“BIGYAN mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.” (Mateo 5:42)
Ang pinakadakilang taong nabuhay sa ibabaw ng lupa ay si Jesus. Hindi kasi siya ordinaryong tao. Ang lahat ng ibang tao ay natural na tao; ang ama at ina nila ay mga tao. Subalit ang sabi ng Bibliya, si Jesus ay hindi karaniwang tao, kundi ay “nagkatawang tao.” (Tingnan sa Juan 1:14) Iba ang “likas na tao” sa “nagkatawang tao.” Halimbawa, kung bibisita si Presidente Marcos sa Unibersidad ng Pilipinas; nakasakay siya sa isang kotse. Si Presidente Marcos ay hindi kotse; siya ay nasa loob ng kotse. Ganoon din naman, nang dumating si Jesus sa sanlibutan, hindi siya ordinaryong tao; siya ay nagkatawang tao. Hindi tao ang ama ni Jesus. Ang sabi ng Bibliya, ang ama niya ay ang Diyos Ama. Ipinaglihi siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ng Diyos. Ang turo pa ng Bibliya, si Jesus ay ang Maylikha ng lahat ng bagay sa sanlibutan. (Tingnan sa Juan 1:1-3)
Dahil hindi ordinaryong tao si Jesus, kundi siya ay ang Anak ng Diyos na nagkatawang tao, samakatuwid, ang mga katuruan niya ay ang pinakamarunong at pinakamataas na kaalamang maaaring matutunan ng mga tao sa mundo. Marami siyang mga katuruan na ubod ng ganda at dakila. Itinuro niya, “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit,” “Kayo ay ang asin ng sanlibutan,” “Kayo ay ang ilaw ng mundo,” “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan,” atbp. Ang sabi ng Bibliya, namangha ang lahat ng mga tagapakinig niya dahil mayroon siyang kakaibang otoridad na di gaya ng ibang tagapagturo.
Subalit dahil hindi siya ordinaryong tao, mayroon siyang ilang katuruang sobrang taas at mahirap abutin. Halimbawa, itinuro niyang “Mahalin ang inyong mga kaaway; ang tumingin sa babae nang may pagnanasang seksuwal ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang puso; pag sinampal ka sa kanang pisngi, ibigay mo ba ang kabila.” Grabeng mga katuruan ito. Makalangit ang mga ito at hindi galing sa lupa.
Ang isa pang katuruan ni Jesus na totoo subalit mahirap gawin ay “Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.” Mahirap gawin ito dahil makasalanan ang mga tao at madaling mang- abuso sa kapwang tumutulong sa kanila. Dahil makalangit si Jesus, alam niyang ang tunay na buhay ay hindi itong nasa lupa. Panandalian lamang ang buhay sa sanlibutan; aabot ka lang nang animnapu o hanggang isang daang taon, at pagkatapos ay mamamatay ka na. Alam ni Jesus na ang tunay na buhay ay ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos Ama sa langit. Kaya ang mga katuruan ni Jesus ay may epektong pangwalang hanggan. Halimbawa, kung gagawin mo siyang Panginoon at Tagapagligtas ng buhay mo, magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan; pagkamatay mo, sa langit ka mananahan. Kung gagawa ka ng mga kabutihan sa pangalan ni Jesus, may tatanggapin kang gantimpalang pangwalang hanggan.
Sa totoo lang, gusto ko at sinusubukan kong sumunod sa mga utos ni Jesus subalit talagang nahihirapan ako minsan. Kung may pagkukulang ako, inaamin ko sa Diyos ang aking pagkukulang, at pinapatawad niya ako. Nahihirapan ako kasi may ilang mga taong binigyan at tinulungan ko, subalit inabuso ako. Halimbawa, marami akong patrabaho sa farm ko sa Mindanao ngayon. May isang manggagawang nangangailangan ng kita para mabuhay niya ang pamilya niya. Sa awa ko, binigyan ko siya ng trabaho. Natutuwa naman ako sa kanya kasi marami siyang alam – pagkakarpintero, pagmamason, pagtatanim, pati pag-aalaga ng hayop. Nagmamagandang loob ako sa kanya, kaya binabahaginan ko siya ng aking ulam sa tanghalian. Lagi siyang bumabale (cash advance) at hindi ko siya tinatanggihan. Nagbibigay pa ako ng bonus kung talagang maganda ang kanyang gawa. Kung minsan, dinadala ko pa siya sa isang karinderya at magkasama kaming kumakain. Subalit nadiskubri kong ninanakawan pala niya ako. Labis akong nasaktan. Ninakaw niya ang bago kong rubber shoes.
Pagkatapos, ninakaw niya ang lagare ko, martilyo, plice, metro, atbp. Bumalik na naman siya para humingi ng trabaho. Dineretso ko siyang sabihan, “Paano kitang mabibigyan ng trabaho, e hindi mo ibinalik ang mga tools ko. Paano ngayong magpapatrabaho ako sa iyo? Ano ang gagamitin mo? Ibalik mo muna ang mga kagamitan kong kinuha mo para makapagpatuloy ka ng trabaho sa akin.” Na-guilty siya, at umalis nang nakayuko ang ulo at hiyang-hiya. Ewan ko kung ibabalik pa niya ang mga gamit ko.
Sa simbahan namin sa squatters area, nagtuturo ako ng Bibliya sa mga bahay-bahay. Kung minsan nagdadala pa ako ng pagkain para hindi ako makabigat sa kanila. May ilang miyembrong nangutang sa akin at nangakong magbabayad. Subalit pagdating ng petsa ng pagbabayad, hindi na sila uma-attend ng simbahan dahil baka nahihiyang hindi makabayad o kaya ay talagang ayaw nang um-attend dahil sadyang umiiwas sa pagbayad. Sa kagustuhan kong makatulong sa kanila, lalo pang nawala sa simbahan. Kahit na nasasaktan ako, nagtitiwala na lang akong hindi ako pababayaan ng Diyos. Siya na lang ang bahalang magbayad sa akin. At talaga namang binabayaran ako ng Diyos. Binigyan niya ako ng sariling bahay at lupa, farm, at napagtapos ko sa pag-aaral ang apat kong anak.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.