TURO NI JESUS: HUWAG MAGING PAKITANG-TAO

“PAG-INGATAN ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 6:1)

Isa sa pinaka-ayaw ng Panginoong Jesus ay ang mga taong hipokrito.

Lagi niyang nakakabangga ang mga Pariseo noong panahon niya dahil mga hipokrito ang mga taong ito. Akala mo kung sinong mga banal; subalit puro pala pagmamataas, pagkamuhi at karahasan laban sa kapwa- tao ang nasa puso nila. Kaya, tinawag sila minsan ng Panginoon na “mga nitso na pinaputi.”

 Mukha silang banal sa panlabas, ngunit marumi ang kanilang pag-iisip. Sa isang kuwento ni Jesus, mayroon daw dalawang tao sa templo na nananalangin. Ang pariseo ay nakatayo at nanalanging malakas ang tinig, “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag- aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.” Samanatala, ang maniningil ng buwis ay mapagpakumbabang nanalangin habang dinadagukan ang dibdib, “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!” Sinabi ni Jesus na umuwi ang maniningil ng buwis na pinatawad ng Diyos, subalit hindi ang hipokritong pariseo.

Sa turo ni Jesus, may tatlong larangan kung saan madalas na nagpapakitang-tao: sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap, sa pananalangin, at sa pag-aayuno. May mga taong gustong mapansin ng publiko pag sila ay tutulong sa mahihirap. May mga tao ring mapagtawag ng pansin kung sila ay nananalangin. At may mga taong gustong maglantad sa publikong sila ay nag-aayuno para ipakitang sila’y mga banal at may mas mataas na relihiyon kaysa sa iba.

Tungkol sa pakitang-taong pagbibigay, naalala ko ang maraming politiko sa ating bansa. Kapag malapit na ang halalan, nagtatayo sila ng mga dambuhalang karatula na nag-aanunsiyo, “This is a project of Congressman Mandurugas” o “A project of Mayor Korakot.” Bakit kailangang ipagsalandakan nila ang mga mukha at pangalan nila? Bakit, pera ba nila ang ginamit sa mga proyektong ito? Hindi ba’t buwis ng taumbayan ang ginamit para ipatupad ang mga proyektong ito?

Sa isang simbahang pinaglingkuran ko, nagsilbi ako sa Board of Elders. Nakatunggali ko ang ilang mga elders dahil ang galing-galing nilang gumamit ng pera ng simbahan para sa mga gusto nilang pagbigyan ng pera. Napakamagastos nila. Hindi sila nag-iingat sa paggamit ng pera ng Panginoon. Ang sabi ko sa kanila, “Kung gusto niyong maging galante, maging galante kayo sa sarili niyong pera, hindi sa pera ng Panginoon.”

Tungkol naman sa pakitang-taong pananalangin, may ilang religious show sa TV kung saan ang mga host ay miyembro ng isang simbahan at gustong-gusto nilang tumayo para manalangin sa harap ng camera para ipakitang sila ay mga banal na tao. Ang sabi ni Jesus, kung mananalangin ka, dapat ay gawin mo ito sa loob ng iyong kuwarto para walang nakakakita. Ang panalangin ay dapat gawin sa Diyos, hindi sa tao.

Tungkol naman sa pakitang-taong pag-aayuno, ang sabi ni Jesus, huwag ipakita sa mata ng publiko na ikaw ay nag-aayuno para kahabagan ka. Palihim dapat ang pag-aayuno dahil ginagawa mo ito sa Diyos at hindi sa tao. Nakakalungkot na may ilang taong pag nag-aayuno, inaanunsiyo pa sa publiko na sila’y nag-aayuno para ipakitang mga banal sila. Hindi nalulugod ang Diyos sa mga gawaing pakitang-tao. Mas mainam iyong ginagawa natin ang mga gawa ng kabutihan nang palihim. Diyos lang dapat ang nakakaalam. Ang Diyos ay ang maggagantimpala.

May kilala akong isang consultant na pakitang-tao kung maglingkod. Nang ako ay nasa isang banyagang bansa para magsanay ng mga tao roon, nakasama ko ang consultant na ito. Sinabi niya sa akin na sa paniwala niya, hindi naman daw talaga nakakatulong ang proyekto naming ginagawa para sa ibang bansa. Katunayan, mas lalo lang daw kaming nakakagulo kaysa nakakatulong. Tinanong ko siya kung ganoon pala ang kanyang paniwala, bakit siya tumatanggap pa ng mga imbitasyong mag-consultant? Sabi niya, ginagawa lang daw niya iyon dahil sa perang tatanggapin niya. Ang sabi ko, “Hindi ako sang-ayon sa iyo. Nagtatrabaho ako at nagsasanay ng mga tao sa ibang bansa dahil talagang gusto kong makatulong na umunlad ang bansa nila.”

Minsan, may dalawang manager ng malaking kumpanya na humiling sa akin ng tulong magsanay ng kanilang mga empleyado, subalit wala daw silang pambayad sa akin dahil ubod ng kunat ang may-ari ng kanilang kumpanya. Pumayag akong maglingkod nang libre para makatulong sa kanila. Kahit walang bayad, todo-bigay ang pagsilbi ko dahil ang utos ng Bibliya, “Anuman ang iyong gawain, ibigay mo ng buong puso, alang-alang sa Panginoon at hindi para sa tao.” (Colosas 3:20).

Paglipas ng maraming taon, naging Human Resource Manager ng ibang kumpanya silang dalawa. Naalala nila ako. Bigla akong tumanggap ng imbitasyong magpatupad ng maraming programa ng pagsasanay para sa mga empleyado nila. Ang isang pagsisilbi kong libre ay nagbunga ng maraming oportunidad. Tama ang Panginoong Jesus, magsilbi ng taos-puso kahit walang bayad. Gawin ito para sa Diyos at hindi pakitang-tao lang. May gantimpalang naghihintay mula sa Diyos.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)