“GAYUNMAN, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19)
Ang sabi ni Jesus, “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.” (Mateo 7:20) Malalaman mong makatotohanan o huwad ang isang tao sa pamamagitan ng kanyang bunga. Ang bunga ng tao ay ang kanyang mga kapasyahan at kilos.
Ang mga salita ay hindi mabuting basehan ng paghusga sa pagkatao ng isang tao dahil marunong siyang magkunwari o magsinungaling. Kaya nga may kasabihang Filipino, “Labis sa salita, kapos sa gawa; nasa nguso, wala sa puso.”
Ang paulit-ulit na desisyon at pag-uugali ng isang tao ay ang mas mabuting ebidensiya ng kanyang pagkatao.
Halimbawa, kung sasabihin ng isang taong siya ay maka-Diyos subalit ang ugali niya ay sinungaling, magnanakaw, mangangalunya, inggitero, suwapang, o marahas, malinaw na hindi siya totoong mabuting tao. Kung ang isang tao naman ay ubod nang sipag magtrabaho, mahusay sa lahat ng gawain, magaling magplano at magtipid, maayos ang pamumuhay, disiplinado, mapagmahal, mapagbigay, o matulungin, klarong-klarong mabuting tao siya.
Isa akong tagapagsanay ng mga manager at supervisor ng mga kompanya. Lagi kong itinuturo, “Makikilala ang punong-kahoy sa pamamagitan ng bunga; makikilala ang mahusay na tao sa pamamagitan ng kanyang resulta. Nag-aarkila tayo ng mga manager para maghatid ng resulta, hindi katuwiran.” Kung gustong malaman ang galing ng tao, tingnan ang resultang lumalabas dito.
Resulta ang ebidensiya ng karunungan. Halimbawa, may isang manager ng isang kompanya; siya ay napakaguwapo, matangkad, makapal ang biodata, may Masters o PhD degree, summa cum laude honors, at magaling mag-inggles.
Samantala, may ikalawang manager na hindi kaguwapuhan, hindi mataas ang mga grado sa paaralan, at hindi magaling mag-inggles. Sa biglang tingin, parang mas magaling ang unang manager. Subalit nang magkaroon sila ng mga proyektong pangangasiwaan, ang unang manager ay laging palpak ang resulta, hindi naaabot ang deadline, lampas sa budget ang gastos, bagsak ang motivation ng mga manggagawa at maraming gusto nang magbitiw, at diskontento ang mga customer.
Samantala, ang ikalawang manager ay may napakagandang resulta, natatapos sa oras ang proyekto, hindi kinukulang ang budget, mataas ang morale ng mga manggagawa, at abot-langit ang pasasalamat ng mga customer.
Sino sa dalawa ang talagang magaling na manager? Ang ikalawa; kahit hindi siya guwapo o marunong mag-inggles.
Ang aktuwal na resulta ang ebidensiya ng kahusayan ng isang tao.
Naaalala ko noong nagtatrabaho pa ako sa isang pharmaceutical company, meron kaming isang division na pagmamay-ari ng mga Frances. Ang Marketing Manager ay graduate ng Unibersidad ng Pilipinas. Kada buwan, meron siyang quota ng benta na dapat abutin. Kung maaabot niya ang quota, matutuwa ang mga Frances at mapananatili siya sa posisyon. Kung palaging hindi niya maaabot ang quota, maaaring matanggal siya sa puwesto.
Mayroon siyang mga medical representatives (medrep) na nagkukumbinsi sa mga doktor na ireseta sa mga pasyente ang brand ng gamot na ibinebenta nila. Ang nangangasiwa sa mga med rep ay mga area manager. May isang area manager na ang pangalan ay si Rolly. Hindi nakapagtapos ng kolehiyo si Rolly; hindi siya mahusay manamit dahil mahirap lang siya, hindi marunong mag-inggles, at mahiyain; subalit mananampalataya siya sa Panginoon. Hindi siya paborito ng Marketing Manager dahil wala siyang “charisma” at hindi kahanga-hanga ang itsura. Samantala, may ibang mga area manager na kahanga-hangang tingnan; mga graduate ng UP, Ateneo, La Salle, at iba pang magagaling na paaralan; mga guwaping at magaling mag-inggles.
Bawat buwang lumilipas, hindi nakakaabot ng quota ang ibang area manager. Subalit laging nakukuha ni Rolly ang target niya. Pinagtakhan ito ng Marketing Manager, pati ng ibang area manager at medrep. Noong una, hindi pa rin binigyang pansin si Rolly dahil baka raw nakatsamba lang. Subalit sa mga sumunod na buwan, ganoon pa rin ang nangyari. Noong sumunod na taon, tumaas ang quota nila, parang pambihirang abutin. Dahil hindi naaabot ang pangkalahatang quota, binantaan ng mga Frances ang Marketing Manager na baka palitan na siya.
Natakot ang manager at nakiusap sa mga area manager na pagbutihin ang trabaho; subalit wala pa rin. Nang magtatapos na ang buwan at wala pa ring quota, bagama’t mabigat sa kanyang loob, kinausap ng manager si Rolly, “Rolly, gawan mo ng paraan.” Sabi ni Rolly, “Sige po, boss, ako ang bahala.” Ang ginawa ni Rolly ay nanikluhod siya sa Diyos at nanalangin, “Panginoon, ikaw lang ang aking pag-asa. Alam mo namang mababa lang ang pinag-aralan ko, hindi ako marunong mag-inggles, wala akong sariling kakayahan. Tulungan mo po ako.” Pumunta si Rolly sa Binondo, at kinausap ang mga may-ari ng mga bodega at tindahan ng gamot. Pagbalik ni Rolly sa opisina, dala-dala na niya ang pangkalahatang quota. Tuwang-tuwa ang manager. Tinanong si Rolly ng lahat, “Ano ba ang sekreto mo?” Sinabi ni Rolly, “Panalangin lang iyan.” Subalit hindi sila naniwala. Akala nila inililihim ni Rolly ang sekreto niya. Ito ang ibig sabihin ni Jesus ng sabihin niyang, “Ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)