“BAKIT ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” (Mateo 14:31)
Ang sabi ng Bibliya, “Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya.”
(Hebreo 11:6). “Ang anumang hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan.” (Roma 14:23) “Ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 1:17) Ang Diyos ay Espiritu. (Juan 4:24) Alam Niyang mahirap para sa mga tao ang paniwalaang Siya ay totoo dahil hindi Siya nakikita. Alam din Niyang mahirap para sa taong maniwalang ginawa ng Diyos ang buong daigdig sa loob lamang ng anim na araw. Bumabangga ito sa lohika ng tao. Bagama’t mahirap unawain, hindi ibig sabihing hindi nga totoo ang mga ito. Ang imposible sa tao ay posible sa Diyos. (Lucas 18:27) Sa pamamagitan lang ng pananampalataya makikilala ang Diyos dahil nga Espiritu Siya.
Pagkatapos ng dakilang baha na gumunaw sa mundo, dumami ulit ang mga tao; sila ay mga salinlahi ni Noe at ng kanyang tatlong anak na sina Sem, Ham at Jafet. Pagdami ng tao, nakalimot sila sa Diyos. Gumawa at sumamba sila sa mga diyos-diyosan. Ang natatanging taong nanampalataya sa tunay na Diyos ay si Abraham. Inutusan siya ng Diyos na iwan ang bayan ng Ur sa Caldea, at maglakbay papunta sa Ipinangakong Lupa (ang lupain ng Israel ngayon).
Nanampalataya si Abraham at sumunod sa Diyos. Sa edad na 75, wala pa rin siyang anak.
Nanalangin siya, “Panginoon, pinagpala mo nga ako; subalit wala naman akong anak. Ang magmamana ng lahat ng ari-arian ko ay si Eliezer na aking katulong.” Nangako ang Diyos,
“Bibigyan kita ng sarili mong anak. Ang salinlahi mo sa kanya ay magiging kasing dami ng bituin sa langit.” Nanampalataya si Abraham. Nalugod ang Panginoon sa kanya at itinuring siyang “matuwid.”
Dati-rati, ang gustong maligtas ay dapat tumupad ng perpekto sa lahat ng mga kautusan ng Diyos na ibinigay kay Moises. Subalit walang sinuman ang nakatupad nito. Ang lahat ay nanganganib na mapahamak. Dumating si Jesus at namatay sa krus para bayaran ang utang ng sangkatauhan.
Ngayon ay sinasabi ng Diyos, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at ikaw ay maliligtas.”
(Gawa 16:31). Ang kaligtasan at pagiging matuwid sa mata ng Diyos ay sa pamamagitan ngayon ng panananamplataya kay Jesus, hindi ng mga gawa.
Pagkatapos pakainin ni Jesus ang mahigit 5,000 katao, pinauna niyang sumakay ng banca ang kanyang mga alagad. Gabi na noon at nahihirapan silang maglayag sa dagat dahil salungat ang hangin. Walang kaginsa- ginsa, nakita nila si Jesus na lumalakad sa dagat papalapit sa kanila.
Napasigaw sila, “Multo!” Sinabi ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Ako ito.” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung ikaw nga iyan, utusan mo akong lumapit sa iyong lumalakad sa tubig.” Sinabi ni Jesus, “Halika!” Habang nakatutok ang paningin ni Pedro kay Jesus, nakalakad nga siya sa ibabaw ng tubig. Subalit nang alisin niya ang paningin niya kay Jesus at tumingin sa malalaking alon, nag-alinlangan siya at biglang lumubog sa tubig na sumisigaw, “Jesus, saklolohan mo ako.” Hinawakan siya ni Jesus, dinala sa banca, at sinabi sa kanya, “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!”
Kung talagang malaki ang pananampalataya natin sa Diyos at hindi nag-aalinlangan, magagawa natin ang imposible; magtatagumpay tayo. Subalit kung magdududa tayo, hindi malulugod ang Diyos sa atin, at mabibigo tayo.
Noong nag-aral ako sa bansang Netherlands, nangako ako sa asawa ko na makakasama ko sila ng panganay naming anak sa Netherlands bago mag- Pasko ng 1984. Malakas ang pananampalataya ko. Ipon ako nang ipon para payagan ako ng Dutch government. Noong isang linggo na lang ang natitira bago mag-Pasko, bumista ako sa isang Kristiyanong kabigan, si Ann Molenaar. Sinabi ni Ann, “Sayang Rex; magpa-Pasko na at hindi mo kasama ang asawa at anak mo.”
Sinabi ko, “Ann, naniniwala ako na makakasama ko sila bago mag-Pasko.” Sinabi ni Ann, “Rex, imposible iyan. Isang linggo na lang ang natitira.” Sumagot ako, “Ann, pinanghahawakan ko ang sinabi ng Diyos sa Bibliya, ‘Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon.’” (Exodo 14:13) Nagulat si Ann at sinabi, “ Rex, hindi mo puwedeng i-blackmail ang Diyos ng ganyan!” Umuwi akong malungkot dahil hindi naniwala si Ann. Pagdating ko sa dorm, umiiyak akong nanalangin, “Panginoon, nasaan na ang pangako mong milagro? Bakit mo ako pinababayaan?” Sumagot ang Diyos sa akin, “Tahan na, tahan, matatanggap mo ang milagro mo bukas.” Kinabukasan, maaga akong gumising at tumawag sa Department of Foreign Affairs (DFA) at kapulisan ng Netherlands, subalit sinabi nilang hindi nila ako matutulungan. Nagalit ako sa katigasan ng puso nila. Nang makita ako ng aming librarian na Pilipina, sinabi niya, “Rex, may problema ka ba?” Sinabi ko, “Oo, isusuko ko na ang scholarship ko rito dahil sa katigasan ng puso ng Dutch government.” Sinabi niya, “Maghintay ka lang. Kakausapin ko ang dekano.” Kinausap ako ng dekano at ipinaliwanag ko ang problema ko. Pinapunta niya ako sa aklatan at siya ang nakipag-usap at nakipag-away sa DFA at kapulisan. Makalipas ang isang oras, tinawag ako at sinabi, “Rex, you got your miracle!” Sa wakas, binigyan ang misis at anak ko ng visa. Madali akong umuwi sa dorm, nagpatirapa sa sahig, at nanalangin, “Diyos ko, napakadakila mo! Hinding-hindi na ako mag-aalinlangan sa iyo.” Dumating sa Netherlands ang pamilya ko noong December 24, 1984. Para magtagumpay tayo sa anumang gawain, tiyaking kalooban ng Diyos ang ating gawain, at huwag mag-aalinlangan sa Kanya.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)