“ANG katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya’t ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.” (Mateo 12:23)
Nagkuwento si Jesus tungkol sa isang magsasakang naghasik ng binhi sa lupa. May apat na uri ng lupa. Ang una ay ang daanan ng mga tao. Matigas ang lupang ito. Pagkahasik ng binhi, dumarating ang mga ibon at kinakain ang mga ito, kaya hindi ito nagbubunga. Ang ikalawa ay lupang mabato. Pagkahasik ng binhi, biglang tumutubo ito, subalit hindi malalim ang mga ugat, kaya pagsikat ng araw, natutuyo at namamatay ito dahil sa init ng araw. Ang ikatlo ay ang lupang matinik. Pagkahasik ng binhi, tumutubo ito, subalit sinasakal ng mga matinik na damo, at namamatay ito. Ang ikaapat ay matabang lupa. Tumutubo nang mabuti ang mga binhi at nagbubunga ng marami, ang iba ay maka-tatlumpung beses, ang iba ay maka-animnapung beses, at ang iba ay maka-isang daang beses.
Ang gusto ni Jesus ay maging kamukha tayo ng matabang lupa na nagbubunga ng marami. Naniniwala ako na nilikha ng Diyos ang tao para sana maging kagaya ng punong-kahoy na hitik-hitik ang bunga. ‘Pag marami kang bunga, natutuwa ang Diyos. ‘Pag wala o kaunti lang ang bunga, nasisiphayo ang Panginoon.
Itinuro rin ng Panginoong Jesus, para tayo maging kagaya ng matabang lupa, kailangan ay magbasa tayo ng Salita ng Diyos (Ang Bibliya) at unawain ito ng mabuti. Hindi kaya ng limitadong isip ng tao para maunawaan ang Salita ng Diyos.
Kailangan niya ang tulong ng Banal na Espiritu ng Diyos. Sinabi ni Jesus,
“Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan.” (Juan 16:13) Ang papel ng Banal na Espiritu ay maging guro natin para maunawaan ang Salita ng Diyos. Ang sabi ni Apostol Pablo, “Walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos.” (1 Corinto 2:11)
Para tayo maging mabunga, hindi lang kailangang magbasa ng Bibliya, dapat din tayong mapuno ng Banal na Espiritu. Ang turo ni Jesus, “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” (Gawa 1:8) Kapag napuspos tayo ng Espiritu, magiging epektibong saksi tayo ng katuruan ng Panginoon. Magiging “mangingisda ng tao” tayo. Marami tayong maaakay na mga taong naliligaw ng landas tungo sa kaligtasan kay Cristo.
Dating hindi ko kilala ang tunay na Jesu-Cristo. Bagama’t relihiyoso ako noon, subalit parang ang layo-layo ng Diyos. Si Jesus ay parang isa lamang teorya, hindi totoo. Subalit noong 1974, may nagbahagi sa akin ng kuwento tungkol kay Cristo. Nagsisi ako sa aking mga kasalanan at tinanggap ko si Jesus bilang sarili kong Panginoon at Tagapagligtas. Nang matanggap ko siya, punong-puno ako ng ligaya. Ang unang-unang ginawa ko pagkatapos ay ang bumili ng Biblia. Sabik na sabik kong binasa ito araw at gabi. Naaalala kong madalas akong umiiyak habang nagbabasa nito dahil nadiskubri kong nasa Bibliya pala ang mga kasagutan sa lahat ng katanungan ko sa buhay – Saan ako nanggaling? Ano ang layunin ng buhay ko sa lupa? Saan ako pututungo? Ano ang kahulugan ng buhay?
Nagmemorya ako ng maraming talata sa Biblia at binibigkas ko ito araw- araw. Naging gabay ko ang mga ito sa aking pang-araw-araw na buhay.
Pagtuntong ko sa ikalawang taon sa kolehiyo, namuno ako ng isang Discipleship Group. Nagkaroon ako ng limang tinuturuan. Lalo akong lumago sa aking pananampalatayang Kristiyano. Nang mag-third year college ako, may nakilala akong mga batang iskuwater at tinuruan ko sila ng mga kuwento sa Bibliya. Lumaki ang grupo naming ito at naging isang samahang Kristiyano na ang pangalan ay Old Balara Christian Community. Ngayon ay naging apat na samahan na ito. Marami ang nakakilala kay Jesus dahil sa mga grupo naming ito. Nagmentor ako ng labing-isang kabataang pinuno. Ngayon sila ay mga pastor ng simbahan, may-ari ng kanilang negosyo, o mga opisyal sa mga opisina ng gobyerno at pribadong sektor. Bagamat dati silang iskuwater, ngayon ay mayroon na silang sariling bahay at lupa, mabubuting hanap-buhay at nagpapaaral ng mga anak sa kolehiyo.
Noong 2018, inialay ko ang silong ng aking bahay para maging “House Church” na ang pangalan ay Gospel of Christ Family Church. Ngayon ay may limang sangay ang samahang ito. Nakatira ako sa Mindanao ngayon at nagpatayo ng bahay.
Inialay ko ang ikalawang palapag ng aking bagong bahay para maging “House Church.” Ang layunin ko ay lumikha ng maraming “Christ-centered Multiplying Disciples” gaya ng turo ng missionary organization na ang pangalan ay Cru.
Gusto kong maging mabunga para matuwa ang Panginoon. Bukod sa gawaing pagmimisyon, nagtatag ako ng negosyong Passion for Perfection. Nag-imbento ako ng mahigit isang daang Business and Development Games at sumulat ng labindalawang aklat tungkol sa mga paksang kahusayan, pagnenegosyo, at pangangasiwa ng kaperahan.
Natuklasan kong ang unang-unang lumiligaya kapag ikaw ay mabunga ay ang iyong sarili. Para tayo yumaman sa malinis na paraan, maging kagaya tayo ng mabungang lupa.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)