TURO NI JESUS: KILALANING MAHALAGA TAYO SA MATA NG DIYOS

”KAYA, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” (Mateo 10:31)

Napansin kong maraming taong mahihirap ay may mababang pagtingin sa sarili. Ang pananaw nila ay wala na silang magagawa para mabago pa ang kanilang kalagayan. Bagbag ang kanilang kalooban; ang tingin nila, sila ay mga biktima ng kawalan ng katarungan at oportunidad. Ang paniwala nila ay nakatanikala na sila sa kulungan ng karalitaan. Katunayan, marami sa kanila ay hindi lang naniniwalang inaapi sila ng mga makapangyarihang tao sa lipunan, kundi sila rin ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga masasamang espiritu, multo, aswang, manananggal, mangkukulam, at iba pang mga puwersa ng kadiliman. Kung ganito ang tingin nila sa kanilang sarili, paano silang makakaalpas sa karalitaan, at yayaman? Hanggang hindi sila nakakalaya sa mga maling paniwalang ito, mananatili silang mahirap.

Noong nakaraang buwan, nag-facilitate ako ng isang workshop na nilahukan ng mga magsasakang mula sa Southern Leyte. Ang mga magsasaka ay ilan sa pinakamahirap na mamamayan ng Pilipinas (sa ibang bansa tulad ng Japan, mayayaman ang mga magsasaka). Tinanong ko ang mga kalahok kung bakit mahirap ang mga magsasaka.

Maraming dahilan silang binigay kasama na ang mataas na presyo ng mga input at mababang presyo ng mga produkto. Subalit ang isa sa malaking dahilan na tinalakay nila ay ang “masamang mindset” ng ilang magsasaka.

Mayroon daw silang “learned helplessness” o natutunang kawalan ng pag- asa.” Tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalarang maging maralita.

Subalit iba ang turo ng Diyos. Ang sabi ng Bibliya, “Ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, ayon sa kanyang wangis.” (Genesis 1:26). Ano ba ang larawan ng Diyos? Siya ay makapangyarihan. Siya ang namamahala sa buong sansinukob. Nilikha niya ang buong sanlibutan sa loob ng anim na araw. Ubod ng ganda ang kanyang nilikha. At ginawa ng Diyos ang tao – lalaki at babae – para maging tagapamahala ng buong mundo. “Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Ang tao ay ang representante ng Diyos sa sanlibutan.

Ang tao ay parang “diyos” sa ibabaw ng lahat ng nilalang sa ibabaw ng lupa. Sinabi ni Haring Solomon, “Inilagay ng Diyos ang walang hanggan sa isipan ng tao.” (Mangangaral 3:11, ABTAG). Ubod ng dakila ang halaga at kakayahan ng tao. Ang sabi ni Mahatma Gandhi, “Man is the center of a circle without a circumference.” (Ang tao ay ang sentro ng isang bilog na walang hangganan). Ang ibig sabihin nito, hindi masusukat ang hangganan ng kakayahan at potensiyal ng isang tao. Dahil siya ay nasa larawan ng Diyos na walang hanggan, walang hanggan din ang kakayahan ng tao. Dahil ang Diyos ay makapangyarihan, ang tao ay makapangyarihan din. Kaya sinabi ni Jesus na “higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” Kung magiging ganito ang paniwala ng isang tao, paano siyang mananatiling mahirap? Kahit na isilang siyang maralita, ang isang tao ay may kakayahang makaalpas sa kanyang abang kalagayan kung gagamitin niya ang kanyang kaisipan.

Ang sabi ng sikolohistang si William James, “Compared to what we ought to be, we are only half-awake. We are making use of only a small part of our physical and mental resources. Stating the thing broadly, the average human individual thus lives far within his limits. He possesses powers of various sorts which he habitually fails to use.”

(Kung ihahambing tayo sa talagang hangganan ng ating kakayahan, tayo ay parang naaalimpungatan lamang. Ang ginagamit natin ay maliit na bahagi lamang ng ating yamang pisikal at kaisipan. Ang karaniwang tao ay namumuhay ng mas mababa kaysa sa kanyang hangganan. Mayroon siyang samut saring kapangyarihang nakagisnan na niyang hindi gamitin.)

Dahil nilikha tayo sa larawan ng Diyos, napakadakila ng kayang gawin at magagawa ng isang tao. Subalit dahil sa masamang kapaligiran, edukasyon o maling pagpapalaki ng mga magulang, may mga taong lumaking ang akala ay mahihina sila at hindi kayang makapagbago ng kanilang sitwasyon.

Samakatuwid, para yumaman ang isang tao, dapat ay makita niya ang kadakilaan ng kanyang kakayahang ibinigay sa kanya ng Diyos. Dapat niyang maunawaan na hindi siya walang pag-asa. Hindi siya walang magagawa. Kung gugustuhin niya, kaya niyang baguhin ang kanyang sitwasyon. Dapat ay magkaroon siya ng pananampalataya sa kanyang sariling kakayahan sa tulong ng Diyos.

Dati akong mahiyain at mababa ang tingin sa sarili. Nang tanggapin ko ang Panginoong Jesus sa aking buhay at magbasa ng Bibliya, nagliwanang ang aking isip na ako pala ay anak ng Diyos, nilikha sa larawan ng Diyos, at maaari akong mapuspos ng Banal na Espiritu ng Diyos, at matatanggap ang kapangyarihan niya. Tumaas ang aking paniwala sa aking kakayahan.

Nagtrabaho ako ng may kahusayan, inipon ko ang malaking bahagi ng aking suweldo, bumili ako ng lote, nagpatayo ng bahay, nagtayo ng negosyo, bumili ng farm, pinagtapos sa pag-aaral ang apat kong anak, nagtatag ng mga pamayanang Kristiyano, at gumawa pa ng ibang bagay sa tulong ng Diyos. Tumulong ako sa ilang maralitang taga-lungsod. Nagsimula sila sa lubos na karalitaan; akala nila ay wala silang pag-asa. Subalit napalaya ni Jesus at ng Bibliya ang kanilang isip, at sila rin ay nakalaya sa karalitaan. Ngayon ay mayroon na ang marami sa kanila ng sariling bahay at lupa, negosyo, nakapagtapos sa pag-aaral ang mga anak, at patuloy na naglilingkod sa ibang mahihirap.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)