TURO NI JESUS: MAG-IMPOK NG KAYAMANAN SA LANGIT

“HUWAG kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.” (Mateo 6:19-20)

Ayon sa Bibliya, may dalawang klase ng buhay: buhay sa lupa at buhay sa langit. Ang karaniwang haba ng buhay ng tao sa lupa ay 70 taon. Pambihira iyong umaabot ang buhay ng tao hanggang 90 o 100 taong gulang. Samantala, ang buhay sa langit ay walang katapusan; kaya tinatawag din itong “Buhay na walang hanggan.” Ano sa palagay niyo ang mas mahalaga – buhay na panandalian dito sa lupa o buhay na walang hanggan sa langit?

May nag-aakalang ang buhay sa lupa lang naman talaga ang mayroon; sa palagay nila, wala naman daw ebidensiya na may buhay pagkatapos ng kamatayan. Kaya ang paniwala ng ilan, ang mga ninuno nating namatay na, gaya ng mga lolo at lola natin, ang mga lolo at lola sa tuhod; nang sila ay mamatay na, basta na lang naglaho sila; naging alabok na lamang ang kanilang katawan at wala naman daw talagang kaluluwa o espiritu ang mga ito. Ang sabi pa ng ilan, wala naman daw sinumang namatay at nabuhay na muli para sumaksi sa ating may buhay pagkatapos ng kamatayan. Talaga? E ‘di ba, si Jesus nga ay namatay at inilibing, at pagkatapos ng tatlong araw ay nabuhay na muli? Sa loob ng 40 araw, nakita, nahawakan, nakausap at nakasalo sa pagkain ng kanyang mga alagad pagkatapos niyang mabuhay na muli. May isang pagkakataon pa ngang 500 tao ang nakakita sa kanyang buhay na muli at nakausap pa nila. Katunayan, dahil sa kahanga-hangang pangyayaring ito, nahati ang kasaysayan ng tao sa dalawang bahagi – ang B.C. (Bago si Cristo) at A.D. (Anno Domini o Panahon ng Panginoon). Si Jesus ay ang pinakamahalagang ebidensiyang may buhay pagkatapos ng kamatayan. Siya ang pinakadakilang saksi sa buhay na walang hanggan.

May isang historiador na Judiong hindi Kristiyanong nagngangalang Flavius Josephus, ang sumulat tungkol kay Jesus. Isinulat niya, “Sa panahong ito, nabuhay si Jesus, isang marunong na tao. Hinatulan siya ni Pilato ng kamatayan sa krus. Ang mga unang nagmahal sa kanya ay hindi pa naglalaho. Ipinakita niya ang sarili niyang buhay siya, makalipas ang tatlong araw, sapagkat hinulaan ng mga propeta ng Diyos na mangyayari ang mga bagay na ito.” (Flavius Josephus: Antiquities of the Jews, Book 18, Chapter 3).

Kaya kung totoong may buhay sa lupa na may katapusan at buhay na walang hanggan pagkatapos ng kamatayanheto yuma, ang tanong ay: alin sa dalawang buhay ang mas mahalaga? Alin sa dalawang buhay ang mas mabuting maging mayaman tayo? Itinuturo ng Panginoong Jesus na huwag mag-impok ng kayamanan sa lupa kung saan maaaring mawala ang kayamanang iyan. Mas mabuting mag-impok ng kayamanan sa langit, kung saan hindi puwedeng mawala ang ganyang kayamanan.

Ang pagpapayaman sa lupa ay sa pamamagitan ng pagkakamal ng salapi at pagmamay-ari ng maraming kagamitan kagaya ng ginto, pilak, mamahaling bato, mga lupain, mga bahay, mga gusali, sasakyan, damit at marami pang iba. Ang lahat ng ito ay naluluma, nasisira at unti-unting nawawala, at ang iba ay maaaring manakaw ng mga masasamang loob.

Walang kasiguruhan ang mga kayamanang iyan. ‘Pag marami kang kayamanan sa lupa, marami ka ring alalahanin, balisa at pangamba. Maaari ka ring dukutin ng mga masasamang tao para kikilan ng malaking kayamanan bilang kapalit ng iyong buhay. Kaya, sinabi ng isang salawikaing Latin, “Magna servitus est magna fortuna.” (Malaking pagkaalipin ang malaking kayamanan). Matinding sakit ng ulo ang pagkakaroon ng maraming kayamanang dapat bantayan.

Samantala, ang kayamanan sa langit ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kapatawaran ng iyong mga kasalanan, may katiyakan ng iyong kaligtasan, may kasiguruhang mayroon kang tahanan sa langit, at marami kang gantimpala mula sa Diyos dahil sa iyong maraming paglilingkod para sa Kanya. Mahalaga sa Diyos ang may marami kang naakay na mga taong nagsisi sa kasalanan at tumaggap kay Jesus bilang sarili nilang Panginoon at Tagapagligtas.

Napakasarap na maging kagamitan ka ng kaligtasan ng maraming taong makasalanan at naihango sila mula sa matinding kapahamakan at pagdurusa sa Lawa ng Apoy, na siyang hantungan ng mga kaluluwang tumanggi sa libreng kaligtasang inaalok ng Panginoon. May matamis na pangako si Jesus. Sa oras na tinanggap mo siya sa iyong buhay, ang sabi niya, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Nangako pa siyang may naghihintay sa iyong tahanan sa langit para makapiling mo ang Diyos nang pangwalang hanggan. Ang sabi niya, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid… pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan. At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon.” (Juan 14:3-5). Ang kayamanang ito ay hinding-hindi mawawala. Walang sinumang maaaring magnakaw ng iyong kayamanang makalangit. Kung papipiliin tayo, “Anong kayamanan ang gusto mong magkaroon – kayamanan sa lupa o kayamanan sa langit?” Ang dapat nating piliin ay ang ikalawa. Ito ang kayamanang inabisuhan tayo ni Jesus na impukin.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)