“YAMANG tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” (Mateo 10:8)
Ang kayamanan ay hindi nasusukat lang sa salapi. Ano ba ang kayamanan? Ang akala ng marami, ito ay ang dami ng pera na mayroon ka. Pag ang isang tao ay may maraming bahay, lupa, magandang pananamit, magagarang sasakyan, appliances, muebles, alahas, pera, maraming libangan, atbp., ang tingin ng mga nakakakita, mayaman ang taong iyon. Hindi nila inisip na baka galing lang pala sa utang at pagnanakaw ang mga iyon. Pag ang tao naman ay may napakasimpleng pamumuhay, hindi mamahalin ang pananamit, maliit lang ang bahay at lote, kaunti lang ang mga kagamitan sa bahay, at kaunti lang ang pera sa pitaka, ang tingin ng mga nagmamasid, hindi gaanong mayaman ang taong iyon. Hindi nila inisip na wala palang utang ang taong iyon, sadyang ginusto niya ang simpleng pamumuhay, at nag-aambag siya sa maraming charitable organizations.
Ang sabi ni Dr. Bill Gothard, isang Kristiyanong guro ng wastong pamamahala sa salapi, dapat nating tanggihan ang mga maling katuruan ukol sa pera na lumalaganap sa mundo ngayon. Isa sa maling konsepto ay “Success is measured by the amount of money you have” (ang tagumpay ay nasusukat sa dami ng perang mayroon ka). Ang kayamanan ay hindi pera. Tandaan nating ang pera ay mga papel lamang o barya na ginawa ng Bangko Sentral at idineklara ng gobyernong ito ay “legal tender” o salaping panagot sa isang bansa. Halimbawa, ang salaping piso ng Pilipinas ay “legal tender” (may kinikilalang halaga) sa bansang Pilipinas lamang. Hindi ito “legal tender” sa America o ibang bansa. Halimbawa, para makabili ka ng anumang produkto sa America, dapat palitan mo ang piso mo ng dolyar dahil dolyar ang “legal tender” sa Estados Unidos. Kaya, ang kayamanan ay hindi nasusukat sa dami ng pera.
Nang nilikha ng Diyos ang sanlibutan, wala pang pera noon. Subalit ubod nang yaman ang daigdig na nasumpungan nina Adan at Eba. Punom-puno ng samu’t saring halaman, punong-kahoy, gulay, hayop, bulaklak, at mga
mineral ang Hardin ng Eden na kanilang tahanan. Nag-uumapaw sila sa kasaganaan at kapayapaan. At maganda ang relasyon nila sa Diyos.
Hanggang ngayon, sobrang mapagbigay ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil isa akong magsasaka, ipinagpapasalamat ko ang galanteng pagbibigay ng Diyos. Libreng nagagamit natin ang init at liwanag ng araw. Libre lang ang ulan. Libreng dumadaloy ang mga tubig sa ilog, batis at sapa. Libreng tumutubo ang mga halaman, gulay at punong-kahoy. Libreng dumadami ang mga halaman at hayop. Patuloy na nagbubunga ng prutas ang mga punong-kahoy at nanganganak ang mga hayupan. Sa aking farm, araw- araw na nangingitlog ang aking mga manok. Libre kami ni misis na nakakakain ng samu’t saring gulay at prutas na tanim ko. Ang gusto ng Diyos, kung paanong tumatanggap tayo ng maraming libreng biyaya mula sa kanya, dapat ay maging libre at lubos ang paglilingkod natin sa kapwa.
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” Pumili si Jesus ng mga alagad para turuan at sanayin ng libre. Kahit walang bayad na matrikula, binigyan sila ni Jesus ng libreng kapangyarihang “magpagaling ng mga may sakit, bumuhay ng mga patay, maglinis sa mga may ketong, at magpalayas ng mga demonyo.” (Mateo 10:8) Anong paaralan sa mundo ang makakapagturo ng ganito? Ang mga manggagamot natin ay nagbayad ng malaking matrikula para matuto ng medisina. Subalit kaya ba nilang magpagaling ng lahat ng sakit, bumuhay ng mga patay, maglinis ng ketong, at magpalayas ng demonyo? Si Jesus lang ang makakagawa nito. Kaya sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kung paanong libreng tumanggap kayo ng kapangyarihang ito, libre rin niyong gamitin ito para sa kabutihan ng kapwa, nang walang bayad.
Ang mga simbahang nananampalataya kay Jesus ay nagpapatakbo nito sa pamamagitan ng “boluntaryong serbisyo.” Ang mga miyembro ay nag- aalay ng kanilang trabaho sa samahan ng libre. Maraming simbahan ay naghahandog ng libreng Sunday School, pre-school, counseling, medical mission, libreng gamot at pagkain, orphanage, tahanan para sa mga matatandang inabandona ng kanilang pamilya, at iba pang serbisyo. Ginagawa nila ito dahil sa turo ni Jesus na “libre kayong tumanggap, libre kayong magbigay.”
Pinagpala kami ni misis ng Diyos; ipinadala niya sa amin si Agustin, isang eksperto sa landscaping. Natuto siya nito sa Kuwait nang magtrabaho siya roon. Ang tirahan niya ay nasa liblib na pook, kaya ang landscaping display niya ay hindi nabibisita o nakikita ng mga potensiyal na customer. Ang farm namin ay nasa tabi ng Butuan-Davao hiway; ang daming dumadaang sasakyan sa aming harapan. Nakiusap si Agustin sa aming gagawan niya kami ng magandang landscape ng libre dahil kailangan niya ng display para mabenta ang kanyang abilidad, subalit hindi dapat kami maniningil ng buwanang renta. (Ang renta sa aming lugar ay P25,000 bawat buwan). Pumayag kami. Ngayon, mayroon nang display si Agustin, at kami naman ay nagkaroon ng magandang landscaping sa aming farm. Kaya para yumaman tayo ng mabuti, sundin natin ang payo ni Jesus, “Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)