TURO NI JESUS: MAGING DUKHA SA ESPIRITU

“MAPAPALAD ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.” (Mateo 5:3)

Ano ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus sa talata sa itaas? Ibig ba niyang sabihin na mas mabuti ang maging mahirap? Ibig ba niyang sabihin na para makapasok sa langit, kailangan ay maging mga maralitang tao? Mas pinagpala nga ba ang mga mahihirap kaysa sa mga mayayaman? Ang sagot ko ay hindi at oo.

Una sa lahat, hindi sinabi ni Jesus na “Mapalad ang mga dukha.” Ang sinabi niya ay “Mapalad ang mga dukha sa espiritu.” Ano ang ibig sabihin nito? Ang sabi ng ilang komentarista sa Bibliya, ang mga katagang “dukha sa espiritu” ay nangangahulugan ng mas malalim na realidad – lampas pa sa karalitaan sa pera; kundi ito ay totoong karalitaan sa espiritu. Ang ibig sabihin ng “dukha sa espiritu” ay kailangan nating aminin ang ating malalim na pangangailangan sa Diyos at dapat ay lalo pang lumawak ang ating paghahangad at pag-asa sa Kanya sa ating pang-araw-araw na buhay. Kapag napagtanto nating lubos nating kailangan ang Diyos at wala tayong magagawang anuman kung hiwalay tayo sa kanya, saka pa lang tayo magiging karapat-dapat sa Kaharian na kanyang ipinapangako. Kapag napagtanto nating tayo ay mga pulubi sa espirituwal na larangan, saka lang tayo magiging talagang mapagpasalamat sa kanya. Siya ang pinagmumulan ng buhay, masaganang buhay at lahat ng pagpapala.

May kilala akong mayamang Kristiyano. Galing siya sa pamilyang negosyante.

Mula pagkabata, natuto siyang maging mahusay sa pagpapatakbo ng negosyo. Dumami ang kanyang mga ari-ariang mga gusali, apartment, bahay, botika, at iba pang kayamanan. Labis nga siyang mayaman, subalit mayroon pa ring puwang sa kanyang kalooban. Hindi pa rin siya tunay na masaya. Hinanap niya ang pupuno sa kakulangan sa kanyang buhay. Ginawa niya ang lahat ng luho sa katawan. Dahil sa dami ng kanyang pera, wala siyang ipinagkait sa kanyang sariling anumang kaligayahang maibibigay ng pera. Subalit hindi pa rin siya kontento. Nalilito siya kung ano nga ba ang kahulugan ng buhay?

Habang tumatanda siya, lalo namang tumitindi ang kanyang kalungkutan, pangamba, at kawalan ng pag-asa. Saan mapupunta ang lahat niyang kayamanan kapag siya ay namatay na? Mabuti na lamang at may isa siyang kaibigang Kristiyano na nagbahagi sa kanya ng balita tungkol kay Jesu-Cristo. Nalaman niyang siya ay makasalanan at hiwalay sa Diyos. Napagtanto niyang ang lahat ng taong nagkasala ay maparurusahan ng kamatayan – pisikal at espirituwal. Ang tanging pag-asa ng tao para maligtas ay manampalataya kay Jesu-Cristo dahil siya ang namatay sa krus para bayaran ang ating mga kasalanan.

Tayo ay baon sa utang sa Diyos at si Jesus ang nagbayad ng ating utang na hindi natin kayang bayaran. Nang tanggapin ng kakilala ko si Jesus sa kanyang buhay, nagkaroon siya ng kapayapaan, katiyakan ng kaligtasan, at buhay na walang hanggan. Nagbasa siya ng Bibliya at nalaman niya ang magandang pangako ni Jesus, “Ako ay naparito sa sanlibutan para bigyan kayo ng buhay, isang buhay na may kasaganaan.” (Juan 10:10)

Mula nang makilala niya si Jesus, nagkaroon siya ng kahulugan sa buhay. Napuno ang puwang sa kanyang kalooban. Nalaman niyang siya pala ay “dukha sa espiritu.” Para maging mayaman sa espiritu, kailangang tanggapin si Jesus sa puso. Natutunan din niya ang turo ni Jesus, “Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.” (Lucas 6:38) Dahil dito, naging mapagbigay siya. Ginamit niya ang kanyang kayamanan para pagpalain ang iba. Nagsimula siyang magbigay ng 10% ng kanyang kayamanan sa mga simbahan at mga taong nangangailangan. Napuspos siya ng hindi maipaliwanang na kaligayahan dahil sa kanyang pagbibigay. Pinalaki niya ang kanyang pagbibigay. Sa ngayon, 90% ng kanyang kayamanan ang kanyang ipinamimigay; at nabubuhay na lang siya sa 10% ng kanyang kita. Habang lalo siyang nagbibigay, lalo naman siyang pinagpapala ng Diyos. Lalo pa siyang yumayaman.

Ikalawa, talaga namang itinuro ni Jesus na “Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.” (Mateo 23:12) Hindi sinasanto ng Panginoon ang mga mayayaman. Maraming papuring ibinibigkas si Jesus sa mga mahihirap. Madalas, ang mga mahihirap ay siyang may mas malaking pananampalataya. (Santiago 2:5). Ikinakatuwa ni Jesus ang inosenteng pananampalataya.

Sinabi niya na kapag hindi tayo magiging gaya ng bata sa pananampalataya, hindi tayo karapat-dapat sa langit. Madalas na ang mga mayayaman ay may mataas na pinag- aralan at nagiging mapagmataas sila. Mahirap silang pagsabihan. Dahil nasa kanila ang maraming bagay, tuloy ang tingin nila ay hindi na nila kailangan ang Diyos. Hindi sila mapagtawag sa Diyos. Hindi nakalulugod sa Panginoon ang kahambugan o pagiging arogante. Samantala, ang mga mahihirap ay mapagpakumbaba at palaasa sa Diyos.

Madalas na sila ay may inosenteng pananampalataya sa Diyos na ikinalulugod ng Maykapal. Sana, maging mayaman man tayo o mahirap, manatili pa rin tayong mapagpakumbaba at “dukha sa espiritu.” Lagi nating hilingin sa Diyos na puspusin tayo ng kanyang Espiritu. Maging lagi tayong naghahangad sa presensiya at tulong ng Diyos.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)