“ANG manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.” (Mateo 10:10)
Ang paraan ng Dios para tumakbo ang kanyang gawaing-simbahan o gawaing-ministerio ay sa pamamagitan ng boluntaryong pagtatrabaho o kusang-pagbibigay mula sa mga taong may mapagbigay na puso. At ang Diyos ay nangakong siya ang magpapala sa mga gumagawa nito. Napakarunong ng sistemang ito. Lumaganap ang Kristiyanismo sa buong mundo dahil sa prosesong ito.
Si Jesus ay nagturo, nagpagaling ng mga maysakit, bumuhay ng mga patay, nagpakain sa libo-libong taong nagugutom kahit na wala siyang bayad o suweldo. Pumili siya ng labindalawang apostol para turuan niyang magpatuloy ng gawain ng ebanghelyo na gamit ang ganitong metodo. Hindi dapat maging hadlang ang kawalan o kakulangan ng pera para matupad ang gawain ng Diyos.
Bawat miyembro ng pamilya ng Diyos ay dapat mag-ambag ng kanyang panahon, talento at yaman (Time, Talent and Treasure) para mapalaganap ang Kaharian ng Langit. Ang turo pa ni Jesus, “Libre kayong tumanggap, libre rin kayong magbigay.”
Sinunod ko ang sistemang ito. Nang ako ay magpasimula ng Bible Study Group sa aming opisina, gayon din sa lugar ng mga maralitang tagalungsod sa Quezon City, at naging ganap na simbahan ito, ako ay nagsilbing guro at pastor nang walang bayad. May trabaho ako sa unibersidad at doon ako tumatanggap ng suweldo; at ang kita ko ang ginamit ko para makapaglingkod ng libre bilang pastor.
Pumili ako ng siyam na lalaking matatag sa pananampalataya para sanaying maging “Elders” (matatanda ng simbahan) o pinuno ng samahan. Lahat kami ay naglingkod ng walang bayad.
Tuwing nagpapatupad kami ng Christian Camp, doon namin ginanap sa farm ng tatay ko sa Sta. Maria, Bulacan para walang bayad ang aming lugar. Nag-fund raising kami para makalikom ng pera para pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa camp.
Hinati ko ang mga campers sa apat na grupo. Ang trabaho ng unang grupo ay tagalinis ng campsite, ang ikalawang grupo ay magkolekta ng panggatong, ang ikatlong grupo ay mga taga-igib ng tubig, at ang ikaapat naman ay mga katulong sa pagluluto ng pagkain.
Araw-araw, umiikot sa apat na grupo ang mga tungkulin. Ang mga tagapagturo ay ang mga “mature Christians” sa aming grupo. Kaya natatapos at nagtatagumpay ang aming camp nang halos walang gastos mula sa sinuman o sa simbahan. Ang sekreto ay ang boluntaryong pagtatrabaho. Ito ang paraang Kristiyano o paraang makabibliya. Nadiskubri ko na maraming magagawa at matatapos na mga proyekto para sa Diyos kahit na wala o konti lang pera sa pamamagitan ng sistemang ito.
Sa kabila ng lahat ng ito, itinuro rin ni Jesus na “Ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.” Bagamat tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na maglingkod ng walang bayad, subalit kung mayroong sinumang magkukusang magbigay ng pinansiyal na suporta, tanggapin nila. Hindi sapilitan; dapat ay kusang pagkakaloob.
Kaya kapag naglilingkod ka sa ibang tao sa pamamagitan ng anumang talento mo, kapag ang pinagsilbihan mo ay naghanda ng pagkain at inimbitahan ka, kumain ka. Kung mag-aambag siya ng bayad- pasasalamat, tanggapin mo, dahil karapat-dapat ang manggagawa sa kanyang bayad. Ang sabi ni Apostol Pablo, “Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo?” (1 Corinto 9:11)
Kaya kapag full-time (walang ibang pinagkakakitaan kundi ang gawain sa simbahan) ang pagtatrabahbo ng isang manggagawa sa simbahan, lalong- lalo na kung may pamilya itong inaalagaan, dapat sana ay magkusa naman ang pamunuan ng simbahang magbigay ng suweldo sa mangagawang iyon. Common sense lang.
Paanong makakakain ang manggagawa para manatiling buhay at makakapagpatuloy sa pagtatrabaho, at paano niyang mabubuhay at mapapag-aral ang kanyang mga anak kung wala siyang suweldo? Ang simbahan ay maaaring tumanggap ng kusang pagbibigay ng pera mula sa mga miyembro. Mula sa pondong nalilikom, ang bahagi nito ay puwedeng ipang-suweldo sa mga full-time na manggagawa, lalong- lalo na ang pastor.
Kapag ang manggagawang aarkilahin mo ay mahirap na tao, ang turo ng Bibliya sa mga amo o may-ari ng negosyo ay ito: “Huwag ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma’y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.” (Deuteronomio 24:14-15)
Sa probinsya, marami kaming proyekto ng misis ko at nag-aarkila kami ng mga manggagawa. Ang kalakaran sa aming lugar, ang bayad ng suweldo ay tuwing katapusan ng linggo. Subalit dahil sa utos ng Diyos sa Bibliya na maging maunawain sa pangangailangan ng mga mahihirap, pumapayag akong magbigay ng “cash advance” o “bale” tuwing hihiling sila.
Pag nag- arkila ako ng tao, sinasabi ko sa kanila na ang polisiya ko, tuwing Miyerkoles ang araw ng pag-cash advance, at sa Sabado naman ang bayad ng kabuuang suweldo. Subalit dahil sa kawalan nila ng disiplina sa pera o dahil sa tindi ng pangangailangan, may ilan na humihiling ng bale kahit anong araw, at hindi ko sila pinahihindian, para matupad ko ang kalooban ng Diyos.
♦♦♦♦♦
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)