TURO NI JESUS: MAGING MATALINO

“TINGNAN ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya’t maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati.” (Mateo 10:11)

“Homo homini lupus” (Ang tao ay asong-gubat sa kapwa tao). Kung kaya ng isang taong abusuhin ka, talagang aabusuhin ka. Isang klase ng pang- aabuso ay ang panloloko; gagawin ka nilang parang tanga. Sa kasawiang- palad, maraming mga Kristiyano ay tila madaling maloko ng manloloko.

Itinuturo ng Bibliya na maging mabubuting tao tayo; huwag mananakit, magmahal at tumulong sa kapwa, pati sa ating mga kaaway. Dahil dito, ang mga tagasunod ni Cristo ay nagiging tulad ng mga inosenteng tupa sa gitna ng mga mababangis na hayop. Kagaya sila ng mga maaamo at inosenteng kalapati. Dahil sa kabaitan nila, tinatarget sila ng mga swindler. Halimbawa, sa Mindanao kung saan ako nakatira ngayon, nagiging madaling target ng mga scammer ang mga miyembro ng ilang simbahan. Natangay ng mga swindler ang mga bahay at lupa, sakahan, kalabaw, sasakyan, at iba pang ari-arain ng mga miyembro. At dahil din sa kabaitan nila, hindi nila makuhang maghabla sa korte o maghiganti.

Ipinapasa- Diyos na lamang nila ang kaapihan nila. Naaawa at naiinis ako sa pagiging masyadong inosente ng mga kapatid kong Kristiyano. Tamang maging inosenteng gaya ng kalapati, subalit itinuro rin ni Jesus na dapat tayong maging matatalinong gaya ng ahas. Huwag tayong maging tanga. Hindi naman nagkulang ang Bibliyang magbabala na ang mga tao sa mundo ay makasalanan. Sinabi pa nga ni Jesus na sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging pasama nang pasama.

Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa mga salitang “matalinong gaya ng ahas”? Ang ibig sabihin nito ay dapat tayong maging mapagbantay, maging alisto, maging laging handa, magdepensa laban sa atake ng kaaway. Ang linaw ng babala ni Jesus, “Isinusugo ko kayo sa mundo na gaya kayo ng tupa sa gitna ng mga mababangis at maninilang hayop.” Ano ba ang ginagawa ng mga asong-gubat sa mga tupa? Hindi ba’t laging umaali-aligid sila para atakihin at lapain ng walang habag ang mga tupa?

Ang sabi rin ni Jesus, “Ang magnanakaw ay walang ginagawa kundi ang magnakaw, pumatay at manira.” (Juan 10:10). Kaya dapat asahan ng mga Kristiyano na habang sila ay nagmamahal, nagpapala, at naglilingkod sa kapwa, tulad ng halimbawa ni Jesus, dapat ding maging handa silang ang maraming tao ay mga walang utang na loob, at mang-aatake, magnanakaw at maninira gaya ni Satanas.

Si Haring Solomon ay halimbawa ng matalinong tao. Gusto niyang magpagawa ng maraming magagarang proyekto para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang ginawa niya ay nag-ambag siya ng kanyang kayamanan, at nag-fund raising siya mula sa mga Israelita para makakolekta ng maraming yamang ipang-gagawa ng mga plinanong dakilang proyekto.

Ang mga tagapangasiwa niya ay mga Israelita. Ang mga manggagawa niya ay walang bayad dahil sila ay ang salinlahi ng mga Canaanita na nakipagkasundo sa Israel na bilang kapalit ng pagpayag ng mga Israelita na manatili silang buhay at nakikipanirahan sa bansang Israel, sila ay handang magtrabaho ng walang bayad para sa Israel.

Pinagtrabaho ni Solomon ang mga dayuhang ito isang buwan sa bawat tatlo (isang buwang trabaho, dalawang buwang pahinga).

Dahil sa sistemang ito, maraming proyekto ang nagawa niya, kasama ang dakilang templo ng Diyos sa Jerusalem, ang palasyo ng hari, pitong lungsod, at marami pang iba.

May nakilala akong isang matalinong negosyante sa Tacloban. Ang ama niya ay may suwelduhang mekaniko na wala masyadong trabaho. Ang ginawa ng negosyante, bumili siya ng mga lumang sasakyan (mga malapit nang itapon sa junkyard) sa napakamurang halaga (presyo ng scrap) at pinaayos niya sa mekaniko, pinaganda ang itsura, pinapinturahan ng bago, at kinabitan ng mga magagandang accessories gaya ng mag wheels, aircon, stereo, foglight, racer wings, atbp., at pagkatapos ay ibinenta niya sa mga customer. May panahon na isa sa bawat tatlong sasakyang tumatakbo sa Tacloban ay mga sasakyang ibinenta niya. Kung ang gastos niya sa pagpapagawa ng sasakyan ay 50,000 piso, nabebenta niya ito ng 250,000 piso; ang tubo niya ay 200,000 piso bawat sasakyan. Yumaman siya ng labis dahil dito.

Pagkatapos, nagpatayo siya ng hotel na may limang palapag. Nagpatayo rin siya ng isang paaralang nagtuturo ng kursong Hotel and Restaurant Management (HRM), Business Administration, Accounting, Culinary Arts, atbp.

Kasama sa pag-aaral ng mga estudyante ng paaralan ay magtrabaho sa hotel ng walang bayad. Katunayan, nagbayad ng matrikula ang mga estudyante para magtrabaho ng walang bayad sa kanyang hotel. Pagka-graduate ng mga mag-aaral, mayroon silang mayamang praktikal na karanasan sa kanilang larangan, kaya madali silang nakakuha ng trabaho sa Maynila, pati sa ibang bansa.

Nakaligtas ako sa panloloko. Noong 2016, inimbitahan akong maging tagapagsanay sa isang bansa sa Europa. Isa sa mga opisyal na nag- imbita sa akin ay may-ari pala ng isang negosyong pyramid scheme. Gusto niyang sumali ako para magtayo ng sangay ng kanyang negosyo sa Pilipinas. Sinubukan niya akong silawin sa laki ng kikitain. Mayroon siyang Mercedes Benz, at inimbitahan niya ako sa isang hotel para panoorin ang napakaraming ordinaryong mahihirap na mamamayan ng kanyang bansa na nagmiyembro sa kanyang negosyo. Kikita raw ako sa pamamagitan ng pag-recruit ng maraming taong magbabayad ng membership fee at magbebenta ng produkto; at may porsiyento daw kami sa bawat bayad ng miyembro at bawat benta ng produkto. Hindi niya ako tinantanang kumbinsihin. Sinabi ko sa kanyang ipapanalangin ko muna at kakausapin ang aking misis sa Pilipinas. Subalit wala akong kapayapaan sa alok niya; tinanggihan ko siya. Di nagtagal, nabisto ang kanyang madayang negosyo, nabangkarote siya, at maraming miyembro ang nasaktan at labis na nagalit sa kanya. Purihin ang Diyos sa pag-iingat niya sa akin.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)