at magiging matatag ito. Subalit kung hindi ninyo susundin ang mga ito, mapapariwara ang buhay ninyo; at maaaring gumuho ito.” (Mateo 7:24-27)

Ang problema nga lang – may pagkasuwail ang tao. At mayroong manunukso na gustong magpabagsak sa tao. Sa Hardin ng Eden, napakainam ng buhay nina Adan at Eba. Nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay, pati ang mga isda sa dagat, mga ibon sa himpapawid, at mga hayop sa lupa para pamunuan ng tao. Lahat ng mga prutas at gulay ay pagkain ng tao. Iisa lang ang utos na ibinigay ng Diyos kay Adan at Eba, “Huwag ninyong kakainin ang bunga ng kaalaman ng mabuti at masama na nasa gitna ng hardin. So oras na kakainin ninyo ito, siguradong mamamatay kayo.” (Genesis 2:16-17). Dumating si Satanas sa anyo ng isang ahas at tinukso sina Adan at Eba, at kumain sila ng ipinagbabawal na bunga. Ang resulta? Pinalayas sila sa hardin, naging mahirap ang buhay, tumatanda na ang kanilang katawan, nagkakasakit, at namamatay. Seryoso ang Diyos sa kanyang mga utos. Ibinibigay niya ito para sa ikabubuti natin. Kung susunod tayo, pagpapala ay darating. Kung lalabag tayo, sumpa ang mangyayari.

Sa Bundok ng Sinai, nagpakita ang Diyos kay Moises at sa mga Israelita upang ibigay ang mga Kautusan ng Dyos. Kung susundin nila ang mga ito, sila ay magiging pinagpalang bayan ng Diyos. Subalit kung hindi, madadaig sila at magiging alipin ng mga kaaway. Pagkamatay ni Moises at ng mga matatanda ng Israel, tumalikod ang mga Israelita sa mga kautusan ng Diyos. Kaya ipinatapon sila mula sa Ipinangakong Lupa. Inalipin sila ng ibang bansa.

Nang magsisi sila, ibinalik sila ng Diyos sa kanilang lupain. Subalit ‘di nagtagal, lumabag na naman sila sa mga utos ng Diyos. Sumulat sila ng mga aklat kagaya ng Gemara, Mishna, Talmud at iba pa; at ito ang sinunod nila at hindi na ang orihinal na turo ng Diyos. Gumawa sila ng mga sarili nilang tradisyon at katuruang wala sa Bibliya. Nakipag-debate sa Panginoong Jesus ang mga Pariseo, Saduceo, Eskriba at mga Pari ng Templo dahil hindi sinusunod ni Jesus ang mga gawa-gawa nilang tradisyon na labag sa utos ng Diyos. Naging masyadong legalistic at walang kahabagan ang mga pinuno ng mga Judio. Naging mapagmataas, mapaghusga, malupit at hipokrito sila.

Halimbawa, ang utos ng Diyos ay huwag gamitin ang araw ng pamamahinga (Sabado) para sa makasariling layunin. Subalit ang turo ng mga Judio, tuwing Sabado, hindi puwedeng magluto ng pagkain, magbukas ng ilaw ng bahay, o magmaneho ng kotse dahil trabaho raw iyon. Kaya ang ginagawa ng mga Judio ay nag-aarkila sila ng mga taong hindi Judio para ang mga ito ang magluluto ng pagkain, magbubukas ng ilaw at magmamaneho ng kotse tuwing Sabado. Iniutos ng Diyos, “Galangin ang iyong ama at ina.” Subalit ang turo ng mga Judio, kapag ang isang Judio ay mag-aambag ng pera sa templo o sinagoga, hindi na niya kailangang mag-ambag ng perang tulong sa kanyang mga magulang kapag nangangailangan ang mga ito. Naging mga hipokrito ang maraming Judio. Pag nahulog ang alagang hayop nila sa balon sa araw ng Sabado, ayon sa gawa-gawang turo ng mga Judio, hindi puwedeng ihango ang hayop na iyon dahil pagtatrabaho raw iyon.

Pero sa totoo lang, nilalabag nila ang katuruan at palihim na inililigtas ang nahulog na hayop.
Sumulat ang mga Judio ng mahigit 70 volumes ng Talmud. Mas pinahahalagahan nila ito kaysa sa utos ng Diyos sa Bibliya. Ang ambisyon ng mga lalaking Orthodox Jews ay igugol ang buong buhay nila sa pag- aaral ng Talmud, at hindi na naghahanap ng ibang trabaho. Ang mga misis nila ang naghahanap-buhay para mabuhay ang pamilya.
Sa totoo lang, maganda namang magkaroon ng mga family traditions dahil nagbubuklod ang mga ito sa pamilya at magkakaroon ng magagandang ala-ala ng mga anak; subalit hindi dapat lalabag ang mga ito sa turo ng Bibliya. Halimbawa, noong bata pa ako, naging tradisyon ng pamilya ko na kapag magpa-Pasko, dapat kaming maglagay ng medyas sa Christmas tree dahil magbibigay raw si Santa Claus ng regalo sa amin. Kaya tuloy, ang pasasalamat at pagmamahal ko tuwing Pasko ay nakay Santa Claus at hindi sa Panginoong Jesus na siyang nagbuwis ng Kanyang buhay para iligtas ang mga makasalanan. Pag January 6 naman, sinabi sa aming mga bata na maglagay ng sapatos sa may bintana dahil magbibigay ng pera ang tatlong hari. Nang malaman kong hindi pala totoo si Santa Claus at ang Three Kings, nasiphayo ako. Niloko lang pala nila kami.

Naging mga Bible Christians kami ng misis ko. Gusto naming lumikha ng masasayang tradisyon para sa aming mga anak. Ginawa naming family tradition ang pagpunta sa simbahan tuwing Linggo, ang pagkakaroon ng Bible study at prayer time sa aming tahanan, ang pananalangin bago kumain at matulog. Tuwing hapon ng Linggo, dumadalaw kami sa aming mga magulang, At tuwing bakasyon, namamasyal kami sa malalayong lugar – sa ibang probinsiya, Singapore, Thailand, Japan, atbp. Ngayon, lahat ng mga anak namin ay nagmamahal sa Diyos at ipinapasyal din nila ang mga anak nila, tulad ng ginawa naming mag-asawa. Kaya, magkaroon tayo ng magagandang family traditions, subalit tiyaking hindi lumalabag ito sa mga klarong katuruan ng Diyos sa Bibliya.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)