“TANDAAN ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko, siya’y tiyak na tatanggap ng gantimpala.” (Mateo 10:42)
Pagkatapos ko ng pag-aaral sa kolehiyo, walang-wala akong ari-arian kahit ano. Lubos akong umaasa sa aking mga magulang. Nakikitira at nakikikain ako sa bahay nila. Pagkatanggap ko ng aking diploma at naging graduate ng unibersidad, hindi ko alam kung ano ang gagawin – maghahanap ba ako ng trabaho o papasok ba ako sa Bible School para kumuha ng Master’s degree in Divinities para maging pastor o misyonero?
Habang nakatayo ako sa bus stop, kinausap ko ang Diyos, “Panginoon, ano po ang gusto ninyong gawin ko ngayon?
Gabayan ninyo po ako.” Habang nananalangin ako, biglang lumitaw sa kanto ang matagal ko nang kaibigang kamag-aral sa kolehiyo. Binati niya ako, “Uy Rex! Kumusta ka na?” Ipinaliwanag kong kaga-graduate ko pa lang sa unibersidad. Tinanong niya, “Ano ang plano mo ngayon? Naghahanap ka ba ng trabaho?” Sinabi ko sa kanyang hinihintay ko pa ang patnubay ng Diyos kung ano ang gusto niyang gawin ko.
Sinabi niya, “Kung naghahanap ka ng trabaho, alam kong naghahanap ang Institute for Small Scale Industries (ISSI) ng isang lalaking sikolohista. Puntahan mo si Anji Bajaro.” Kaya sa sumunod na araw, bumista ako sa ISSI at hinanap si Anji (siya ang naging asawa ko). Siya ang naging daan para makapagtrabaho ako sa opisinang iyon. Sa wakas, may kita na ako.
Pangarap kong magkaroon ng sariling tirahan na hiwalay sa aking mga magulang dahil ayaw ko nang makabigat sa kanila. Nagdasal ako, “Panginoon, kung bibigyan mo ako ng sariling tirahan, ipinapangako kong bubuksan ko ang pintuan ng bahay ko para sa mga maralitang tao, pati na sa mga misyonerong naglilingkod sa iyo.”
Sinagot ng Diyos ang aking panalangin. Ang gobyerno ay nag-alok ng BLISS condominium para sa mga guro ng unibersidad. Subalit dahil ayaw ng mga gurong tanggapin ang alok ng gobyerno dahil marami pa raw dapat ayusin sa mga BLISS unit, sa inis ng gobyerno, binuksan nito ang BLISS sa mga ordinaryong empleyado ng unibersidad, kahit hindi sila guro. Nang magkagayon, agad akong nag-aplay at nakuha ko ang Unit 111 – unang gusali, unang palapag, unang kuwarto. Binata pa lang ako noon, subalit nagkaroon na ako ng sariling tirahan.
Noong panahong iyon, nagtuturo ako nang libre sa mga iskuwater ng Old Balara, Quezon City. Pagbisita ko sa mga tirahan nila, napansin kong wala silang maayos at malinis na palingkuran. Kung dudumi sila, nilalagay lang nila sa isang supot na plastic ang dumi nila at itinatapon sa sapa; kaya, ang dumi-dumi at ang baho-baho ng sapa.
Inimbitahan ko silang dumalo sa aking BLISS na tirahan. Nagkasalo kami sa pagkain, nanalangin, nag-aral ng Bibliya at nag-overnight fellowship. Nakigamit sila ng aking palingkuran, at napansin nila ang maayos at malinis kong palingkuran – may bowl ng inodoro at may tiles ang sahig at pader. Makalipas ang ilang araw, nang bumisita akong muli sa tirahan nila sa squatters area, nakita kong mayroon na silang bowl ng inodoro at may tiles na rin ang sahig at pader ng palingkuran. Dito ko napagtantong ang mga mahihirap pala ay may mababang kalidad ng pamumuhay dahil wala silang karanasan o kaalaman tungkol sa mas magandang pamumuhay. Natututo pala sila sa pamamagitan ng osmosis. Ang ibig sabihin nito ay gumagaya sila sa mga nakikita nilang mas maganda at maayos na pamumuhay.
Pag may nakilala akong mga pastor o misyonero, inaanyayahan ko silang bumisita sa aking tirahan at magkasalo kaming kumakain ng tanghalian o hapunan. Sinunod ko ang turo ni Jesus na “sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya’y alagad ko, siya’y tiyak na tatanggap ng gantimpala.” Sineryoso ko ang turo ng Panginoon. At tunay ngang nagpala ang Diyos.
Pinatnubayan ng Panginoon kaming mag-asawang maging masipag sa trabaho at maging pala-ipon. Isang araw, ang pinsan ng misis ko ay gumustong magtrabaho sa Saudi Arabia. Para magkapera siya, ibinenta niya sa aming mag-asawa ang lote niya sa isang subdivision. Dahil may ipon kami, nabili namin iyon. Nag-ipon kaming muli at ibinenta namin ang rights sa aking BLISS unit. Pagkatapos ay nagpatayo kami ng sariling bahay. Dahil sa katuruan ni Jesus, binuksan naming muli ang pintuan ng aming bahay sa mga taong iskuwater, pastor at misyonero. Muli, tinupad ng
Diyos ang pangako niyang pagpapala sa mga nagpapatuloy sa kanyang mga alagad.
Pangarap kong magkaroon ng sariling farm. May isang taga-Batangas ang nabaon sa utang, at para maligtas ang kanyang bahay at lupa mula sa pang-iilit ng bangko, ibinenta niya ang kanyang farm sa akin sa murang- murang halaga. Nang mabili ko ito, ang unang-una kong ginawa ay nag- isponsor ako ng isang libreng Christian Camp na sinalihan ng mga mahihirap na miyembro ng aming simbahan sa squatter’s area. Ako ang nagturo at nag-imbita pa ako ng ibang mga matatanda sa pananampalataya para magturo. Ang payo ko, sundin natin ang itinuro ni Jesus.
Buksan natin ang pintuan ng ating bahay para sa mga mahihirap, pastor at misyonerong manggagawa ng Diyos. At ibibigay ng Panginoon ang kanyang pagpapala.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)