“ANG bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.” (Mateo 7:24-27)
Si Jesus ay ang Anak ng Diyos, siya ay Diyos, at siya ay ang lumikha ng lahat ng bagay. (Tingnan sa Juan 1:1-3). “Si Jesus ay ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.” (1 Juan 5:20) Dahil dito, makapangyarihan ang salita niya. Ito ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at karunungan. Nakapagpapabago ng buhay ang kanyang salita. Nagdudulot ito ng kapayapaan, kaayusan at kasaganaan. Ang pagsunod sa kanyang salita ay nagbubunga ng malinis na yaman. Ang sabi ng Deuteronomio 15:4-5, “Hindi magkakaroon ng dukha sa inyo sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang iyong angkinin, KUNG masikap mong pakikinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at gagawin ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.”
Ang layunin ng pagparito ni Jesus sa lupa ay upang bigyan ang sangkatauhan ng masaganang buhay. (Juan 10:10) Gusto ni Jesus na dumanas tayo ng buhay na masagana dito sa lupa, at magkaroon ng buhay na walang hanggan sa langit. Talagang napakabuti niya sa atin.
Ang tanong: kung gusto pala ng Panginoong walang dukha sa atin; at sa halip ay magkaroon tayo ng kasaganaan, bakit ang karamihan ng tao ay hindi dumaranas nito? Bakit marami ang mahihirap sa mga Kristiyano?
Ang sagot: Dahil karamihan ng mga tao, pati mga Kristiyano, ay hindi nagsasagawa ng mga salita ni Jesus. Magaling lang silang makinig pero hindi naman sinusunod ito.
May tatlong uri ng tao sa mundo: ang natural na tao, ang espirituwal na Kristiyano, at ang makalaman (carnal) na Kristiyano. Ang natural na tao ay hindi pa tumatanggap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapaglitas; pag namatay ito, sa impiyerno siya pupunta. Ang espirituwal na Kristiyano ay isang taong tumanggap kay Jesus at sumusunod sa kanyang mga salita. Ang makalamang Kristiyano ay tumanggap kay Jesus subalit hindi sumusunod sa kanyang salita. Karamihan (sa palagay ko ay 90%) ng mga taong nagsasabing Kristiyano sila ay hindi espirituwal; sila ay makalaman, matigas ang ulo, sumusuway sa mga katuruan ni Jesus. Tinatawag din silang mga “backslidden Christian.” Dahil nananampalataya sila kay Jesus, ligtas ang kanilang kaluluwa, subalit habang nabubuhay sa lupa, wala silang kasaganaan. Ang babala ni Jesus, ang mga taong nakikinig sa kanyang salita at sumusunod dito ay mga marurunong na taong may matatag at pinagpalang buhay. Samantala, ang mga nakikinig sa kanyang salita subalit hindi naman sumusunod ay mga taong hangal na bumabagsak ang buhay.
Ang halimbawa ng Kristiyanong makalaman ay si Judas Iscariote. Isa siya sa labindalawang apostol ni Jesus. Tatlong taong nakasama niya si Jesus, napakinggan ang kanyang mga turo, namalas ang kanyang mga milagro, sinugo siya ni Jesus at nabigyan ng kapangyarihang mangaral at gumawa ng milagro, subalit wala talaga sa puso niya ang katuruan ni Jesus. Nagnanakaw siya ng pera mula sa kaban ng ministeryo ni Jesus. Pagkatapos ay ipinagkanulo niya si Jesus para sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Pagkatapos, nagpatiwakal siya.
May mga kakilala akong Kristiyanong magaling makinig sa salita ni Jesus pero hindi naman sumusunod. Uma-attend sila ng simbahan para makinig ng mga aral ukol kay Jesus, nakikinig sa radio at TV ukol kay Jesus, at nagbabasa ng Bibliya araw-araw, subalit hindi naman sumusunod. Nang maalok ng mga “Get rich quick schemes” mula sa mga swindler, agad-agad silang nasilaw sa pera, nagbenta ng mga bahay at lupa, kalabaw, tricycle, at ibang ari-arian para mamuhunan sa negosyo ng swindler; kaya tuloy, nawala ang kanilang mga ari-arian. Ngayon ang isang pamilya ay nakikitira na lamang sa basement ng isang simbahan.
Nang ako ay nagpa-pastor pa sa isang urban poor church, itinuro ko sa mga miyembro na kapag aalukin sila ng gobyerno ng pabahay, tanggapin nila dahil hindi naman mapapasakanila ang lupang kinatitirikan ng bahay nila sa kasalukuyan. Tapos, nag-alok nga ng pabahay ang gobyerno. Ang mga nakinig sa akin ay nagkaroon ng sariling bahay at lupa, at ngayon ay namumuhay nang may kapayapaan. Subalit may ilang hindi nakinig sa akin (dahil masyado raw malayo ang pabahay sa Montalban). Nang magkaroon ng demolition, natanggal ang bahay nila; at ngayon ay nakatira na lamang sa bangketa. Ang sabi nila ngayon, “Sana pala ay nakinig kami.”
Nagbigay ako ng libreng seminar tungkol sa makabibliyang pangangasiwa ng pera at itinuro kong umiwas sila sa mga swindler. Subalit may ilang hindi nakinig sa akin. Nasilaw sila sa “double your money scheme” ng isang manloloko. Natangay ang kanilang life savings, at ngayon ay iiyak-iyak na lamang. Ang sabi nila, “Sana pala ay nakinig tayo.” Ang kasaganaan ay nagmumula sa pakikinig sa salita ni Jesus at pagsasagawa nito.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)