“HABANG ang nais ko at hindi handog.” (Mateo 12:7)
Mayroong mga mayamang tao at mayroon ding mga mahihirap. Ang sabi ni Juan Bautista, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito’y ipagkaloob sa kanya ng Diyos.” (Juan 3:27). Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; kaya walang maaaring maganap sa mundo na hindi niya alam o pinahintulutan. Kung may mayamang tao, dahil ito niloob ng Diyos. Kung mayroong mahirap, dahil niloob din ito ng Maykapal. May papel na ginagampanan ang bawat tao sa daigdig. Ang mga taong pinayaman ng Diyos ay may tungkulin sa lipunan. Ang mga mahihirap ay ganoon din. Ang isang tungkulin ng mga mayayaman ay ang magpakita ng habag sa mga kapus-palad at tumulong sa kanila. Ang mayayamang walang habag ay hindi tumutupad sa tungkuling iniatang ng Diyos sa kanilang balikat; sila ay mananagot sa Panginoon balang araw. Ang mayayamang walang habag o kaya ay malupit sa kapwa ay may malaking sagutin sa Diyos. Subalit may wastong pagpapakita ng habag at tulong. Ang pinakamainam na tulong sa mahihirap ay bigyan ng trabaho ang mga mahihirap na magulang, at bigyan ng edukasyon ang mga mahihirap na kabataan. Hindi mabuting pagtulong ang paglilimos. Una, bawal iyan sa gobyerno. Pangalawa, nakasisira iyan sa wastong asal ng mga mahihirap.
Sa totoo lang, lahat ng tao, mayaman man o mahirap, ay dapat magpakita ng habag sa kapwa, lalo na ang mga mayayaman dahil mas may kakayahan sila. Ang turo ni Jesus, “Pinagpala ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.” (Mateo 5:7). Ang Diyos ay naggagantimpala sa mga mahabagin; naghihiganti rin siya sa mga taong malupit at walang awa. Ang mayamang mahabagin ay lalong payayamanin. Ang mayamang malupit ay parurusahan.
May kuwento ang Panginoong Jesus ukol sa paksang ito. May isang makapangyarihang haring nagnanais na ayusin ang pinansiyal na pananagutan ng kanyang mga alipin. May isang aliping may utang sa kanyang 10 milyong piso.
Nang hindi makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya para mabayaran ang kanyang utang. Nagmakaawa ang alipin, “Panginoon, bigyan mo po ako ng panahon at babayaran ko ang utang ko.” Nahabag ang hari at pinatawad siya sa kanyang utang. Paglabas ng aliping ito, nakita niya ang isang kapwa aliping may utang sa kanyang sampung libong piso. Sinunggaban niya ang ikalawang alipin, sinakal at sinabihan, “Bayaran mo ang utang mo.” Nagmakaawa ang ikalawang alipin, “Bigyan mo po ako ng panahon at babayaran ko ang utang ko.” Subalit hindi nahabag ang unang alipin; ipinatapon niya ang ikalawang alipin sa bilangguan at pinahirapan para magbayad ng utang. Ikinuwento ng ibang alipin ang pangyayaring ito sa hari. Nang marinig ito, nagalit ang hari at pinatawag ang malupit na alipin at sinabi, “Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka. Hindi ba dapat ay magpakita ka rin ng habag sa kapwa kung paanong pinakitaan kita ng habag?” Pagkatapos, iniutos ng hari na ibilanggo ang malupit na alipin hanggang makabayad ng utang.
Ang Lola Irene ko ay nagpakita ng habag sa mga mahihirap kaya siya pinagpala ng Diyos. Naaalala ko, lagi siyang pumupunta sa tirahan ng mga abandonadong matatanda (Golden Acres) para kunin ang mga matatanda roon, isinasakay sa kanyang dyip, dinadala sa Luneta para ipasyal, nanonood sila ng “Concert in the Park” at kumakain sa restaurant, bago ibalik sa tirahan pagsapit ng gabi. Noong panahon ng ikalawang digmaan sa Pilipinas, isinusugo ng lola ko ang kanyang dalawang panganay na anak (kasama ang papa ko) sa probinsiya para magdala ng tapang baka papuntang Maynila, at ibinabahagi ng lola ko sa mga taong walang makain. Nag-ampon pa siya ng isang Amerkanong naghihikahos at halos namamatay ng gutom sa kalsada. Inaruga siya ng lola ko hanggang matapos ang giyera.
Ang papa ko ay nagpakita rin ng habag sa mahihirap at pinagpala siya ng Diyos. Noong sampung taong gulang ako, nabalitaan ng papa ko mula sa katiwala niya na pinasukan ng mga taong iskuwater ang lupaing pagmamay-ari ng aming kamag-anakan. Isinama ng papa ko kaming magkakapatid para harapin ang mga iskuwater. Pagdating sa lugar, nakita ng papa kong isang barong-barong lang ang naroroon. Lumapit siya at tinawag ang sinumang tao roon.
Ang lumabas ay isang batang kasing edad ko at siya’y takot na takot. Tinanong ng papa ko, “Nasaan na ang tatay mo?” Sumagot iyong bata, “Wala na po akong tatay.” Tinanong ng papa ko, “Nasaan ang nanay mo?” Sumagot ang bata, “Naglalabada po sa isang subdivision. Nag-iisa lang po ako.” Sinabi ng papa ko, “Boy, sabihin mo sa nanay mo na bawal kayong magtindig ng bahay dito. Babalik ako sa susunod na linggo; kung naririto pa rin ang barong-barong ninyo, gigibain ko ito. Naiintindihan mo ba?” Sumagot iyong bata, “Opo.” Aalis na sana ang papa ko subalit tinanong niya iyong bata, “Kumain ka na ba?” Sumagot iyong bata, “Hindi pa po.” Bumunot ng pera ang papa ko at ibinigay sa bata at sinabi, “O heto, tanggapin mo ito. Bumili ka ng pagkain mo.”
Pagbalik namin sa sasakyan, naluluha ang papa ko at sinabi sa amin, “Tandaan ninyong mas mapalad kayo kaysa sa maraming tao sa mundong ito.” Marami pang kinahabagan at tinulungan ang papa ko. Dahil dito, pinagpala siya ng Diyos. Kung gusto nating pagpalain din tayo, maging mahabagin tayo sa kapwa.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)