“HUWAG ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno.” (Mateo 10:28)
Ang sabi ng salawikaing Latin, “Audentes fortuna iuvat” (Pinapaboran ng kapalaran ang matapang). Sa mundong ito, kailangan ng tapang at lakas ng loob para makagawa ng maraming dakilang bagay. Ang sabi ng salawikaing Pilipino, “Kapag duwag, walang palad” at ”Ang lihim na katapangan ay siyang pakikinabangan.”
Kapag duwag ka, ayaw mong kumilos, ayaw mong gumawa, ayaw mong sumubok dahil ang katiwiran mo “Baka kasi ako mabigo at mapahiya.” Walang patutunguhan ang buhay na ganyan mag-isip. Sino ba ang pinupuri ng mga mamamayan sa bansa? Di ba iyong mga matatapang na Pilipino na handang magbuwis ng kanilang buhay para ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng bayan. Tinatawag natin silang mga bayani; at ang pangalan nila ay nakatatak na sa ating kasaysayan hanggang sa walang hanggan. Naririyan sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Lapulapu, Diego Silang, Sultan Kudarat, atbp. Sino ba ang tinatawag na mga dakilang kristiyano na ngayon ay mga martir sa Kaharian ng Langit? Iyan iyong mga tagasunod ni Cristo na handang magbuwis ng buhay at manatiling tapat sa Diyos kahit pa sila’y pahirapan, pugutan ng ulo, ipakain sa mga leon, itali sa mga poste at sunugin na parang sulo. Kasama riyan ang mga apostol ni Cristo, si Estaban, si Jan Hus ng Bohemia, atbp.
Ang sabi ni Dale Carnegie, ang bawat tao ay may tinatawag na “comfort zone.” Ito ay ang mga kilos o gawain na komportable tayong gawin, hindi tayo nahihiya, dahil kabisado na nating gawain ang mga ito. Ang isang empleyado sa opisina ay walang pag-aatubiling gawin ang nakasanayan niyang gawain – mag-encode sa computer, um-attend ng mga miting, gumamit ng telepono. Ang manager ay walang pag-aatubiling gawin ang trabahong pang-manager tulad ng magplano, mag-oranisa ng mga tauhan, mag-utos sa nga empleyado, mag-monitor ng kanilang trabaho. Subalit sa labas ng “comfort zone”, takot ang mga taong gawin ang mga hindi nila kabisadong gawin. Takot ang empleyado na mamuno at mag-utos sa ibang tao. Takot ang mga manager na gumamit ng mga iba’t ibang programa sa computer na karaniwang ginagamit ng mga ordinaryong empleyado; takot din ang maraming manager na mag-public speaking o magtalumpati sa harap ng napakalaking audience.
Subalit kung ang gagawin natin ay iyon lamang nakagisnan na nating gawin, at ayaw nating sumubok ng mga bagong hamon o gawain, hindi lalawak ang ating personalidad at hindi darami ang ating mga kakayahan. Kailangan ng tapang at lakas ng loob para gumawa ng mga bagay na nasa labas ng ating “comfort zone.” Kaya ang turo ni Dale Carnegie, “Palawakin ang iyong comfort zone para magtagumpay.”
Maraming mga PIlipino ay ayaw magnegosyo. Ang gusto lang nila ay maging empleyado. Bakit? Dahil mas mahirap gawin ang pagnenegosyo. Ang pagiging empleyado ay madali lang gawin. Mayroon ka lang listahan ng mga tungkulin sa iyong puwesto na nakabatay sa iyong pinag-aralan. Gagawin mo lang ang routine ng iyong trabaho – papasok sa opisina ng alas-otso, a-attend ng mga miting, gagawin ang datihang nakasanayang trabaho, pagkatapos uuwi na ng alas- singko, at maghihintay ng suweldo sa katapusan ng buwan. Ganyan ang gagawin ng isang empleyado sa bawat araw na nilikha ng Diyos hanggang sa siya ay magretiro na sa edad na 65 taong gulang. Ganyan ang buhay empleyado, buhay routine, buhay mekanikal, buhay robot. Hindi kataka-taka kung bakit wala masyadong asenso. Pagretiro mo, ano na ngayon ang gagawin mo? Wala ka nang trabaho, wala nang suweldo, tatanggap ka na lang ng pensiyon mula sa SSS o GSIS. Wala namang masama sa pagiging empleyado; malinis na trabaho naman iyan. Pero hindi ito buhay na matapang.
Ang sabi ni Jesus huwag tayong matakot sa kahit sino o ano. Isa lang ang kakatakutan natin – ang Panginoong Diyos.
Huwag tayong matakot sa tao; huwag tayong matakot sa mga demonyo; huwag tayong matakot kay Satanas. Huwag tayong matakot na sumubok ng ibang gawain. Huwag tayong matakot magnegosyo.
Dati akong empleyado; una sa unibersidad, pagkatapos lumipat ako sa isang multinational company. Noong 1995, naglakas ng laoob ako; nagbitiw ako sa pagiging empleyado at naging nagosyante. Pinatakbo namin ng misis ko ang Passion for Perfection Inc.
Nakapagserbisyo kami sa maraming opisinang gobyerno at pribado; naglingkod kami sa mahigit dalawampung bansa sa mundo; nag-imbento kami ng maraming educational games; sumulat kami ng maraming libro. Pagdating ng taong 2022, naisipan naming maglakas ng loob; iniwan namin ang Maynila at lumipat ng tirahan sa Mindanao; naging mga full-time na magsasaka kami. Gumawa kami ng mga nursery ng niyog at abaca. Plano naming gumawa rin ng nursery ng cacao at turmeric. Um-attend kami ng maraming seminar tungkol sa pagsasaka, at kaagad naming in-apply ang mga natutunan. Nagmiyembro kami ng mga farmers cooperative para magkaroon kami ng supplier ng inputs at mamimili ng aming mga produkto. Kahit wala kaming karanasan at kaalaman sa pagsasaka, naglakas kami ng loob. Naniniwala kami na kasama namin ang Diyos. Pag kasama ang Diyos, imposibleng mabigo. Pag hindi kasama ang Diyos, imposibleng magwagi. Ang Diyos ang nagbibigay sa amin ng tapang at lakas ng loob na siyang pinagmumulan ng tagumpay.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)